journalism in the Philippines

[Stakeout] Malapot na ang tinta ng bolpen!

Dave M. Veridiano
[Stakeout] Malapot na ang tinta ng bolpen!
'Sa bawat MRT Station na hinintuan ng tren...ay tuksong nagbabalik sa aking alaala ang iba’t ibang malalaki at kontrabersiyal na balitang nai-cover ko...sa loob ng halos 30 taon'

Ilang araw na lamang ay magwa-walong taon na rin pala akong retirado bilang isang mamamahayag sa mainstream media, nguni’t hanggang sa ngayo’y naglalaro pa rin sa aking isipan ang kakatwang damdaming sumaklob sa akin sa unang araw na opisyal kong iniwan ang mahigit tatlong dekada kong trabaho, matapos na marating ang mandatory retirement age na 60 at maging isang full-fledged senior citizen.

Hayaan ‘nyong i-share ko ang aking naramdaman ng araw na iyon – Enero 29, 2014 – baka sakaling makatulong ito na mapaghandaan ‘nyo ang pagdatal ng natatanging araw na ganito sa inyong buhay! 

Animo’y “panimula” ng isang akda ang unti-unting nabubuo sa aking isipan ng mga oras na iyon. Tinangka ko pa ngang banghayin ito sa notebook, pero ‘di ko nagawa – ayaw sumulat ng paborito kong bolpen, dahil tila…malapot na ang tinta nito! 

Panimula

Makaraan ang halos 12 taon, natikman ko muli ang nakapapasong init ng araw, habang papalabas ng compound ng opisinang aking pinaglingkuran bilang isang senior newsdesk editor ng isa sa pinakamalaking radio-TV broadcasting network sa bansa, na ang main studio ay nasa Diliman, Quezon City.

Nakasisilaw ang silahis ng araw, masakit ang tama nito sa mga mata kaya medyo nakapaninibago. Nahirati kasi ako sa mahabang panahon na kapag ganitong oras ay tulog na at nakalapat ang katawan sa higaan sa aming tahanan sa Tundo, Maynila hanggang sa nilipatan kong bahay sa Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City.

Napako ako sa “night duty” – graveyard shift kung tawagin – halos sa buong panahon ng pagiging isang mamamahayag, kaya’t naging baligtad ang mundo ko bilang isang manggagawa. Magdamag na gising na gising sa pagkalap ng balita at tulog naman sa buong maghapon.

Ngunit ngayong araw na nakuha ko na ang aking “dual citizenship” – pagiging senior citizen – ay umaasa akong magbabalik na muli sa normal na takbo ang buhay.

‘Di ko alam kung saan ako unang dadalhin ng aking mga paa na ramdam kong kanina pa gustong kumawala habang papatapos na ang “farewell program” na inihanda ng HRD para sa aking pagreretiro. Natagalan kasi ng konti ang party dahil sa nakaaantig na paalaman, beso-beso, at mga habilin na ‘wag silang kalilimutan sa gitna ng aking pagpapasarap, ngayong ako’y “retarded” – ang pabirong katawagan sa mga retirado na sa trabaho – at sila’y kayod marino pa! 

Bitbit ang shoulder bag, at isang malaking brown envelope na ibinigay ng HRD sa pagtatapos ng programa, diri-diretso ako palabas ng compound, lumakad sa bangketa na ang dulo’y sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA), umakyat ng MRT station at humabol ng sakay sa nakahintong tren na bibiyahe patungo sa Timogang bahagi – sa siyudad ng Makati at Pasay – ng makasaysayang highway ng Metro Manila.

Nakasakay na ako sa tren nang maalala na nasa basement parking ang aking kotse at ‘di ko nga pala kailangan na mag-MRT sa pag-uwi sa bahay. Hindi na ako bumaba at sinunod ko na lamang ang kapritso ng aking mga paa, na wari ko’y tuliro at ‘di alam kung ano ang gagawin – kung uuwi na ba o maglalamiyerda pa muna! 

Maluwag ang MRT sa ganitong oras kaya’t solo ko ang mahabang upuan sa unang kotse (“coach” kasi ang dating tawag dito, at ang “bagon” ay ang sakayan naman ng mga kargamento) – lugar na itinakda para sa mga Senior Citizen – na ngayon ko lang masasakyan kahit na wala pa akong Senior Citizen ID.

Habang nakaupo ay inilabas ko ang mga laman ng brown envelope – dalawang sulat at sobre. Yung sobre ay may laman na dalawang company check na binubuo ng huling sahod ko sa kumpaniya, at kabayaran sa aking naipon na sick leave at vacation leave pay na bihirang magamit ng mga empleyadong taga-media, kaya kadalasan ay ikina-cash na lang ng opisina kapag naipon na.

