Philippine economy

[ANALYSIS] Hindi ‘golden age’ ng ekonomiya ang Batas Militar

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Hindi ‘golden age’ ng ekonomiya ang Batas Militar

Bago ang pandemya ng COVID-19, naitala ang pinakamalalang krisis pang-ekonomiya ng Filipinas noong mga huling taon ng Batas Militar. Isa-isahin natin kung paano nangyari iyon.

Bago ang pandemya ng COVID-19, naitala ang pinakamalalang krisis pang-ekonomiya ng Filipinas noong mga huling taon ng Batas Militar. Isa-isahin natin kung paano nangyari iyon.

Hanggang ngayon, marami ang nagsasabi at naniniwalang “golden age” ng ekonomiya natin ang Batas Militar ni Marcos – isang panahon kung kailan lubos na sumigla at umunlad daw ang pamumuhay ng mga Filipino.

Isa itong malaking kasinungalingan. Isa-isahin natin ang mga dahilan.

Bago ang pandemya ng COVID-19, naitala ang pinakamalalang krisis pang-ekonomiya ng Filipinas noong mga huling taon ng Batas Militar. 

Noong 1984 at 1985, ang ating gross domestic product o GDP – na sumusukat sa kabuuang kita ng bansa – ay lumiit nang 7% sa loob ng dalawang magkasunod na taon. 

Lumagpak din ang kita ng karaniwang Filipino nang 9% sa panahong iyon, at ang kita niya noong 1982 ay ’di nabawi hanggang 2003. Ibig sabihin, ang kita ng bawat Filipino noong 2003 ay kaparehas lang ng kita niya noong 1982, o makalipas ang mahigit dalawang dekada. 

Tinatawag itong “lost decades of Philippine development.”

“Leader of Asia” din daw tayo noong panahon ni Marcos. Mali. Bagama’t tayo ang pinakamaunlad na bansa sa ASEAN noong 1950s, naungusan tayo ng Malaysia noong dekada ’60, at na-overtake ng Thailand at Indonesia noong dekada ’80.

Samakatuwid, sa panahon ni Marcos, napag-iwanan tayo ng mga kapitbahay sa ASEAN at tinaguriang “sick man of Asia.”

Kung ’di tayo lumihis sa landas na tinahak ng mga karatig-bansa, marahil tatlo hanggang apat na beses na mas malaki ang kita ng bawat Filipino ngayon. (BASAHIN: Were it not for Marcos, Filipinos today would have been richer)

Hindi maginhawa ang buhay noon

“Maginhawa” daw ang buhay noong Batas Militar. Ngunit sa krisis noong umpisa ng dekada ’80, walang trabaho o kulang ang kinikita ng 6 sa 10 katao. Napakaraming pinili na lang na makipagsapalaran abroad bilang overseas Filipino workers.

Sobrang bilis din ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin: naitala ang pinakamataas na inflation rate ng bansa (50%) noong 1984. Hanggang ngayon, ’di pa ito nadadaig. Sa katunayan, dekada ’70 pa lamang ay naitala na ang double-digit na inflation rates. Dahil dito ay bumaba ang kita ng mga manggagawa, at iyon ay nagbigay-daan sa kaliwa’t kanang mga protesta at strike. 

(Taliwas sa mga sinasabi ng loyalists, hindi senyales ng maunlad na bansa ang sobrang taas na inflation.)

Lumaganap din ang gutom at kahirapan noong diktadura. Noong 1984, sa bawat 10 na Filipino ay 3 hanggang 5 ang undernourished. Noong 1985, lagpas sa kalahati ng ating mga kababayan ang naghirap. 

Naganap din noon ang famine o matinding taggutom sa Negros Island, kung saan libo-libong mga sakada ang nawalan ng trabaho at 1 sa bawat 5 bata ang lubhang malnourished. Kabilang sa kanila ang buto’t balat na si Joel Abong.

Malakas na piso, mahinang ekonomiya

Ipinagmamalaki ng loyalists ang exchange rate na P2 kada dolyar dahil daw kay Marcos. 

Pero kailanman ay hindi naitala ang P2 kada dolyar noong panahon ni Marcos. Noong 1965 – kung kailan nanalo siya sa unang pagkakataon bilang pangulo – nasa P3.4 kada dolyar na ang exchange rate. Naging P6.4 kada dolyar iyon noong 1970, lalo pang humina matapos noon.

Kahit hindi kasing lakas ng P2 kada dolyar, malakas-lakas ang piso noong panahon ni Marcos. Pero hindi iyon dapat ipagdiwang, dahil hindi tuloy lumago ang ating export industry na kumikita ng dolyar at maaaring sumigla sana kung humina ang piso. 

Puwede sanang pinahina ni Marcos ang piso upang makatulong sa exports. Ngunit maraming mga industriya ang lumaban sa polisiyang iyon, lalo na ’yung importers na mura ang bili sa abroad kapag malakas ang piso. At dahil marami sa industrialists noon ay cronies (kamag-anak, kaibigan) ni Marcos, wala rin sa interes ni Marcos na pahinain ang piso. 

