Philippine languages

[OPINYON] SABAOK

Joselito D. De Los Reyes
[OPINYON] SABAOK
'Sa dami ng pagsasanaol ng iba sa atin, mahirap na tuloy isiping ito nga kaya ang hangad nila? Gusto rin nga kaya? O nagkataon lang?'

Sa simula ay mga salita, at ang mga salita ay naging sabaok. Kaya mabuting ihabilin ko ito sa mga huling araw ng National Reading Month

Sa isang tweet at status noon, sinabi ko ang pabirong bersyon ko ng ebolusyon ng wikang pambansa:

May ilang libong ka-Facebook at ka-Twitter ko ang nag-react at nag-share ng sinabi kong iyan. Karamihan ay masaya. Wala pa namang sumeryosong naglatag ng mga teorya sa sociolinguistics, semantics, discourse analysis, o ang napapanahong internet linguistics hinggil sa kung paano umiinog ang wika at reception sa wika depende sa konteksto at medium kung saan ito lumulunsad. O kung paano natin gamitin sa internet at social media batay sa pag-unawa ng salitang “sabaok.”

Bagamat nakaseseguro akong may gumamit ng katagang “harinawang (mangyari sa) lahat” noong 1965 na ginagamit kapag nag-uusap ang mga tao hinggil sa kung ano mang mabuting kapalaran ang dumating sa iba na sana ay mangyari din sa kanila, nakatitiyak naman akong ang konteksto ng paggamit sa mas popular na katagang “sana all” ay naging tanyag lamang noong maging malawakan ang paggamit natin sa social media. Noong kay dali nang maka-access sa internet gamit lamang ang ilang pisong bayad sa data; noong bawat isa ay kaya nang magkaroon ng smart phone. Noong halos lahat ay natuklasang may opinyon at komento pala sila sa kahit anong makikita sa cyberspace, totoo man o hindi. 

Nagkokomento tayo ng “sana all” and variations thereof kapag may nakikita tayong magandang nangyari sa isang kakilala o sinusubaybayang personalidad sa social media. Madalas kasing gamitin ang social media bilang lunsaran ng mga nakamit na minimithi pa lamang ng iba. At may ibang talagang sasabihin —”flex ko lang!”— ang mga nais makita ng iba. As in, flex ko lang ang bago naming kotse. Flex ko lang ang bago kong bahay. O flex ko lang ang nabili kong one fourth kilong sibuyas. #yayamanin.

Nakarating sa ibang bansa regardless kung piso fare o chartered flight ang sinakyan? Kaya imbes magkomento ng “sana lahat makarating sa ibang bansa,” for the sake of brevity, ang ikokomento ng iba sa atin: sana all. May bagong jowa? Sana all. Nakapagpalitrato sa isang hinahangaang artista? Sana all. Makapag-party sa sikat na hotel sa Singapore? Sana all. Makasakay ng private jet para makauwi sa mga anak gabi-gabi? Sana all hindi maiipit sa trapiko o makipaghabulan sa dyipni. 

Sa dami ng pagkakataong mauna ang iba sa minimithi pa lamang ng nakararami, kaya marahil naging sana all ang katagang “sana lahat” ay dumanas ng parehong kapalaran. Sana all. Na kalaunan ay naging “sanaol” hanggang magkaroon ng mas pinaikli pang bersyon: “naol.” Kay dali nga namang tipahin sa keyboard. Naol. Malinaw ang mensaheng madalas ay low-key panibugho. Naol.

Kinakatawan ng “naol” ang ninanais nating makamit kahit pa dahil sa popularidad, naging parang expression na lamang ito. Day-off sa trabaho ang isang kakilala? Naol day-off. May bagong biling bike frame? Naol bago ang batalya. Bagong gadget? Naol. Pasado sa exams? Naol. Minahal? Naol.