Napangiti ako. Malaking halaga rin ito habang hinihintay ko pa ang lump sum para sa aking retirement benefits na makukuha ko makaraan pa ang ilang linggo. 

Must Read

A ‘love letter’: NUJP unveils ethical guide for journalists

A ‘love letter’: NUJP unveils ethical guide for journalists

Binasa ko ang unang sulat: “Dear Mr. Daniel Dave M. Veridiano, on January 29, 2014, you will be 60 years old with 11 years, 11 months and 11 days of service with the company. Your long service is a tangible accomplishment, a proof of the loyalty you have genuinely given a profound expression of your dedication to your work. On the said date, you shall also be on normal retirement under our Company plan.”

Ang agad na tumawag sa aking pansin ay ang mga numerong 11 years, 11 months, at 11 days na parang pinagtiyap ng pagkakataon, simula nang magtrabaho ako sa kumpaniyang ito noong 2002 – sa Ch-7 ng GMA Network Inc – ang password na aking ginagamit sa lahat ng company account ay 111111, na kaya ko pinili ay para madaling matandaan. Isinara ko na ang mga account na ito ilang oras bago ang aking opisyal na pagreretiro.

Ang isa pang sulat ay imbitasyong na magpatuloy magserbisyo sa GMA-7 bilang isang consultant sa news gathering o news stringer na may take-home pay na bastante rin naman sa lukbutan, ‘yun lang may clause na: “No employer – employee relationship” sa buong panahon na ipagtatrabaho kong muli. 

 “Eh ‘di wow, ang tagal ko rin kayang hinintay nito. Magbabakasyon grande na lang muna ako,” bulong ko sa sarili habang nilalaro ko sa daliri ang paborito kong panulat na Parker ballpen.

Ang bolpen na ito, ang naging pangunahing kong kargada simula ng ako’y maging police reporter noong dekada 80. Maraming matatalim na istorya ang nabuo sa pamamagitan ng bolpen kong ito, na wari ko’y ‘di yata natutuyuan ng tinta! Napanaluhan ko ito sa isang musical competition na aking sinalihan gamit ang sulindro, noong ako’y nasa elementarya pa lamang.

Habang ibinabalik ko sa brown envelope ang sulat at sobre, sabay tigil naman ang tren sa may Santolan MRT Station na nasa harapan ng Camp Crame at Camp Aguinaldo.

Dito nanariwa sa aking alaala ang mga maaksiyong coverage noong ako ay aktibong police reporter pa sa tabloid na People’s Journal (PJI) sa mga unang taon ng dekada 80, at sa broadsheet na Manila Times (MT) at Philippine Daily Inquirer (PDI) sa kalagitnaan ng dekada 80 hanggang sa pagpasok ng dekada 90.

Kabilang sa mga itinuturing ko na mga klasikong news coverage – nagpapabilis sa pintig ng aking puso tuwing sumasagi sa aking alaala – ay ang 1986 EDSA Revolution; pag-aresto kay Don Pepe Oyson sa kasong Kidnap with Murder ng newsman na si Tim Olivares; pag-aresto sa mga rebeldeng sundalo na nagtangkang ibagsak ang administrasyon ni Tita Cory; mga operasyon para maaresto ang ilang matataas na leader ng makakaliwang grupo, lalo na ‘yung may kinalaman sa pagkakapatay kay Colonel James Rowe at kidnapping ni US oil executive Michael Barnes; kidnapping ng negosyanteng Hapones na si Nobuyuki Wakaoji; operasyon laban sa mga bigtime na sindikado ng droga, kidnaper, at bank robber; at paggiba sa malalaking sindikado na protektado ng mga militar at pulis na nasa mataas na puwesto.

Mga pagkuha ng balita na upang maka-scoop – ito ang terminong gamit kapag ikaw ang naka-uuna palagi sa pagkuha ng impormasyon – ay ginamitan ko ng nalalaman ko sa noo’y makabagong teknolohiya ng “technical surveillance/monitoring” na natutuhan ko sa aking pagiging isang “Eng-eng” o electrical engineer, ang kursong tinapos ko bilang isang iskolar sa Pamantansan ng Lungsod ng Maynila (PLM) bago ko pinasok ang masalimuot na mundo ng media. 

Journalism ang kurso na gusto ko pero ‘di ko nakuha dahil nanaig ang utos ni Papa na mag-engineering ako para sundan ang yapak niya…kaya’t sinunod ko muna siya. Pero sa bandang huli nga lang ay mas namayani ang aking pangarap na maging isang manunulat, kaya’t ito ang aking niyakap!  

