public transportation

[OPINYON] Dear Mamang Tsuper

Maria Lucille Roxas

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Dear Mamang Tsuper

Marian Hukom/Rappler

'Akala nila ay madali kayong takutin. Hindi madaling takutin ang mga tsuper na panday sa hirap, panganib, at dahas ng lansangan!'

Dear Mamang Tsuper,

Ako po ay regular na pasahero ng dyip. Sumulat ako sa inyo ngayon dahil baka hindi ko na maiparating ang walang hanggang pasasalamat sa pagsisilbi ninyo sa aming mga pasahero sa loob ng maraming dekada.

Nang iniutos ng dating presidente na si Rodrigo Duterte noong 2017 ang PUV Modernization Program (PUVMP) o ang jeepney phase-out, nag-alala ako para sa inyo. Anong mangyayari sa inyo kung ipagbabawal na sa kalsada ang tradisyunal na dyip? 

Dahil naisakay ninyo ako sa ‘di na mabilang na beses, masasabi ko na maaasahan kayong kaagapay mula noong nag-aaral ako hanggang ngayon sa aking paghahanapbuhay. Kahit hindi tayo magkakilala, dama ko ang ating ugnayan dahil sa hinaba-haba nang panahon na isinakay ninyo ako. Nakatabi ko na kayo sa unahan ng dyip nang maraming beses. Madalas kong pinagmamasdan ang pagkuha ninyo ng bayad, pagbibilang ng baryang sukli, at pag-abot nito habang kayo’y nagmamaneho, gayundin ang tila ritwal na pagbili ninyo ng sampagita tuwing hapon para ilagay sa sabitan ng rosaryo sa windshield. Kung minsan ay nakikinig ako sa usapan ninyo ng inyong kasama sa pamamasada. 

Iba-ibang uri tsuper ng dyip ang nakapagsakay sa akin. May kaskasero, barumbado, masungit, magalang, medyo bastos, mabigat ang paa kung umapak sa preno. Maraming tsuper ang napahanga ako sa kanilang galing magmaneho dahil magaling magsisingit lalo pag matrapik. Lahat ng tsuper, anupaman ang taglay na katangian, ligtas akong naihatid sa aking patutunguhan. Kaya talagang nag-aalala ako para sa inyo at inyong pamilya oras na ipinatupad ang jeepney phase-out. 

Magmula noon ay sinubaybayan ko ang bawat kilos-protesta ng inyong mga samahan. Kahit alam kong hindi maka-mahirap si Ginoong Duterte ay nag-asam ako ng himala na pakinggan niya ang inyong sentimyento at ibasura ang PUVMP. Hinihiling ko tuwing may tigil-pasada na hindi sana magalit sa inyo ang mga pasaherong naapektuhan ng inyong pagkilos; na maintindihan nila ang inyong kalagayan dahil magkaugnay tayo. Kami, umaasa sa minamaneho ninyong dyip upang makarating sa lugar ng aming mga hanapbuhay at paaralan, habang kayo naman ay umaasa sa aming pamasahe upang mabuhay ang inyong pamilya. 

Bago matapos ang nakaraang taon, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na hanggang Disyembre 31, 2023 na lamang talaga sa mga lansangan ang mga dyip ninyo kung hindi ninyo kokonsolidahin ang inyong mga sarili sa isang kooperatiba o korporasyon. Habang papalapit nang papalapit ang itinakdang deadline ay mas tumindi ang pag-aalala at kaba ko. Pero hindi kayo napaatras ng banta ng DOTr na hindi na kayo pwedeng pumasada kung hindi kayo konsolidado paglampas ng deadline. Akala nila ay madali kayong takutin. Hindi madaling takutin ang mga tsuper na panday sa hirap, panganib, at dahas ng lansangan! Pinaarangkada ninyo ang isang linggong tigil-pasada! Hinarap ninyo ng tatag at tapang ang nakaambang pagpatay sa inyong ikinabubuhay. 

