Philippine inflation rate

[ANALYSIS] Pinakamataas ang inflation sa loob ng halos 14 taon. Pa’no na?

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Pinakamataas ang inflation sa loob ng halos 14 taon. Pa’no na?

Dvid Castuciano

Sa kasamaang palad, ampaw ang mga salitang namumutawi mula kay Marcos Jr. 

Noong Oktubre 2022, pumalo na ang inflation – o bilis ng pagtaas ng mga presyo – sa 7.7%. Iyon ang pinakamataas na inflation rate mula pa noong Disyembre 2008, o halos 14 taon na ang nakalilipas (Figure 1). 

Ang tagal na noon; naaalala mo pa ba kung ano’ng ginagawa mo noong Disyembre 2008?

Figure 1.

Simple lang ang ibig sabihin ng ganitong kataas na inflation: lalo pang umaarangkada ang presyo ng mga bilihing karaniwang binibili ng mga Pilipino. Tuloy, palaki nang palaki ang butas sa bulsa ng ating mga mamamayan.

Bakit lumalala ang sitwasyon?

Makikita sa Figure 2 na ang pinakamalaking sanhi pa rin ng inflation ay ang pagkain. Sinusundan ito ng mga gasutsin sa bahay, lalo na ang kuryente. 

Bagamat malaki pa rin ang kontribusyon sa inflation ng transportasyon (lalo na dahil sa nagmamahal na pamasahe), bahagyang lumiliit ito dulot ng pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo kamakailan. 

Figure 2.

Kung tutuusin, nagbibigay na ng clue ang mga datos hinggil sa aksiyong dapat gawin ng gobyerno kontra inflation. 

Makikita sa Figure 3 na parami nang parami ang food items na sanhi ng food inflation, mula sa karne, isda, gulay, tinapay, asukal, at bigas (Figure 3). 

Kung mataas ang food inflation, nararapat lang na bantayan ng Department of Agriculture, Department of Trade and Industry, at iba pang ahensiya ang presyo ng food items, at siguruhing sapat ang supply ng mga ito. Ang kakaunting supply kasi ay nakadudulot ng pagtaas ng presyo – basic lesson ito mula sa Economics 101.

Ngunit ang problema, tila kulang ang aksiyong ginagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang tutukan ang agricultural production at prices. ’Di ba siya rin ang kasalukuyang agriculture secretary. Anyare?

Figure 3.

Ang masaklap, ’di pa kasama sa datos ang epekto ng paghagupit ng Severe Tropical Storm Paeng na sumira sa napakaraming pananim at pumatay sa napakaraming hayop. Ayon sa pinakahuling tala, umabot na sa P2.74 bilyon ang kabuuang damage na dulot ni Paeng. Ang pinakanapuruhan? Produksiyon ng bigas: ang damage ay nasa P1.71 bilyon na.

Bukod sa mga dumaang bagyo, isa pang problema sa supply ng bigas ay ang pagmahal ng abono (fertilizer) dulot ng pananakop ng Russia sa Ukraine. 

Asahang ang kakulangan ng supply ng agricultural commodities ay pihadong magpapalala sa inflation sa mga susunod na buwan. Ayon nga sa ilang eksperto, maaaring magkaroon ng rice shortage sa katapusan ng 2022 o umpisa ng 2023.

Dumadagdag din sa food inflation ang patuloy na paghina ng piso kontra dolyar, dahil pinamamahal ng mahinang piso ang imported goods. Ang kaso, ang dami pa naman nating agricultural commodities na imported, tulad ng bigas, asukal, at ultimong asin (na 92%-93% ay inaangkat pala natin).

‘Di lang pagkain

Hindi lang pagkain ang salarin ng inflation.

Ipinapakita ng Figure 4 na noong Oktubre ay pumalo rin ang tinatawag na “core inflation” (o inflation kapag tinanggal ang pagkain at petrolyo). Nasa 5.9% ito noong Oktubre.

Ibig sabihin, tumataas na rin ang presyo ng maraming bagay sa ekonomiya bukod sa pagkain at petrolyo, tulad ng renta sa bahay at kuryente.

Figure 4.

Ang bill kasi natin sa kuryente, nakadepende rin sa paghina ng piso. Inaangkat kasi natin ang coal na ginagamit ng maraming plantang lumilikha ng kuryente. Kapag mahina ang piso, mahal ang imported coal, at ipinapasa sa consumers and presyo ng paglikha ng kuryente. 

Kaya naman mainam talagang bantayan ng gobyerno ang paghina ng piso, at huwag hayaan na masyado itong humina. (Dapat ding mag-invest na talaga tayo sa renewable sources ng enerhiya para sa ating kuryente.)