Kung hindi pa nagkaroon ng krisis sa pananalapi ang gobyerno noong 1970 at 1984, hindi pa pahihinain ng diktadura ang piso. Ngunit ang biglaang paghina ng piso ay nagdulot ng mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, naging napakamahal kasi ang imported goods. 

Krisis ng utang

Bakit nga ba nagkaroon ng krisis sa pananalapi ang diktadura ni Marcos? Maraming dahilan. 

Una, naging masyadong magastos si Marcos. Sa katunayan, noong unang termino pa lang niya, lumobo nang 43% ang gastos ng gobyerno mula 1964 hanggang 1968. 

Bukod sa kaliwa’t kanang infrastructure projects at iba pang proyekto – na ’di naman lahat ay kapaki-pakinabang – binuhusan din ng pera ng gobyerno ang kandidatura ni Marcos noong 1969 para sa kanyang reelection. Tumalon nang 25% ang gastos ng gobyerno mula 1968 hanggang 1969. Sinasabing isa iyon sa pinakamagastos (at pinakamarumi) na eleksiyon sa ating kasaysayan. Sa pangalawang termino ni Marcos at umpisa ng Batas Militar, lalo pang naging waldas ng diktadura.

Ikalawa, uminog ang industriyalisasyon noon sa importasyon ng raw materials, at habang lumalaki ang ekonomiya ay mabilis nagkaubusan ng mga dolyar. Ngunit dahil hindi nga napalago ni Marcos ang export industry, ’di madaling napalitan ang nauubos na dolyar.

Ikatlo, para pondohan ang matinding kakulangan ng piso at dolyar ng gobyerno, gabundok na pera ang inutang ni Marcos: mula 1972 hanggang 1985, lumobo ang panlabas na utang ng bansa nang tumataginting na $24 bilyon.

Ikaapat, ang mga bagong inutang ng gobyerno ay napunta sa mga proyekto na hindi efficient o strategic, kaya nasayang lang. Halimbawa, bagama’t magarbo ’yung “bopis hospitals” sa Quezon City (Heart Center, Lung Center, etc.), ’di nabigyan ng sapat na atensiyon ang health care sa ibang bahagi ng bansa. 

Sa napakaraming pagkakataon, pinerahan lang din ang malalaking proyekto. Halimbawa, mula sa pagpapatayo ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP), ’di umano’y kumita ng humigit-kumulang $100 milyon sina Marcos at kanyang crony na si Herminio Disini, na nagsibling broker. Kailanman ay ’di nakalikha ng kuryente para sa bayan ang BNPP.

Ikalima, flexible kasi ang interest rates ng kaliwa’t kanang utang nina Marcos. At nagkataong tumaas ang interest rates sa buong mundo noong umpisa ng dekada ’80 dahil sa mga polisiya ng US. Minalas tayo at sabay na lumobo rin ang interes ng ating gabundok na utang. Mas mabilis tuloy naubos ang ating suplay ng dolyar, at sa isang punto’y nagsinungaling pa ang Central Bank hinggil sa totoong suplay ng ating international reserves.

Ikaanim, bago pa man patayin si Ninoy Aquino noong 1983, maraming negosyante na ang nawalan ng kumpiyansa sa diktadura. Ang ibang mamumuhunan, pinili na lang ilagak ang kanilang kapital sa labas ng bansa. Tinatayang $11.3 bilyon ang nawalang kapital sa ating ekonomiya mula 1973 hanggang 1986. Lalong nagpalala iyon sa kakulangan natin ng pambayad-utang.

Ikapito, sa ilalim ng “crony capitalism” na ininatag ni Marcos, sistematikong ninakawan nina Marcos ang kaban ng bayan at pinerahan ang pribadong sektor. Bukod sa pinalala ng crony capitalism ang kalagayan ng pananalapi ng gobyerno (dahil maraming mga negosyo ng cronies ang pinautang ng gobyerno), nagsialis din ang mga negosyante papunta sa ibang bansa kasama ang kanilang kapital dahil sa kawalan ng kompetisyon (level playing field) sa Filipinas. (BASAHIN: Just how bad was corruption during the Marcos years?)

Ang ending, idineklara ng economic managers ni Marcos noong 1983 ang “debt moratorium.” Ibig sabihin, ’di na natin kayang magbayad ng ating mga utang. 

Nakahihiyang pangyayari iyon, at wala tayong ibang mautangan bukod sa International Monetary Fund o IMF. Pero kapalit ng pagpapautang nila sa atin, kinailangang itama ni Marcos ang mga maling polisiya niya sa ekonomiya, tulad ng masyadong waldas na paggastos at masyadong malakas na piso. 

Sa kalaunan, naremedyohan naman ang pananalapi ng gobyerno. Pero hindi sana mauuwi sa matinding debt crisis ang bansa kung naging maayos ang pamamalakad nina Marcos at kanyang cronies sa ekonomiya noong Batas Militar – at kung hindi abot-abot ang kanilang kasakiman sa pera at kapangyarihan.

Huwag kalimutan ang kasaysayan ng Batas Militar, at huwag hayaang maulit ang trahedyang iyon sa ating bansa. Bumoto nang tama ’di lang sa 2022 kung hindi sa lahat ng darating pang eleksiyon. 

Never forget. Never again. – Rappler.com

JC Punongbayan is a PhD candidate and senior lecturer at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.