telecommunications companies

[Stakeout] May regalong ‘Trojan Horse’ ang China sa Pilipinas?

Dave M. Veridiano
[Stakeout] May regalong ‘Trojan Horse’ ang China sa Pilipinas?

Graphic by Alejandro Edoria

'[B]akit kaya sa dinami-rami ng ipinangakong serbisyo ng Dito ay itong pagtatayo ng mga cell tower...ang mabilis at walang problemang natapos agad?'

‘Di ko maitatatwa na isa ako sa mga high school student noong nineteen kopong-kopong, na sobrang nahumaling sa asignaturang pang numero kaya’t winalang bahala ang panitikan, lalo na yung may kaugnayan sa Greek Mythology.

Kaya naman medyo nawindang ako nang marinig at mabasa ang magkahiwalay na pahayag ng dalawang nakaupong Senador – ang isa ay taga rito sa ating Senado, samantalang ‘yung isa ay mambabatas sa Australia – na may iniregalo umanong “Trojan Horse” ang China sa ating pamahalaan.

Ang natatandaan ko kasi, ang Trojan Horse ay isang mala-higanting kabayo na yari sa kahoy na ginamit bilang “peace offering” ng mga mandirigmang Griyego sa kalaban nila sa giyera. Nagbunyi ang mga taga Troy sa inaakala nilang pakikipagkaibigan ng mga kadigma at tinanggap ng buong kagalakan ang regalong rebulto. Ang sisti, mala-container van pala yung tiyan ng higanting kabayo at doon nagtago ang mga sundalong Griyego, kaya’t pagdating ng gabi napasok ng mga ito ang kampong halos 10 taon nilang ginigirian upang makubkob.  

Kaya para makasiguro sa pagtalakay ko rito, nag-konting research muna ako, at iniaakma ito ni Google sa panahon natin ngayon nang ganito: “Today, the term ‘Trojan horse’ is still used to refer to any kind of deception or trick that involves getting a target willingly to allow an enemy into a secure place. The Trojan horse is also the source of the nickname ‘Trojans’ for computer programs — called malware — that can infect computer systems.”

Ang Australian senator

Una kong narinig ang mga katagang “Trojan Horses” na regalo ng China sa ating pamahalaan kay Queensland Senator James McGrath, nang humarap at magsalita siya sa plenaryo ng Australian Senate nito lamang nakaraang buwan. Napanood ko ang buong video sa social media ng kanyang talumpati na binanggit niya ang paggamit ng pamahalaan ng China sa “Communist Party-controlled owned instrumentalities” na gaya ng China Telecom at Dito Telecommunity na animo “Trojan Horses” upang ma-infiltrate ang depensa militar ng maliliit na bansa sa tinatawag nitong Indo-China region, Siyempre kasama na rito ang Pilipinas.

Ani Senator McGrath: “Many are concerned that Dito Telecommunity is a Trojan horse for spying, including on the Armed Forces of the Philippines (AFP) and its allies the United States and Australia.” Ipinunto niya ito dahil na rin sa malalaking Australian companies dito sa bansa, lalo na ‘yung mga call center, na aniya ay nalalagay sa peligro ng “espionage” – batay na rin sa babala ng kanilang mga cybersecurity experts.

Dagdag banta pa niya: “While China has continued with its wolf warrior diplomacy and while territorial concerns continue to be raised, including in seas off Japan, Vietnam, and the Philippines, the Chinese Communist Party government and its military arm have been quietly making strategic acquisitions of another kind.” 

Ang isa pang matinding pahayag ni Senator McGrath ay hinggil sa malaking control na umano ng “Communist China” sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang government-controlled corporation na humahawak sa pamamahagi ng kuryenteng ibinebenta naman sa atin ng mga pribadong korporasyon na gaya ng Meralco. “We must be awake to the Philippines being one of the first dominoes at risk of falling to the nefarious influence of that evil regime in China,” ani Senator McGrath.

Ang naging basehan ni Senator McGrath dito ay ang pagsasaliksik (study) na ginawa ng Asia-Pacific consulting firm Creator Tech sa mga bagong telecommunication operator sa region – partikular na ang pagpasok ng China sa telecommunications industry at ang pag-control nito sa national power grid ng ating bansa.

Ayon sa Creator Tech report na binasa ni McGrath: “China Telecom reports to the Central People’s Government in China. This partner of Dito, which describes itself as a ‘main force for building a cyber power,’ is China’s preferred third mobile operator, put forward by China’s leaders upon the request of President Duterte. This raises serious questions on cyber security, citizens’ privacy, and national interests. These will have serious repercussions on multiple fronts.”

Isa pa sa pinangangambahan ng Australian senator ay ang isinasabatas na Senate Bill Number 2094 na papayagan nang magkaroon ng “100% foreign ownership” ng mga public utilities, kasama na rito ang telecommunication at transportation. 

“Filipino lawmakers are rightly concerned that this could allow China to own infrastructure which is crucial to the Philippines,” ani McGrath.

Must Read

Dennis Uy’s Dito CME ventures into online education

Dennis Uy’s Dito CME ventures into online education
Si Senator Hontiveros

Halos parehong linya ni McGrath ang naririnig ko mula kay Senator Risa Hontiveros, isa sa mabibilang mo lang sa daliri na boses ng mga mambabatas na lantarang bumabatikos sa pamamayagpag ng China sa bansa, habang kinukunsinti naman ito ng Duterte administration.