Must Read

Rappler at 10: I’m a millennial journalist that started off when Rappler did

Rappler at 10: I’m a millennial journalist that started off when Rappler did

Sa bawat MRT Station na hinintuan ng tren, hanggang sa pinakahuling istasyon, sa may panulukan ng Taft Avenue at EDSA, ay tuksong nagbabalik sa aking alaala ang iba’t ibang malalaki at kontrabersiyal na balitang nai-cover ko sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at mga lalawigan sa buong bansa sa loob ng halos 30 taon. 

Karamihan sa mga krimen na ito – murder ng isang police captain sa isang mall sa Makati City; pagpatay sa isang CPA sa loob ng ekslusibong village sa Makati; pagkakatukoy sa opisyal ng militar na nagpaputok ng baril na pinanggalingan ng ligaw na balang pumasok sa Mansion ng pamilya Macapagal sa Forbes Park Village; pagpapa-amin ko sa lalaking pumatay sa kanyang asawa dahil sa selos sa Paranaque City; rescue operations ng ilang kidnap victims; at iba pang krimen sa Metro Manila – ay nalutas agad ng mga pulis sa tulong na rin ng mga impormasyong aking nakalap at ibinahagi sa kanilang imbestigasyon, na ang kapalit naman ay ang pagiging ekslusibong balita nito para sa noo’y pinagsusulatan kong media entity bilang reporter.

Wala akong masabi – matitinik talaga ang mga imbestigador at operatibang pulis at militar noong mga nakaraang dekada, kumpara sa mga nabatos sa ngayon, na kahit kargado na sa mga makabagong gadget – nandyan ang mga CCTV, body cam, smart phones, at mga computer – ang inaasahan pa rin para malutas ang kasong hawak ay mga “walk-in informants” na kadalasan ay pera-pera lang ang motibo para sa dala nitong impormasyon!

Ang sumunod na mahigit 10 taon ko bilang mamamahayag – sa pagpasok ng millennium year – ay ginugol ko bilang news editor na nakakulong na lamang sa loob ng newsroom. Kapag may malaking breaking news, at makaramdam ng giyang na gustong makisali sa coverage, ay lumalabas ako, kahit wala pang tulog at hindi na ito sakop ng aking trabaho, upang makatulong na maka-scoop ng balita para sa aming opisina.

‘Di ko mapigilan na mapangiti habang umuusad ang MRT sa lugar ng Makati, tuwing maalala ko ang mga pamamaraan na ginawa ko upang mapasok ang “highly off-limits” na coverage ng Glorietta Mall explosion; Bicutan hostage drama sa Taguig; at ang muling pagkaka-aresto kay Col. Greg Honasan, na noo’y leader ng mga rebeldeng sundalo.

Maraming ganitong pagkakataon – na kahit na nakakulong ako sa opisina buong magdamag – agad akong nakakukuha ng importanteng detalye, litrato, at video, na ipinapasa ko sa aming mga field reporter na naghahati-hati sa pagbato sa ekslusibong balita. Itinuturo ko sa kanila kung sino ang lalapitan at kakausapin sa mga pagkakataong walang gustong magsalita hinggil sa isang malaking balita.

Sabi nga ng ilang reporter na nagiyahan ko sa ilan nilang news coverage, ‘yung opisyal ng pulis at militar na suplado – na kilala ko at nakasama sa maraming operasyon – biglang bumabait sa kanila at agad nagbibigay ng detalye, kapag nalaman ng mga ito na ako ang editor nila at ipinaabot ko ang aking pangungumusta.

Ang ‘di ko malilimutang komento ng isang kaibigan na operatiba mula sa premier investigating arm ng Philippine National Police (PNP) – ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na noon ay mas kilala bilang ang Criminal Investigation Service (CIS) – na sa rami ng kontrabersiyal na mga kasong malaki ang nai-ambag ko sa imbestigasyon: “Kung operatiba ka bro, malamang ang dami mong spot promotion, kaso nga ni citation wala ka dahil sa confidentiality ng mga nagawa mo na maaaring maglagay sa panganib ng buhay mo!”

Palakpak ang tenga ko rito, malaki ang tama niya. Sa loob-loob ko: “’Di man ako kasali sa sinasabing promotion at wala ni isang pagkilala na nakuha mula sa pulis at militar na aking mga natulungan, sangkaterba naman ang mga scoop na balitang naisulat ko kapalit ng mga importanteng impormasyon na pinakinabangan ng mga imbestigador, at nakatulong pa ako sa bayan!”

Naalala ko tuloy na minsan akong nakatikim ng citation mula sa tinulungan kong magaling na opisyal ng noo’y Philippine Constabulary – Integrated National Police (PC-INP). Hindi ito ibinigay sa akin bagkus ipinadala ito nang diretcho sa aking mga bossing sa PDI upang sa kanila ipaabot ang pasasalamat ng buong Narcotics Command (Narcom).

