Philippine economy

[ANALYSIS] Giyera sa Ukraine: Ano ang epekto sa ekonomiya ng Pilipinas?

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Giyera sa Ukraine: Ano ang epekto sa ekonomiya ng Pilipinas?

Raffy de Guzman

Damay ang interes ng Pilipinas sa pananakop ng Russia sa Ukraine. Sa Mayo, bumoto ng kandidatong nauunawaan ang lugar ng Pilipinas sa pandaigdigang ekonomiya at politika, 'wag na yung wala sa lugar ang pagiging neutral.

Sobrang kitid ng pananaw ng ilang presidential and vice-presidential bets hinggil sa pagsakop ng Russia sa Ukraine.

Halimbawa, noong hiningan ng pahayag si Ferdinand Marcos Jr. na tumatakbo sa pagkapangulo, ’di raw niya kailangang manindigan dahil ’di naman daw involved ang ating bansa, maliban sa mga Pilipinong nasa Ukraine at Russia.

Sabi naman ng katambal niyang si Sara Duterte, ’di naman daw siya presidente o bise-presidente at wala siyang masasabi sa usaping ito. Nauna rito, sinabi niyang dapat lagi tayong “neutral” kung hindi naman daw damay ang mga interes ng Pilipinas.

Pero ’di nga ba tayo damay? Maling-mali ang pananaw na ito. At nakababahalang mapakinggan mula sa mga taong nagnanais maging pangulo at pangalawang pangulo.

Ang Pilipinas ay parte ng pandaigdigang ekonomiya, at ang walang saysay na pananakop ng Russia sa Ukraine ay nagdudulot na ng samut-saring epekto sa iba’t ibang bansa.

Sa katunayan, malamang dama mo na ang epekto nito.

Langis

Una, tumataas na ang presyo ng langis sa buong mundo dahil sa pananakop sa Ukraine.

Ang Russia kasi ang isa sa pinakamalaking oil exporters sa mundo ngayon. Responsable ito sa 4 hanggang 5 milyong bariles ng langis kada araw, o 8% ng pandaigdigang supply. Saudi Arabia, ang US, at Russia ang nasa top 3 oil producers sa ngayon. Isa rin ang Russia sa top exporters ng natural gas sa mundo.

Ngunit kaliwa’t kanan na ang “sanctions” o parusang ipinapataw ng maraming bansa sa Russia dahil sa pananakop nito sa Ukraine.

Halimbawa, hindi na pinapayagang dumaong ang tankers ng Russia sa iba’t ibang daungan sa Europe. Itinigil na rin ng ilang malalaking oil companies ang kanilang mga operasyon sa Russia. Ang ibang oil traders naman, sa ibang bansa na lang gustong bumili ng langis upang ’di madawit sa sanctions.

Pag humihigpit ang supply, tumataas ang presyo. Kaya naman umabot na ang presyo ng Brent crude sa lagpas $118 kada bariles. Ito ang pinakamataas na presyo noon mula Pebrero 2013.

Isa pang dahilan sa pagtaas ng presyo ay ayaw taasan ng OPEC o Organization of the Petroleum Exporting Countries ang kanilang produksiyon.

Bukod sa mababang supply, mataas din ang presyo ng langis ngayon dahil nanunumbalik na ang sigla ng maraming ekonomiya mula sa hagupit ng COVID-19. Mas maraming tao na ang nakalalabas ngayon at sumasakay sa mga kotse at ibang sasakyang pinapaandar ng gasolina o diesel. Kaya mataas ang demand.

Dito sa Pilipinas, hindi naman tayo direktang nag-aangkat ng langis mula sa Russia. Ngunit nadarama natin ang epekto sa mas mataas na presyo.

Siyam na linggo nang nagtataas ng presyo ang oil companies. Mula New Year hanggang Marso 1 ay tumaas na nang P9.65 and kada litro ng gasolina, P11.65 ang kada litro diesel, at P10.30 ang kada litro ng kerosene.

Sa Metro Manila, may mga lugar kung saan lagpas P70 kada litro na ang gasolina, samantalang P60 ang kada litro ng diesel.

Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay siguradong magdudulot ng mataas na inflation sa mga susunod na linggo at buwan. Halimbawa, malamang tataas ng presyo ng pagkaing umaasa rin sa mga produktong petrolyo. Tataas din ang pamasahe sa mga pampublikong sasakyan. Baka tumaas din ang bayad sa kuryente.

Ngayong Pebrero, nanatili sa 3% ang inflation – sakto sa target ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Ngunit sa kabila nito’y tumataas na ang inflation ng gasolina (32.1%) at diesel (46.4%).

Trigo (wheat)

Ang Russia at Ukraine din ang dalawa sa pinakamalalaking exporter ng wheat o trigo. Noong 2019, mula sa kanila ang 29% ng kabuuang wheat exports ng mundo.

