education in the Philippines

PANOORIN: Pagbubukas ng private school sa Pampanga para sa face-to-face classes

Rappler
Tinutukan ni Rappler reporter Bonz Magsambol ang pagbubukas ng face-to-face classes sa Mother of Good Counsel Seminary. Panoorin ang kanyang ulat.

Matapos ang pagbubukas ng halos 100 pampublikong paaralan para sa face-to-face classes noong nakaraangg linggo, 18 pampribadong paaralan naman ang sumali sa pilot run nitong Lunes, Nobyembre 22.

Isa rito ang Mother of Good Counsel Seminary sa San Fernando City, Pampanga. Bagamat ito ay isang seminaryo, kabilang ito sa mga pampribadong paaralan sa bansa na nag-aalok ng high school program. 

Ayon kay Father Dudley Villanueva, director ng senior high school department ng paaralan, umabot sa anim na buwan bago inaprobahan ng Department of Education ang aplikasyon ilang magsagawa ng face-to-face classes. 

Aniya, nakatulong ang pagkakaroon ng dormitoryo sa loob ng paaralan para maaprobahan ang kanilang aplikasyon.

Katulad sa ilang mga public school na naunang nagbukas para sa limited face-to-face classes, ang mga estudyante sa Mother of Good Counsel Seminary ay kailangan ding dumaan sa temperature check at mag-disinfect bago pumasok sa silid-aralan. 

Kapansin-pasin ding walang plastic barrier sa mga upuan ng estudyante. Ang mayroon lang nito, ang espasyo sa pagitan ng mga estudyante at desk ng kanilang guro. 

Giit ng mga eksperto, hindi na kailangan ang mga plastic barrier na ito. Sa halip ay kailangang buksan na lang umano ang mga bintana para magkaroon ng tamang bentilasyon. Nanatili namang naka-face mask ang mga estudyante sa buong period ng kanilang mga klase.

Tinutukan ni Rappler education reporter Bonz Magsambol ang pagbubukas ng face-to-face classes sa Mother of Good Counsel Seminary. Panoorin ang kanyang ulat. – Rappler.com

Reporter: Bonz Magsambol
Producer: Nick Villavecer
Production Specialist: Uly Pontanares