Papalapit na ang Pasko’y tuloy pa rin ang inyong tigil-pasada, tigil-pasada na ang kahulugan ay gutom para sa inyong buong pamilya. Naintindihan ko ang ibig ninyong sabihin, mas pinili ninyong maramdaman ang gutom sa paparating na Pasko dahil umaasa kayong makikita at pakikinggan ng kasalukuyang Presidente Marcos ang inyong kalagayan at hinaing. Tiyak namang matinding gutom din ang naghihintay sa inyo kapag hindi na kayo pinayagang pumasada. ‘Di nga ba’t mas mababait, mas mapagbigay ang mga tao tuwing panahong ng kapaskuhan? Pero, walang talab ang diwa ng kapaskuhan sa mga bingi, bulag, at manhid sa kalagayan ng mga taong maliliit na kagaya ninyo!

Maging ang Korte Suprema ay wala ring ginawa sa Urgent Motion for Temporary Restraining Order na hinihingi ninyo. Nakakadismaya na ang “urgent” pala ay mga 20 araw ang katumbas: 10 araw para sumagot ang DOTr at posibleng mga 10 araw o higit pa bago magbigay ng desisyon ang pinakamataas na hukuman kung pagbibigyan ang hinihingi ninyong TRO. Akala ko ang “urgent” ay parang emergency, nangangailangan ng agarang pagtugon o aksyon.

Mamang Tsuper, naiintindihan ko ang inyong problema. Saang bulsa ninyo kukunin ang P2.8M na halaga ng bagong unit ng dyip na mini-bus naman ang itsura? Sabi ng DOTr dapat ay Euro-4 compliant engine ang ipapalit ninyong bagong unit ng dyip para mabawasan ang polusyon na nililikha ng mga luma ninyong sasakyan. Pero paano makakabawas sa polusyon ang Euro-4 compliant engine gayong langis rin ang magpapatakbo rito? Sa katatapos na UN Climate Change Conference, binigyang signal ng COP28 agreement ang “beginning of the end” of the fossil fuel era. Sabi ng UN Climate Change Executive Secretary na si Simon Stiell, “Now all governments and businesses need to turn these pledges into real-economy outcomes, without delay.” 

Must Read

IN NUMBERS: Why jeepney phaseout is anti-poor, will do little for environment

IN NUMBERS: Why jeepney phaseout is anti-poor, will do little for environment

Susunod ba ang Pilipinas, na signatory sa UN Framework Convention on Climate Change, sa napagkasunduang ito? Hindi ba sasabay ang Pilipinas sa martsa ng mga bansa na wakasan na ang paggamit ng fossil fuel dahil ito ang labis na nagbubuga ng greenhouse gases sa atmospera na nakakasira sa klima ng daigdig? Kung gayon, ang inirerekomendang modernong dyip na Euro-4 compliant engine ay hindi makakabawas sa polusyon na nagmumula sa carbon ng mga krudo at gasolina. Bakit ginagamit pang dahilan ang polusyon na nanggagaling sa tradisyunal ninyong dyip gayong hindi naman sagot sa pagbawas ng carbon sa hangin ang nirerekomendang modernong dyip ng DOTr? 

Hindi ang dyip ninyo ang nakakadagdag sa polusyon ng mga lansangan sa bansa kundi ang mga pribadong sasakyan na bumubuo sa 93.0% (12.8M ng 13.83M) ng rehistratadong mga sasakyan, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2022. Sinisisi nila ang tradisyunal ninyong dyip sa paglala ng polusyon sa mga lansangan para madulas nilang maipasok ang PUVMP, isang programang nagbukas sa pandarambong ng mga tiwali sa gobyerno at pagkamal ng tubo ng mga ganid na kapitalista. 