Sa dami ng pagsasanaol ng iba sa atin, mahirap na tuloy isiping ito nga kaya ang hangad nila? Gusto rin nga kaya? O nagkataon lang? Isang paalalang gusto rin nating makamit ang nakamit ng iba? Matamo ang ang natamo ng iba? Na gusto ko rin ang ipinakita mo sa aming mayroon ka.  

Ngayon, kasasanaol, sa dami ng binibigyan ng komento sa malawakang platform ng panibugho, hindi magkandatuto ang daliri kata-type. Kaya ang “sanaol” ay naging “sabaok.” Pagmasdan sa QWERTY keyboard ang proximity ng mga titik. Hindi kailangang maitama ang baybay ng salita. Sa marami, lalo sa kabataang babad na babad sa social media, sapat na ang sabaok para maunawang ito rin ay salitang buhat sa sana all at sanaol. Ang mahalaga, nagkaintindihan ang tumipa ng salita at nagbasa.

Nagpapasalamat ako sa Rappler dahil pinagbibigyan ako sa mga kapritsong pangwikang gaya nito. Sa maraming kakilalang nasa akademya at publikasyong naglulunoy pa rin sa matandang balon ng simulain ng linguistic prescription, tawasin man sila marahil, nakatitiyak akong walang espasyo ang salitang “sabaok” sa kanilang pahina. 

Bueno, bakit ba kasi ako napadpad dito? Bukod sa National Reading Month, gusto kong bigyan ng panibagong sipat ang pag-iral at pagbabago ng wika batay naman sa paggamit sa social media. Na, sa katagalan, kung paulit-ulit ang pagkakamali sa baybay — at ilang ulit na itong napatunayan — mas pahahalagahan pa rin ang mensahe kahit pa despalinghado ang paraan kung paano ito itinatawid sa platform. Ano kung kulang-kulang ang titik gaya ng sa pagte-text noon ng “wer na u?” Ano kung walang bantas o sobra sa bantas? Ang mahalaga, nakararating ang inaakalang mensahe kahit na lagas ang spelling at grammar.

Must Read

‘Marites! Dasurv? Chariz!’: Slang words we learned in 2021

‘Marites! Dasurv? Chariz!’: Slang words we learned in 2021

Kaugnay nito ang isang naging usapin namin noon ng aking mag-aaral sa kasagsagan ng pandemya. Humingi sila ng extension sa pagpapasa ng proyekto. At dahil alipin din naman ako ng deadline sa pag-e-encode ng grade, napahindian ko sila. Sagot ko sa chat: “No.”

Kumalat sa klaseng galit daw ako dahil sa tamang gamit ko ng bantas. No. Ang dating daw sa aking mag-aaral, mariin ang aking pagtanggi. Hindi lang basta humindi sa pakiusap. Galit pa raw. Nang mabalitaan ko ang kanilang agam-agam, sinabi kong bilang manunulat at akademiko, alipin ako ng linguistic rules. Kung galit kako ako, wawakasan ko sa exclamation point ang “No.” Hindi rin daw. Mas marubdob daw ang galit ng tinuldukang “No.”

Hindi ako naniwala sa pakahulugan nila kaya tinanong ko ang isa pang klase. Inilatag ko ang sitwasyon. Pati na ang pagsagot ko ng “No.” Galit daw ba ako.

Hindi pa rin ako nasiyahan sa parehong pag-unawa nila sa kung tutuusin nama’y elementary rules of punctuation. Tinanong ko ang ang anak kong senior high school kung may konotasyon ba ang paggamit ko ng tuldok matapos ang “No.” Galit daw ba ako. Isinuko ko na ang laban.

Ito ngayon ang higit na kritikal na usapin bilang gurong ang itinuturo ay nakabatay sa kakayahan sa wika ng mag-aaral. Kung hindi ko na ba maintindihan ang unti-unti nang nagiging kodang salita at bantas, dapat bang manggigil ako sa pagpapaalalang may sinusunod na alituntunin ang wikang dapat itinataguyod ng institusyon? O ako bilang guro at manunulat ang dapat sumunod sa gusto nilang mangyari? – Rappler.com

Associate professor ng seminar in new media, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.