Pagtatanggol sa piso

Ang napakahinang piso ay nagdudulot ng karagdagang inflation. Pero to be fair, medyo natigil ang pagbagsak ng piso kontra dolyar kamakailan.

Noong Nobyembre 4, nasa P58.55 kada dolyar na tayo, pero never pa naman umabot sa P60 kada dolyar.

Ito na ang epekto ng direktang pagtanggol ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa piso. Sa mga nakalipas na linggo, bilyon-bilyong dolyar na ang ibinenta ng BSP sa merkado. At ang mas malaking supply ng dolyar ang nagpapahina sa halaga noon kontra piso. 

Ayon sa isang report, sapat pa naman ang supply ng BSP upang depensahan ang piso. Sa katunayan, maaari pa nga raw itong gumastos ng karagdagang $30 bilyon para roon.

Bukod sa pagbebenta ng dolyar, isa pang istratehiya ng BSP ay ang pagtataas ng interest rates sa mga pautang. Ngayong Nobyembre, lalo pa raw nilang tataasan ang tinatawag na “policy rate” bilang pantapat sa pagtaas na isinagawa ng Federal Reserve sa US kamakailan. 

Bakit tayo sumusunod sa galaw ng interest rates sa US? Kasi ang tumataas na interest rates doon humihigop ng mga dolyar mula sa Pilipinas, na siyang magpapahina lalo sa piso. Kaya kung gusto ng BSP na huwag masyadong lumipad ang kapital papunta sa US (at tuluyang humina ang piso), wala silang choice kundi taasan ang interest rates dito sa atin. 

Bukod dito, ang pagtataas ng interest rates ay nakatutulong din sa pagbaba ng inflation, dahil pinamamahal nito ang gastos sa pangungutang. Sino ba kasi ang gugustuhing mangutang kung ang interest rates ay napakataas?

Pero epektibo ba ang BSP sa aspektong ito? Ipinapakita sa Figure 5 na sa kabila ng tumataas na interest rates ay palakas nang palakas – imbes na pahina nang pahina – ang pangungutang sa mga nakalipas na buwan. Kabilang dito ang credit card loans, pati mga pautang para sa mga negosyo.

Sa isang banda, marahil umaasa lalo sa kanilang credit cards ang mga tao dulot ng masyadong pagtaas ng mga bilihin. Ngunit maaaring sinasalamin din ng bank lending ang recovery ng ekonomiya mula sa pandemya.

Figure 5.

Sa huli, at least alam nating may ginagawa ang BSP para awatin ang inflation. 

Ngunit ’di kakayanin ng BSP na labanan ang inflation nang mag-isa. Sa isang pahayag noong Nobyembre 4, sinabi ng BSP na they “also [continue] to strongly urge the timely implementation of non-monetary interventions to mitigate the impact of persistent supply-side pressures on inflation.”

Translated: “Sana umaksiyon na kontra inflation ang ibang ahensiya ng gobyerno, tulad ng Department of Agriculture.” May point! ’Di naman kasi sakop ng BSP ang pagsiguro sa stable na presyo ng mga bilihin sa palengke.

Speaking of pagkain, ano na ang ginagawa ni Agriculture Secretary Ferdinand Marcos Jr. sa gitna ng pinakamataas na inflation rate ng bansa sa loob ng 14 taon? Anong mga hakbang ang ginagawa niya para awatin ang presyo ng mga bilihin? At may tulong bang ipinaaabot sa pinakamahihirap na pamilyang gipit na gipit na dahil sa inflation? 

Sa kasamaang palad, ampaw ang mga salitang namumutawi mula kay Marcos Jr. 

Noong Oktubre 23, sa Negros Occidental, sinabi niya: “’Yung ekonomiya naman ng Pilipinas maayos naman.” Ngi. Saan banda? Taliwas iyon sa sinasabi ng mga datos.

Ayon naman sa isa sa kanyang economic managers, ang mga hakbang daw ng gobyerno kontra sa inflation ay nagpabuti raw sa antas ng kahirapan noong Setyembre. 

Ngunit ano ang basehan ng pahayag na ito? Paano nasabing bumaba ang kahirapan noong Setyembre kung wala namang bagong official poverty statistics kamakailan? 

Aaksiyon kaya si Marcos kontra inflation bago matapos ang taon? O patuloy lang magpapa-petiks at magbubulag-bulagan sa totoong lagay ng ekonomiya? – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ Podcast.

1 comment

Sort by
Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.