Benigno Aquino III

[OPINION] #SalamatPNoy

Hermund Rosales

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINION] #SalamatPNoy

Graphic by Guia Abogado

'[S]a dulo ng lahat ng ito, nakakangiti pa rin ako. Dahil alam ko na naglingkod ako sa mabuting tao...'

Hi, Sir. 

June 2016 yung huling talumpati na isinulat ko para sa ’yo. ‘Di ko inasahan na pagkatapos ng limang taon, heto ako at nagsusulat na tungkol sa ’yo. 

Ito po ‘yung pinakamahirap isulat, kahit pa hindi naman ako mase-stress sa pagpapa-edit, at hindi mo na ito mapapa-edit. 

Ito rin, Sir, ‘yung pinakamalungkot. Kasi hindi ko pa naisusulat o iniisip ko pa lang kung anong isusulat, nakakailang iyak na ako. 

Tawa. Tapos iyak. Tapos tawa ulit. At iyak na naman. 

Pero ganun naman talaga. Kailangang maghalo ‘yung mga emosyon, para depensahan ang sarili mula sa matinding lungkot. 

Marami nang naisulat at marami pang maisusulat tungkol sa’yo, kaya ibabahagi ko na lang ‘yung mga personal sa akin. 

Must Read

WATCH: Noynoy Aquino’s last hours with the Filipino people

WATCH: Noynoy Aquino’s last hours with the Filipino people
Mula sa pusong talumpati

Gaya ko noon, marami siguro ‘yung hindi nakakaalam na may mga “speechwriter” pala. Pero dahil kay PNoy, malamang, marami ‘yung nakaalam. 

Paano ba naman, ilang beses ding sinabi ni Sir sa entablado ‘yung pinaka-nakapanlulumong linya na ayaw naming marinig bilang mga speechwriter: 

“Kung makikita ‘nyo po, pinababa ko na ‘yung teleprompter, hindi ko po kasi nagustuhan ‘yung inihandang talumpati.” 

Minsan, susundan pa ni PNoy ‘yun ng “parang hindi galing sa puso.” Aray.  

Tapos ‘yung mga kasama namin sa event, mga taga-PMS, RTVM, at Protocol’s office, titingin sa amin, at ‘yung iba, tatapikin pa kami, na para bang nakikidalamhati. Mapapangiti na lang kami, pero mangilid-ngilid na rin luha ko kapag ganun. 

Hindi namin gets kung bakit kailangan talagang banggitin ‘yun. Pero alam din naman namin na “buwelo” ni Sir ‘yun para mas makakonekta sa mga dumalo. Saka pag-recognize na rin na may mga tumutulong sa mga speech. Kahit dumaan na ‘yun sa edits niya, kapag nakita niya ‘yung mga audience at natimpla na niya kung ano ang dapat sabihin, gusto niyang iparamdam na galing sa kanya ‘yung mga sasabihin. 

At kung babalikan din naman, sa anim na taon at marami pang talumpati na magkakasama naming binuo at pina-edit o kinatay niya, na hindi naman niya pinababa ang teleprompter, puwede naming isipin na nagustuhan niya ang mga ‘yun, at itinuring niyang “mula sa puso” namin isinulat. 

Must Read

WATCH: What Noynoy Aquino’s death means for the Philippines

WATCH: What Noynoy Aquino’s death means for the Philippines
Patawag

Kapag sinabing may “patawag” sa private office, ibig sabihin nun, may ipapaedit si Sir. Kapag nangyari yung patawag pagkatapos ng isang event na nagsalita si PNoy, ibig sabihin, may comments siya sa speech.  

Naaalala ko nung minsan kaming ipinatawag, after ng necrological service para sa isang National Scientist. 

Sobrang kabado namin, mukhang masesermunan kami. Kapag kasi may hindi siya nagustuhan na speech, line by line, kumbaga sa tula, i-wo-workshop niya. 

Kapag may ka-meeting pa siya, maghihintay kami ng ilang minuto o ilang oras. Kaya humahaba din yung kaba. 

Laking gulat namin nung hapon na ‘yun, paglabas ng opisina, sinalubong kami ng ngiti ni PNoy. Nagustuhan niya ‘yung speech. 

Ang sabi niya: “Perfect na sana. Kaso may isang mali. Siyentista ang inilagay ‘nyo. Dapat sayantist.”

Pinigilan kong mag-comment. Ang alam ko talagang salin ng scientist ay ‘yung ginamit namin. Pero baka ‘yung “almost perfect na,” maging bato pa.

Sa sobrang nagustuhan niya yung speech, binigyan niya kami ng tig-isanlibo. Sa sobrang tuwa ko, binalak ko pang ipa-frame ‘yun. Pati ‘yung sobre na may “Good job.” 

Pero nagastos ko din naman. Ambisyosang frog siguro ako na inisip na may mga susunod pa. Ayun, hindi na nasundan. 

Pero, may isang beses din na habang naghihintay kami ng pa-edit niya sa Bahay Pangarap, lumabas siya sa kuwarto at nagtanong: “Sino’ng size 10 sa inyo?” 

Bago pa ako makapag-isip, napansin ko na lang na nakataas na ‘yung kamay ko at buong kumpiyansa kong sinabing: “Ako, Sir!” 

Maya-maya, may dala na siyang kahon na may running shoes at ibinigay sa akin. 

Habang tinitingnan kung gaano kaganda ‘yung sapatos na galing sa Presidente ng Pilipinas, sa loob-loob ko, sa totoo lang, size 11 ako. 

SONA

Pinaka-nakakatakot na parte ito ng taon para sa’kin. 

