data privacy

[OPINYON] Mukha mo

Jules Guiang

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Mukha mo
'Ano ang magiging laban mo kung wala kang kaalam-alam na nai-download na ang mga larawan mo at ginamit bilang pam-populate sa isang Facebook account sa isang sulok ng mundo?'

Hindi ko akalaing mabibiktima kami. Sa itinagal-tagal ba naman ng pagkalkal ko sa Facebook, at sa inaakala kong kabesado ko nang pasikot-sikot sa sulok ng pinakamalawak na social media platform sa mundo, hindi ko akalaing sa misis ko pa mangyayari ito noong nagdaang linggo.

Ganito ang nangyari. Kung mahilig kayong mag-comment o magbasa ng mga thread ng mga popular na Facebook pages, be it news sites or fan sites or government agency sites (na parang fan sites din naman talaga dahil sa dami ng trolls, sa totoo lang), alam kong pamilyar na kayo rito. Sila iyong mga troll na nagko-comment tungkol sa pagbebenta ng Bitcoin o anumang nauusong digital currency, at kung paano sila kumita. Ganito ang standard na linyahan ng mga troll na ito:

“I was so lucky meeting an expert account manager like <insert some foreign sounding name>. She is so reliable, trustworthy and very honest. I was so scared of investing on bitcoin because I have heard a lot about scammers but I just had to try with <insert some foreign sounding name> because I wasn’t stable financially and today I have realize how interesting it is to be stable financially with the help of bitcoin who is always there for the traders and I want to thank you for your help and love you showed me when I was very poor, now you have made my life so beautiful you’re the best manager I can recommend everyone to work with, thank you <insert some foreign sounding name>. Contact her with this details if you want to boost your income and earn good profit as well.”

Tapos nakasaad na ang social media links kung saan mako-contact itong si <insert some foreign sounding name>.

Mayroon ding nakasulat sa Tagalog na halata namang isinalang lang sa mala-Google Translate na aparato, gaya nito:

“Salamat sa Diyos Sa pagpapala sa akin ng isang napakahusay na tao tulad ni Ginang <insert some foreign sounding name>. Ginawa akong posible ni Ginang <insert some foreign sounding name>, namuhunan ako ng 25,000 pesos at kumita ng 200,000 pesos na maaari mo ring makamit ang iyong mga kalakal at gumawa ng matagumpay na pag-atras sa pamamagitan ng pamumuhunan sa forex trading. Makipag-ugnay sa kanya ngayon sa link sa ibaba.”

Heto pa ang isang bersyon:

“Utang ako sa iyo ng isang paghingi ng tawad upang mag-alinlangan sa iyong katapatan at propesyonalismo. Ito ay tulad ng isang panaginip sa akin noong natanggap ko ang aking unang bayad. Matapos ang aking pangalawang pagbabayad ito ay naging isang katotohanan ngayon pagkatapos ng maraming mga pagbabayad ito ay naging isang paraan ng pamumuhay.”

Matatagpuan matapos ang mensahe ang Facebook account kung saan ka dapat mag-inquire.

Dahil sa dami, nakakairita ito sa mga mapagpatol sa mga isyu sa loob ng thread; hindi mo na halos makita ang may organic na mensahe. Pero madali lang naman itong maiiwasan: i-block o i-hide lang ang mga comment. Otherwise, at kung manageable naman ang pagkairita mo, pwede nang pagtiisan, pwede nang palampasin. 

Wala naman na sanang problema na, nasanay na akong makipamuhay sa mga seemingly harmless trolls na ito, maliban sa isang nagmemensahe nga noong nagdaang linggo. Pinadalhan ako ng dalawang screen grab. Sa ilalim ng isang foreign sounding name na nagrerekomenda sa serbisyo ng ahente ng bitcoins ay mukha ng asawa ko! Oo, nakakakilabot.

Ipinadala sa akin ang screen grab ng isang concerned netizen. Napadpad pa nga sa spam message folder dahil hindi ko naman ka-Facebook ang concerned netizen na ito. Dali-dali kong pinuntahan ang account nitong nagpapakilalang si <insert some foreign sounding name>. True enough, ang display photo ay sa asawa ko. Pati na ang cover photo ng Facebook account. Ang larawang ginamit ay ang asawa ko habang buhat ang noo’y iisang taong gulang naming bunso.

Nakatira raw sa Quezon City ang may-ari ng account. Nagtapos sa isang pribadong unibersidad sa Maynila. At sa pagkalkal ko sa account, nakita ko ang maraming iba’t ibang larawan ng tao na nagmula, batay sa hitsura, sa iba’t ibang panig ng mundo. Panic ensued.

Must Read

Ano pa nga ba ang mabilisang aksyon kung hindi i-report na peke o nagpapanggap ang account. At para mapabilis, gumawa ako ng status na nakikiusap sa mga ka-Facebook ko at mangilan-ngilang followers na i-report ang account na gumagamit sa mukha ng asawa at anak ko. Inilagay ko ang link ng huwad na Facebook account para sa mas mabilisang reference sa pagre-report. At batay sa mahigit sandaang comments at private messages na natanggap ko, inulan ng reklamo ang Facebook hinggil sa account na nagnakaw ng larawan ng misis ko.