Lumalabas na isa ang Pilipinas sa trading partners ng Ukraine pagdating sa trigo: noong 2019, sa $3.11 bilyong kabuuang wheat exports ng Ukraine, $242 milyon (o lagpas 7%) ang napunta sa Pilipinas.

Sa kabilang banda, lumalabas na noong 2020 ay mahigit 9% lang ng ating wheat imports ang galing sa Ukraine. Mahigit sa kalahati ay galing sa US.

Dahil sa giyera, malamang mababawasan ang produksiyon ng trigo sa Ukraine at Russia. At ngayon pa lang ay tumataas na ang presyo nito sa global markets. Kapag masyadong tumaas ang presyo ng inaangkat nating trigo, baka tumaas din ang presyo ng arina at tinapay. Ngunit kung gaano kataas, mahirap sabihin sa ngayon.

Buti na lang, kanin ang staple food ng mga Pilipino, at mas problema sa atin ang presyo ng bigas.

Ano ang puwedeng gawin?

May mga hakbang nang inapbruhan si Pangulong Rodrigo Duterte bilang tugon sa pagtama ng Russia-Ukraine crisis sa ating bansa.

Halimbawa, magbibigay raw ng P2.5-bilyong fuel subsidy ang gobyerno sa ilalim ng Pantawid Pasada program. Inaasahang 377,000 na drivers ang makikinabang dito. Magkakaroon din ng P500-milyong discount vouchers sa mga produktong petrolyo para sa mga magsasaka at mangingisda.

May mga panukala ring itigil muna ang pagpapataw ng excise taxes o buwis sa kada litro ng diesel at gasolina. Sa Train Law noong 2017, itinakda na puwedeng suspendihin ang nakatakdang pagtaas ng excise tax kung hihigit sa $80 kada bariles ang presyo ng “Dubai crude” sa loob ng tatlong buwan.

Ngunit ang probisyong ito ay itinakda lang para sa mga taong 2018 hanggang 2020. Kakailanganin ba ng panibagong batas para masuspende ito ngayong 2022?

May panawagan din ang administrasyong Duterte sa Kongreso na pag-aralan at kung maaari’y baguhin ang oil deregulation law at mas bigyan ng kapangyarihan ang gobyernong makialam sa presyo ng langis tuwing may ganitong klaseng krisis.

Nauna rito, ipinanukala ni Marcos Jr. na buhayin muli ang Oil Price Stabilization Fund (OPSF) na itinatag noong 1984 sa huling mga buwan ng diktadura. Ito ang trabaho ng OPSF noon: kapag bumababa ang presyo ng langis, binubuwisan ito. Kapag tumataas ang presyo ng langis, binibigyan ng subsidiya ang oil companies para mura nilang maibenta ang mga produktong petrolyo sa consumers.

Ngunit delikado kung muling makialam ang gobyerno sa presyo ng langis. Matatandaang hindi naging sustainable ang OPSF: nagdulot ito ng matinding pagkalugi ng gobyerno, at noong 1996 ay kinailangan itong isalba ng Philippine National Oil Company sa halagang P10 bilyon.

Ipinasara ang OPSF noong 1998, at nag-iwan ito ng P2.6 bilyong utang sa “Big Three” na oil companies (mahigit P7 bilyon ang katumbas nito ngayon).

’Di puwedeng ‘neutral’

Ayon sa JP Morgan & Chase, ang ekonomiya ng Pilipinas ang pinakamatatamaan ng krisis sa Ukraine: mababawasan ng 0.4 percentage point ang paglaki ng produksiyon natin ngayong taon.

Kaya maling-mali ang pahayag nina Marcos Jr. at Sara Duterte na dapat maging “neutral” tayo. Damay ang interes ng Pilipinas sa pananakop ng Russia sa Ukraine. At sa pagiging neutral nila, umaanib ba sila sa Russia? Matatandaang kinundena ng ating gobyerno ang pananakop sa emergency special session ng United Nations.

Mas may sense at pinag-isipan ang mga pahayag ng ibang presidentiables. Halimbawa, ani Senador Panfilo Lacson, “Dapat may pakialam tayo. Hindi naman masama kung makisama tayo sa peace-loving nations para maging bahagi ’yung boses natin na pagkondena, kasi aggression talaga ’yan, invasion.”

Ani naman ni VP Leni Robredo, na isang ekonomista, siguradong maaapektuhan ang ating ekonomiya, at dapat magbigay ang gobyerno ng fuel subsidies, at kung maaari’y suspendehin ang excise tax.

Sa Mayo, bumoto ng kandidatong nauunawaan ang lugar ng Pilipinas sa pandaigdigang ekonomiya at politika – at higit sa lahat, ’yung may paninindigan. ’Wag ’yung mga kandidatong wala sa lugar ang pagiging neutral. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.