COVID-19

[Episodes] 2 years later: Paano ka binago ng pandemya?

Adelle Chua

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[Episodes] 2 years later: Paano ka binago ng pandemya?
'Mas naging malinaw sa akin na pribilehiyo lang ang naghihiwalay sa atin sa ating kapwa'

Nasa ikalawang bahagi na tayo ng Oktubre. Ilang linggo na lang, 2023 na. Magtatapos na ang ikatlong taon ng COVID-19 dito sa ating bansa.

Minsan namamangha pa rin ako kapag nakikita kong halos balik na sa dati ang paligid: ang bigat ng traffic, ang dami ng tao sa mall, ang araw-araw na pagpasok ng mga empleyado at estudyante. 

Malinaw pa kasi sa alaala ko ang mga unang araw ng lockdown. Walang tao sa kalsada, mahaba ang pila sa labas ng mga supermarket, walang masakyan kahit tricycle. Naranasan kong masiraan ng bisikleta nang tanghaling tapat habang namumuwalan ang basket ko ng mga pinamili. Hindi ka makakaalis ng bahay nang walang hawak na pass – takot mo lang sa mga pulis at barangay kagawad na naglipana para manghuli ng mga pasaway. Araw-araw kang nag-aabang ng datos mula sa Department of Health – ilan ang bagong kaso, ilan ang namatay, ano ang positivity rate? Bumubulong ka ng maikling panalangin sa tuwing makakarinig ka ng alingawngaw ng ambulansyang dumadaan sa kalye ‘nyo.

Ngayon, liban sa patuloy na pagsuot ng face mask, parang masamang panaginip na lang ang COVID-19. Dahil sa mga bakuna at sa mga mas mahinang variant, hindi na isang sumpa ang madapuan nito. Ilang araw lang ng sintomas, maari na uli lumabas at bumalik sa dating gawi. Madali na ring malaman kung COVID ba o hindi ang minsanan mong pag-ubo, o pagkati ng lalamunan. Pwede nang bumili ng test kit sa drugstore sa kanto, o mag-order online. 

Sa loob ng dalawa at kalahating taon ng pakikipagsapalaran natin sa COVID, at sa pagsuong natin sa sinasabing “new normal” kung saan nananatili ang virus, ilang bagay ang tila nagbago sa paningin ko. 

Mas binubusisi ko kung mahalaga nga ba ang isang lakad, o isang bagay na dapat gawin. Tinuruan tayo ng pandemya na isipin kung importante ba talaga ang bawat paglabas ng bahay, kung pwede naman gawin ang isang bagay nang remote kaysa face-to-face, kung pwede naman ipagpaliban ang isang pagtitipon sa mas ligtas na panahon, kung mas mabuting makipagkita sa ganitong tao o mag-usap na lang sa pamamagitan ng messaging apps. Ngayon, kahit mas maluwag na, ganito pa rin ako mag-isip. Hindi ko naman pinipiling magkulong sa bahay dahil sa takot sa virus, pero malaking ginhawa ang dala ng kaalamang hindi ko kailangang maging nariyan lagi – at kung saang lugar ako nariyan, kung anong bagay ang aking ginawa, iyan ang mahalaga. 

Mas napahalagahan ko ang boundaries. Ang dali kasing ipaghalo ng personal at propesyonal na buhay dahil sa work-from-home arrangements. Napansin kong madali akong mapagod kahit nasa bahay lang maghapon. Matagal din bago ko natutunan na mahalaga ang mga boundaries para panatilihing hiwalay ang iba’t ibang aspeto ng ating buhay. Maaaring magtrabaho lang sa ilang bahagi ng bahay at magpahinga sa ibang bahagi, o sumunod sa isang schedule kung saan nakatakda ang oras ng mga gawain. 

Must Read

Two years later, what’s changed with COVID-19 in the Philippines?

Two years later, what’s changed with COVID-19 in the Philippines?

Mas tanggap kong may masama pala talagang tao. Likas akong positibo at optimistiko, pero nitong pandemya, kung saan lahat naman ay nagdusa at nagsumikap mabuhay nang maayos, may mga nilalang talaga na manlalamang at manlalamang sa kanilang kapwa. Iba-iba ang anyo nila. Pwede silang maging opisyal ng gobyerno na ginagamit ang posisyon para paburan ang kakilala sa isang transaksyon. Pwedeng maging negosyanteng malakas ang loob dahil sa kapit sa kapangyarihan. Pwede ring mga scammer na nagsasamantala sa kapwa para magkaroon ng dagdag na kita. 

Mas naging mapanuri ako sa anumang napanood, narinig, o nabasa. Alam naman natin ito dati pa, pero ngayong pandemya at lalo pa nitong nakaraang eleksyon, naging talamak ang pagpapalaganap ng fake news sabay pagyuyurak sa kung sino mang mangahas na pagdudahan ang ginawa raw nilang “research.” Tunay ngang ang pag atake sa katotohanan ngayon ay hindi na sa pagkukubli or pagpigil ng impormasyon. Kabaligtaran na – ang pagpapakawala ng mga kasinungalingan, ang paghalo ng mga ito sa katotohanan, para sa ikalilito at ikagugulo ng mamamayan. 

Mas naging malinaw sa akin na pribilehiyo lang ang naghihiwalay sa atin sa ating kapwa. Mahirap na ang buhay noon, mas humirap pa ngayon. Araw-araw akong nagpapasalamat dahil nabibili ko ang anumang gusto kong kainin, at kung kailangan kong pumunta sa isang lugar, may kakayanan akong magbayad para sa isang komportableng biyahe sa Grab. Hindi lahat ng Pilipino ay may ganitong pribilehiyo. Oo nga’t nagsisikap ako sa araw-araw, pero nagsisikap din naman ang iba – sadyang kulang lang ang pagkakataong umusad sa buhay at magkaroon ng mas maginhawang buhay. 

Mas umigting ang kagustuhan kong panagutin ang ating mga opisyal. Milyong pamilya ang naghihirap. Samantala, ang naghaharing-uri ay tuloy ang pamumuhay na para bang walang krisis sa ating bayan. Ang pinakamasakit pa rito, iyon mismong pinakanahihirapan ay siya pang pinakamasidhi ang pagtatanggol sa kanila. Tunay ngang mahirap pa rin siguro ang buhay ano man ang naging resulta ng eleksyon, pero hindi siguro natin mararamdaman na naiiwan ang mamamayan sa ere habang nagpapakalasing sa yaman at impluwensya ang mga taong dapat sana ay nakikiisa sa kanila. 

Mas lumawig ang pagpapahalaga ko sa buhay at sa kalusugan. Maraming nawala, nawalan, nagkasakit. Dama natin ang pighati ng mga mahal sa buhay ng mga ginupo ng COVID at ng iba pang sakit, kasama na ang gutom at kawalan ng pag-asa. Patuloy tayong mag-ingat at gumawa ng mga hakbang para manatiling ligtas, hindi dahil sumusunod tayo sa kahit anong regulasyon, kundi dahil alam natin na ito ang tamang gawin. Mahalaga ang buhay ng bawat isa, ano man ang estado niya sa lipunan. Labanan natin ang lahat ng uri ng karahasan. Punahin ang dapat punahin at huwag magpasindak sa mga nagtatangkang maghari-harian sa halip na maglingkod.

Ikaw, paano binago ng COVID-19 ang buhay mo? – Rappler.com

Nagtuturo sa Departamento ng Peryodismo sa UP Diliman si Adelle Chua. Labinlimang taon siyang naging opinion writer at editor ng Manila Standard. Matatagpuan ang kanyang mga naisulat sa www.adellechua.com.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!