Hindi dito natapos ang problema. Nagdatingan ang response ng Facebook sa ilang nagreklamo. Halos instant. Batay daw sa “imbestigasyon” ng Facebook, hindi raw peke ang account. Hindi fake at hindi pretending to be someone gayong napakalinaw na larawan ng asawa ko ang gamit.

Madaling ma-download at maipasa ang mga larawan sa Facebook. May pagkakataong ginagamit ko ito bilang extension ng aking memorya. Nagmamdaling matandaan ang contact details? May magandang larawan pero manipis na ang kapasidad ng internal memory? Kuhanan ng larawan bilang comment saka i-send kung kanino. Mawala man ang smartphone, nasa Messenger function naman lahat. 

Ginagawa din ito ng ilang kakilala ko. Screen grab dito, kuha ng larawan doon, save ng link, o upload ng notes. Masyado na nating iniaasa sa social media ang ating alaala dahil, totoo din naman, madali ring i-download kapag kinailangan. Hindi gaya ng ating palyadong memorya sa loob ng bao ng ating mga ulo. 

Madaling ma-download ng kahit sino at i-upload ang kahit anong larawang naka-public ang viewer setting. Maaari nang gawaan ng pekeng account ang isang kaaway, ano ba naman ang isang imbentong email para makapagrehistro? Gamitin ang mga larawan niya, gawing organic ang existence: mag-like, mag-status, mag-share, mangutang, manloko, mang-asar, mambintang. At, kung walang magsusumbong, kikilalanin na ito ng Facebook. Ang operative term ay kung walang magsusumbong. Dahil bumabatay lamang ang karamihan sa reklamo ng paglabag sa community standards ng Facebook kung may magsusumbong. Eh paano kung wala? Eh paano kung hindi mo alam na sa kabilang panig ng mundo, iyang mukha mo ay nambubudol ng Bitcoin?

Ang kakaiba sa kaso ng asawa ko, batay sa aktibidad ng may-ari ng account (mag-comment ba naman nang mag-comment, active na active), hindi ito peke. Hindi rin nagpapanggap. Kaya pinaboran nang ireklamo ng mga kaibigan ko. Nang maghalughog na lamang ako at maghanap ng kaparehong kaso sa internet, saka lamang luminaw sa akin kung paano maipatatanggal at maipasasara ang account batay sa nilabag nitong community standards. Kailangan pang mismong asawa ko ang magreklamo. Walang representative na tatanggapin maliban kung physically at mentally hindi kayang magreklamo ng asawa ko. Dapat daw iyon mismong na-violate ang magsampa ng reklamo. Iyong ninakawan mismo.

This is a bit tricky dahil nasa isang tagong sulok ng Facebook ang mga necessary forms na dapat i-fill-out kaya kailangan pang i-guide ko ang misis ko. Dahil kung hindi matiyaga, hindi ito makikita. 

Must Read

Preparing for the worst: How to handle getting hacked

Preparing for the worst: How to handle getting hacked

Matapos ang isang araw na paghihintay sa isinumiteng e-form ng asawa ko saka pa lamang nawala ang Facebook account. Saka pa lamang kami nakahinga nang maluwag. But wait! Iba ang sitwasyon namin. May nagmalasakit na netizen. Marami kaming katuwang na nagreklamo. Sa dami ng trolls, ilan ang mga ninakawan ng larawan nang hindi nila nalalamang ninakawan pala sila? Ilan ang makakaalam lalo’t kaunti lang ang Facebook friends at lalong kakaunti ang concerned? Paano kung idle ang may-ari ng account? Nananahimik pero ang pagmumukha mo ang nagtitinda sa Slovania o Sierra Leone ng Bitcoin? Mabuti sana kung troll lang na nag-aalok ng Bitcoin.

What if ginagamit na sa kriminalidad? Ano ang magiging laban mo kung wala kang kaalam-alam na nai-download na ang mga larawan mo at ginamit bilang pam-populate sa isang Facebook account sa isang sulok ng mundo?

Ang totoo, parang wala kang laban. Hangga’t hindi mo nakikitang may gumagamit ng iyong pagmumukha, hindi ka makakapagreklamo.

Nakakadismaya na sa social media. Stress-inducing. Ilan na ba ang kakilala kong bumitaw na sa Facebook dahil sa hindi matagalang bangayan at pagpapakalat ng pekeng impormasyon (na pinaniniwalalaan ng kamag-anak o kaibigan mo, of all people)? Marami na. Maliban sa tunay na problemang kinaharap ko hinggil sa pagnanakaw ng larawan, palagay ko panahon nang mas maging proactive ang social media giant para hindi tuluyang malason ang kanilang platform. Sana, may sapat silang estratehiya at panahon. 

Samantala, alam ko namang walang makapipigil sa atin na mag-upload ng ating mga video at larawan. Siguro, ang maipapayo ko na lang, bantayan natin ang sariling account at mga account ng tunay nating kaibigan. Maging mapagmatyag dahil baka, gaya ng nangyari sa asawa ko, may gumagamit na sa mga pagmumukha natin para magbenta ng Bitcoin sa malayong lupalop ng Narnia o Wakanda. – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!

author

Jules Guiang

Jules is the Head of Community of Rappler. A graduate of BA Public Administration and Master in Public Administration from the University of the Philippines-Diliman in 2014 and 2021, respectively, he started as a reporter for PTV-4 from 2012-2014, before serving as a TV Host for the same network from 2014 until 2020.