Ang kumpanyang Pilipino na Francisco Motors na naitatag noon pang 1947 at kilala sa paggawa ng tradisyunal na dyip ay nakapagbuo ng dyip na fully-electric na nagkakahalaga lamang ng P985,000. Ang dyip na ito ay nagtataglay ng lahat ng hinihinging features ng DOTr kagaya ng ramp para sa mga PWD, CCTV camera, naka-aircon, at otomatikong sistema sa pagkuha ng bayad. Aprubado ng gobyerno ang kanilang modelong dyip noon pang 2018.

Sinabi ng may-ari ng Francisco Motors na si G. Elmer Francisco, 5,000 modernong dyip lamang ang target nilang gawin sa ngayon dahil P1.2B lamang ang inilaang subsidiya ng gobyerno para rito. Bakit ganoon? Ayon sa Department of Energy (DOE) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), may humigit-kumulang 250,000 na mga dyip sa Pilipinas. Kung ganoon, bakit para sa 5,000 unit lamang ang binigay na subsidiya ng gobyerno sa Francisco Motors? Hindi ba’t napakalaki ng diprensya ng P985,000 sa P2.8M na halaga ng isang unit ng modernong dyip? Anu-anong mga kumpanya at sino ang mga nagmamay-ari ng mga kumpanya na gagawa sa 245,000 pang unit ng modernong dyip? Sentido kumon ang magsasabi na dapat ay lakihan ng DOTr ang subsidiya sa Francisco Motors, Sarao Motors, at iba pang lokal na gumagawa ng dyip sa halagang mas mababa sa P1M para sa kanila magpagawa ng dyip ang mga maliliit na operaytor at tsuper. Ang kalahok sa PUVMP ay maliliit na operaytor at mga tsuper na walang milyones kaya bakit may mga modernong dyip na nagkakahalaga ng P2.8M? Sentido kumon ang magsasabi na malalaking kapitalista ang nasa likod ng konsolidasyon ng mga prangkisa at pagsasa-korporasyon ng mga ito. Sentido kumon rin ang magsasabi na may mga tutubo nang malaki sa modernisasyon ng dyip. 

Must Read

[OPINION] To make the PUVMP work for the poor, the government needs to spend

[OPINION] To make the PUVMP work for the poor, the government needs to spend

Ang totoo, hindi namin hinahanap ang required features ng modernong dyip, gaya ng otomatikong sistema sa pagbayad at maging ang pagkakaroon ng aircon. Naiaabot namin ang bayad sa tsuper sa pamamagitan ng pasa-bayad; at maging ang sukli ay babalik sa ganitong paraan. May mga pila ng dyip na kinokolekta na ang bayad bago pa sumakay ang pasahero. Ang bukas na bintana ng dyip ang nagpapaikot ng hangin sa loob kaya kung may katabi kaming may anghit o may bitbit na malansang isda ay hindi kami nahihimatay. Okay ang may aircon pero kung magmamahal ang pamasahe dahil dito, hindi bale na lang. Magpapaypay lang kami kapag nakadama ng init. Mas mahalaga ang kasiguruhan na may masasakyang mababa ang pamasahe.

Sabi ng LTFRB hindi raw magkakaroon ng transport crisis sa hindi pagpasada ng mga tradisyunal ninyong dyip ngayong tapos na ang deadline. Ayon kay DOTr Undersecretary TJ Batan, nakita raw sa pag-aaral nila hinggil sa modernisasyon ng dyip na sapat na ang 60-70% na konsolidadong ng mga PUV sa pangangailangan ng mga sumasakay na pasahero. Sinabi naman ni Mercy Paras-Leyna, miyembro ng LTRFRB, na may iba pang moda ng transportasyon na masasakyan kagaya ng bus o taxi. Idadagdag na rin dito ang tricycle o motorsiklo. 