Anang palabang Senadora: “Maaaring Trojan Horse nga ang Dito ng ChinaTel kaya tuluy-tuloy ang ating pangangalampag sa Dito at pati na rin sa NSC, para masiguradong hindi nagiging vulnerable ang ating pambansang seguridad. Hanggang ngayon hindi pa rin nagagawa ang mungkahi nating matagal na – na magsagawa ng security audit sa Dito.”

Hindi nga raw siya magtataka kung ang China Tel ay sadyang bumili ng stakes sa Dito para mas maging malalim ang paninitktik o pag-eespiya sa ating bansa ng militar ng China. ‘Di naman kasi maikakaila na may napakalaking pansariling interes ang bansang ito sa ating mga teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) kung ang pagbabasehan din lang ay ang mga aksyon ng kanilang mga barko militar nitong mga nakaraang taon. Ani Hontiveros: “Lantaran nilang gagawin ang lahat — bumili man ng telcom o ng power system — para mapasakanila kung ano ang atin.”

Kaya nga muling inulit ni Senator Hontiveros ang kanyang nauna ng panawagan sa National Security Council (NSC), na magsagawa na agad ng “security audit” sa Dito Telecommunity, bilang pagsasaalang-alang na rin sa ginawang pagba-blacklist ng Estados Unidos (US) sa mga Chinese firms, kabilang na rito ang China Telecom, na pinaghihinalaang ginagamit sa paninitktik ng “China’s military and security apparatus” sa iba’t ibang mga bansa, lalo na rito sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Hontiveros: “Let’s also not forget that under China’s National Intelligence law, Chinese corporations are obliged to support intelligence-gathering efforts. China also has a Chinese Counter-Espionage Law which forbids Chinese companies from refusing to assist their government in surveillance work.”

Si Representative Francis Castro

Heto pa ang isang mambabatas na nanggagalaiti rin sa galit at konsumisyon kapag naririnig ang pangalan ng kumpaniyang Dito – hindi dahil sa ito ay “Trojan Horse,” bagkus sa mga napakong pangako sa mamamayang Pilipino na magde-deliver ng mabilis na internet service sa buong bansa. 

Ani ACT Teachers Party-list Representative France Castro, nanawagan na siya sa mga kasamahang mambabatas sa Kongreso na imbestigahan ang Dito Telecommunity dahil sa hindi nito natupad ang mga ipinangako sa mga umaasa nitong internet connectors. Dapat, aniya, ay mapatawan ang kumpaniyang ito ng karampatang parusa.

Sabi ni Representative Castro: “Nag-oppose kami diyan sa Dito telco na ‘yan dahil before pa aprubahan ang another 25 years franchise niyan, wala namang natupad sa mga promise nito.” Dagdag pa niya: “At isa pa, controlled ito ng China Telecom na maaaring threat sa national security!”

Ang ilan lang sa mga pangakong napako ng “third telco” na ito ay ang mga sumusunod: Magkaloob ng serbisyo sa 37% ng populasyon sa unang taon nito sa mercado, pero nada raw nangyari rito, kahit na ang ginawang basehan ng pangako ay ang populasyon sa bansa noong 2015 pa.

Pangakong minimum internet speed na 27 mbps, pero batay sa mga test na isinagawa sa iba’t ibang lugar, lalo na rito sa Metro Manila – aabot lang sa 3 mbps upload at 4 mbps download ang naibibigay nito.

Pinai-imbestigahan din ni Castro ang report ng Dito na nakapagtayo na ito ng 1,600 cell towers – na karamihan ay nasa loob pa ng mga kampo ng militar at pulis – na masyadong mababa ang bilang, kumpara sa ipinangako nitong 2,500 na dapat matapos ngayong taon. 

Must Read

[Stakeout] Anyare na ba sa 3rd telco?

[Stakeout] Anyare na ba sa 3rd telco?

Reklamo pa ni Castro, dapat ay nakatulong ang Dito sa “online classes” ng mga estudyante kung nakatupad ito sa mga ipinangakong mabilis at maaasahang internet service. 

Ang isa pang problema – dapat ang gamiting cellphone ay ‘yung bago dahil hindi uubra ‘yung mga luma na tumatakbo lamang sa internet signal na 2G at 3G. Dapat ay pang 4G lang na gadget – oh ‘di ba, high tech talaga sa gitna ng pandemiya!

Pero sa kabila nito’y nakapasa pa rin ang Dito sa technical audit ng National Telecommunication Commission (NTC) batay naman daw sa isinagawang pagsusuri ng kumpaniyang R.G. Manabat & Co – Wow naman, may HIMALA bang nangyari rito?

Naitanong ko tuloy sa aking sarili – bakit kaya sa dinami-rami ng ipinangakong serbisyo ng Dito ay itong pagtatayo ng mga cell tower, sa loob pa man din ng mga kampo ng pulis at militar, ang mabilis at walang problemang natapos agad? Kaninong interes kaya ang makikinabang dito?

Tumimo sa aking isipan ang komento ng isang Australian netizen sa video sa social media ni Senator McGrath: “Our near neighbors are sleepwalking into a nightmare they will come to regret as they fall into the embrace of the Giant Panda. Senator McGrath’s timely warning needs to be heeded.” – Rappler.com

Dave M. Veridiano has been a police reporter for 30 years. He is a former senior news desk editor and currently writes a column for a daily tabloid.

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.