Nagsisimula kong maramdaman ang simoy ng Pasko, kapag natapos na namin i-shoot ‘yung video message para sa Christmas at New Year kasama siya. Mahaba-haba talagang hintayan at shoot lagi ‘yun, gaya ng pag-shoot sa video message para sa Semana Santa at Pasko ng Pagkabuhay. 

Pero pagtuntong ng Enero, dapat, nagsisimula na sa draft ng SONA. Habang palapit nang palapit ‘yung araw ng SONA, paikli nang paikli na rin ang tulog namin, hanggang sa wala na talagang tulugan. 

May isang SONA na pinatawag niya kami, at wala kami halos tulog lahat. Sa hindi ko rin naman malaman na dahilan bukod sa katangahan at kasabawan, naisip ko na ‘yung Vicks na nadala ko sa opisina ay dalhin sa private office. At para hindi antukin, naglagay ako ng konti sa bandang mata. 

Gumana! 

Gising na gising ako buong meeting. Pero pikit naman ako nang pikit at napapaluha habang nagpapaedit siya dahil sa hapdi. 

Napapayuko ako para magtago, pero kailangan din namang humarap sa kanya kasi baka isipin niya, nakakatulog ako. Hindi ko alam kung napansin ni PNoy ‘yun, at inisip na lang niya na napapapikit ako sa antok, o napapaiyak sa edits n’ya. 

May patawag din na naramdaman niyang pagod at puyat kaming lahat, kaya imbes na papuntahin kami kinabukasan, kahit ilang araw na lang ay SONA na, ipinagpaliban niya muna para makapagpahinga kami. 

Lahat ng pagod na ‘yun, bawing-bawi naman sa tuwing natatapos niyang i-deliver ang SONA. Pakiramdam kasi namin, pinapalakpakan din kami. 

Must Read

Noynoy Aquino after 2016: ‘Bumaligtad ang mundo’

Noynoy Aquino after 2016: ‘Bumaligtad ang mundo’
Pahabol na edits

Sa anim na taon na ‘yun, kailangan din talagang magpakasundalo sa mga biglaang mga pa-edit sa speech.  Kapag umaga ang speaking engagement, kailangan nang tumambay ng nakatokang speechwriter sa Bahay Pangarap para abangan ‘yung edits ni Sir. 

Malas lang siyempre kapag madaming edits at kailangan nang umalis. Sa sasakyan na i-e-edit ‘yun. Dapat kasingbilis ng takbo ng convoy ang pag-type, at isipin na lang na “imortal ka sa hilo at suka.”

Ang malala, kapag out of town ang event, kailangan sa chopper mag-edit at mag-print, para paglapag, ma-email na at naka-ready na sa teleprompter ‘yung speech pagdating ni PNoy sa venue. 

Minsan pa nga, ipinapakilala na siya, may kailangan pang i-edit. Ganoon siya katutok at kapartikular sa mga detalye. 

Paalam at pagpupugay

Sabi nga ni Archbishop Soc Villegas, “Sa kanyang pagtawid sa kabila, naroroong yayakap sa kanya ang kanyang dalawang bayaning magulang — proud parents of a noble son. Nakakainggit. There is a new great Filipino in heaven, joining his great Filipino parents.”

Sir, matagal-tagal din kayong hindi nagkakuwentuhan nina Senator Ninoy at President Cory, kaya sure ako na paulit-ulit mo rin sa kanilang sasabihin ‘yung 66,800 classrooms na naipagawa para punuan ‘yung minana mong backlog, ‘yung 100% na sitio na napailawan na sa buong bansa, ang 4.4 milyong pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kung paanong mula sa “Sick Man of Asia”, naging “Asia’s Rising Tiger” ang Pilipinas, at kung paano mo ipinagtanggol ang ating teritoryo at soberanya mula sa Tsina, at ang marami pang accomplishment na nagawa ng administrasyon mo. At malamang, i-jo-joke mo rin siguro sa kanila ‘yung love life mong mala-coke. “Dati regular, na naging light, hanggang sa naging zero.”

Para sa akin, hindi na rin naman nakapagtataka na nanatiling single si PNoy dahil ginawa na niyang kabiyak ng puso ang paglilingkod sa Pilipinas, at nagsilbi nang tunay na ama sa pagkalinga sa Pilipino. 

#SalamatPNoy

Pagkatapos ng termino ni PNoy, kay Senator Leila de Lima na ako nagtrabaho, hanggang ngayon. Nalulungkot ako sa nangyari kay PNoy at sa sitwasyon ngayon ni Senator Leila, na isa sa mga pinakanadurog ang puso nang mabalitaan ang pagpanaw ni Sir. 

Pero sa dulo ng lahat ng ito, nakakangiti pa rin ako. Dahil alam ko na naglingkod ako sa mabuting tao, at patuloy akong nagsisilbi sa isa pang mabuting lider na pinagkatiwalaan ni PNoy; mula sa mga pahayag niya sa publiko at personal na liham na ipinapadala sa Camp Crame, hindi nawala ang suporta at tiwala niya kay Senator Leila. 

Sabi nga ni Padre Roque Ferriols, “Kapag nasabi na ang lahat ng masasabi, ang pinakamahalaga ay hindi masasabi. Magagawa lamang.”

Habambuhay kong ihahayag Sir ‘yung pagiging isang mabuti at totoong tao mo na personal kong nasaksihan. 

At gaya ng madalas mong panghuling bahagi ng talumpati, taas noo ang aking pagsaludo: Maraming salamat, isang karangalan na makapaglingkod sa isang Noynoy Aquino at sa sambayanang Pilipino. – Rappler.com

Si Hermund M. Rosales ay isa sa mga speechwriter ni dating pangulong Benigno S. Aquino III mula 2010 hanggang 2016. Kasalukuyan siyang nasa Tanggapan ni Senator Leila M. de Lima bilang bahagi ng Media and Communications Team. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!