Naka-post ito sa bulletin board, sa isang sulok ng newsroom namin sa Intramuros, at ‘matay ko man isipin, tila walang nakababasa. Makaraan ang ilang araw na wala man lang ni isang kasamahan ko na bumanggit nito sa akin, patagong kinuha ko ito, iniuwi at isinama sa mga recuerdo ng aking mahigit na 30 taon sa larangan ng pamamahayag.

Ilang minuto lang ay pababa na ako sa pinakahuling MRT station sa kahabaan ng EDSA na nasasakupan naman ng Pasay City. Halos wala pang 30 minutes na tinakbo ng tren mula sa Timog Avenue sa Quezon City hanggang sa panulukan ng Taft Avenue at EDSA, na kung ikukumpara sa mga sasakyan sa kalsada sa ibaba ng riles, ay dalawang oras ang itatagal ng biyahe sa sobrang bagal ng daloy ng trapiko.

Patawid na ako ng kalsada patungo naman sa Baclaran LRT Station – pakiramdam ko’y gustong mag-ikot sa buong Maynila ng aking mga paa gamit ang mga linya ng LRT at MRT – nang matanawan ko ang malaking karatula ng ‘di kalayuang Mahal Kita Motel.

Napangisi ako habang naglalakad at ‘di maiiwasan na muling maalala ang banner story – na bumulaga isang umaga sa mga naiskupan kong kapwa mga mamamahayag – hinggil sa pagkakaaresto kay Lt. Col. Reynaldo Cabauatan, isang aktibong opisyal ng Army, na lider ng mga tinatawag na “loyalist soldier” o mga military personnel na die-hard supporter ng pinatalsik na diktador na si Ferdinand E. Marcos.

May malaking banner photo ng operasyon na kuha ng partner kong beteranong maniniyut (photog) na si Boy Cabrido, at istorya na punung-puno ng detalye na tanging ako lamang ang reporter na naka-aalam.  

Malaki kasi ang naging papel ko sa operasyong ito, na sinasabing: “Ang unang naarestong aktibong opisyal ng militar na mataas ang katungkulan, na gustong ibagsak ang bagong administrasyon ni Pangulong Corazon C. Aquino.” 

Maraming opisyal ng pulis at militar ang tumanggap ng papuri at karangalan mula sa Palasyo dahil sa accomplishment na ito – hindi ako kasama sa kanila…scoop story lang ay masaya na ako at mga bossing ko sa PDI! 

Nakasakay na ako sa LRT patungong Maynila nang maramdaman kong huminto ang tren sa Libertad Station. Napaismid ako nang marinig ko ang ingay na nanggagaling sa mga vendor sa bangketa sa gilid ng palengke.

Nagbalik kasi sa aking isipan ang isang pangyayaring ayaw ko nang maalala. Ito ‘yung pagbaligtad ng mga tinulungan kong vendor sa kanilang reklamo laban sa mga corrupt na opisyal sa Pasay City Hall, na naging dahilan upang ako ay maasunto, maaresto, at makulong ng halos isang buong araw sa presinto dahil sa siyam na libel na inihain laban sa akin ni Mayor Ambo Cuneta, ang tatay ni Sharon Cuneta. Absuwelto naman ako sa kaso dahil nagawa kong padukumentuhan sa mga kaibigang kong imbestigador ang reklamo ng mga vendor, bago sila makumbinsi – marahil dahil sa pananakot – na iurong ang kanilang mga reklamo. 

Must Read

Number of jailed journalists reached global high in 2021, at least 24 killed for their coverage – CPJ report

Number of jailed journalists reached global high in 2021, at least 24 killed for their coverage – CPJ report

Patuloy sa pagtakbo ang tren ng LRT na aking sinasakyan, nang maramdaman kong unti-unti itong bumabagal hanggang sa tuluyang huminto sa kalagitnaan ng dalawang LRT Station sa boundary ng Maynila at Pasay.

Umaandar pa rin naman ang makina nito. Kaya lang pala kami huminto ay dahil nagkaaberya ang kasalubong namin na tren, at kailangang maayos muna ito bago kami makalarga. ‘Di naman masabi sa aming mga pasahero kung gaano katagal kami maghihintay. 

Maluwag pa sa loob ng tren at sobrang malamig ang buga ng aircon, kaya ilang minuto lamang, ang karamihan sa aking mga katabi sa upuan ay mga nakapikit na at may naghihilik pa.

Nakahahawa sila, kaya pumikit na rin ako hanggang sa tuluyan nang maglakbay ang aking diwa…unti-unti pabalik sa tatlong dekada sa buhay ng isang peryodista! – Rappler.com