Parang hindi taga-Pilipinas ang mga opisyal ng DOTr at LTFRB. Marahil ay hindi sila sumasakay sa pampublikong mga sasakyan dahil hindi nila alam ang hirap na dinaranas naming mga pasahero sa pagsakay sa alinmang pampublikong sasakyan. O wala lang sila talagang pag-intindi at malasakit sa kalagayan naming mga pasahero. Ngayon ngang tumatakbo pa sa mga lansangan ang mga tradisyunal na dyip ay pahaba nang pahaba ang pila ng mga taong naghihintay makasakay. Madalas ay may unahan at takbuhan para mauna sa sasakyang behikulo. Marami sa amin ang gabi na nakakarating sa bahay dahil sa tagal nang paghihintay bago makasakay sa pampublikong sasakyan. Hindi lahat ng rutang pinapasadahan ng mga dyip ay may bus na pumapasada. Mas mataas ng ilang piso ang pamasahe sa bus kaysa sa dyip. Pinakamurang moda rin ng transportasyon ang dyip at ang mga tumatangkilik dito ay ang masang Pilipino. Kaya ba ng isang construction worker o janitress ang pamasahe sa taxi? Ito namang mga tricycle drayber, ubod ng mahal kung maningil ng pamasahe kahit pa napakatipid komunsumo ng gasolina ang mga motorsiklo nila. 

Para sa DOTr ay matagumpay ang konsolidasyon ng mga dyip. Ayon sa LTFRB, 145,721 o 76% na mga dyip sa buong bansa ang konsolidado na, ayon sa datos nito noong Enero 4, 2024. Pero sa National Capital Region (NCR), 52.54% o 26,055 lamang na mga dyip ang konsolidado. Hindi ba ang NCR ang pinakamatao at pinaka-busy na lugar sa buong bansa dahil ito ang sentro ng komersyo? Ito rin ang sentro ng pamahalaan. Paano naging matagumpay ang konsolidasyon kung halos kalahati ng mga dyip sa NCR ay hindi konsolidado? Ang sabi ni G. Mody Floranda, presidente ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), 73.5% ng mga dyip sa Metro Manila ang hindi sumali sa konsolidasyon ng prangkisa hanggang noong Disyembre 29, 2023. 

May nagsabi na oras na para iwan ang indibidwalistikong operasyon at bitiwan na ang dyip bilang icon ng pagka-urong at sagisag ng ating “heritage of smallness.” Sa ibang aspekto ay maaaring tama ito, pero dapat kilalanin ng lahat na ang pagiging indibidwalistiko ng mga tsuper ay simbolo ng pagtayo nila sa sariling paa dahil alam nilang wala silang ibang maasahan kundi ang kanilang sarili. Maliit man tignan ang dyip ngunit para sa mga tsuper, ito ay matibay na sandigan sa pagtaguyod ng kanilang pamilya. Ayaw ng mga tsuper na mangamuhan dahil nais nilang manatiling malaya. Kahit nga lumiit nang lumiit ang kanilang kita sa pamamasada dahil sa walang habas na pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina simula ng ipatupad ang Oil Deregulation Law, hindi sila bumitaw sa manibela ng kanilang dyip. Sabi nga ng PISTON at Manibela, isa ring transport group, hindi sila kontra sa modernisasyon ng dyip. Ibang usapin nga lang ang pagpapasuko sa kanilang prangkisa. 

Mamang Tsuper, sa lahat ng pagkakataong sumakay ako sa dyip ninyo, hindi lamang ang pagdating sa destinasyon ang iniasa ko sa inyo. Inilagay ko nang buong pagtitiwala sa inyong mga kamay ang aking buhay. Maraming salamat, hindi ninyo ako binigo. 

Kaya Mamang Tsuper, habang itinutulak kayo sa bangin nitong mga walang malasakit na nakaupo sa gobyerno at ganid na mga kapitalista, hindi ako tatalon pababa ng dyip ninyo. Pasahero pa rin ninyo ako, saan man umabot ang byaheng ito.

Lubos na gumagalang,
Maria

– Rappler.com

Maria Lucille Roxas is a part-time faculty member of the Filipino Department at De La Salle University. She has a doctorate in Philippine Studies from the University of the Philippines.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!