Marcos Fact Checks

Itinayo ang Coconut Palace bilang guesthouse para sa mga kilalang personalidad

Rappler.com
Itinayo ang Coconut Palace bilang guesthouse para sa mga kilalang personalidad
Ang Palasyo ay ginamit ng mga kilalang personalidad na malapit sa dating first lady, katulad nina Brooke Shields, Sean Connery, Van Cliburn, at Christina Ford

Ang sabi-sabi: Nagsilbing dulugan ng mga sumbong at hinaing ang Coconut Palace para sa mga magsasaka sa ilalim ng administrasyon ng diktador na si Ferdinand E. Marcos. 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang video na may sabi-sabing ito, mula sa channel ni Vincent Tabigue na may mahigit 272,000 subscribers, ay nakakuha na ng 150,000 views, 4,200 likes, at 617 comments sa oras na isinulat ang fact check na ito. 

Ang sabi sa video: Itong ano, kababayan, ano’ng tawag diyan, itong Coconut Palace dati daw itong, dito pumupunta yung mga farmers dito sa Coconut Palace, noong panahon pa ni FEM.” (9:56-10:12)

Ito ‘yung puntahan ng mga farmers, at kung may mga hinaing sila, dito nila ‘sinusumbong, mga kabababayan.” (14:26-14:55)

Tuluyan ng mga kilalang personalidad: Ipinatayo ang Coconut Palace sa ilalim ng termino ng dating diktador, at ikinomisyon ng kaniyang asawa na si Imelda Marcos, upang maging opisyal na statehouse. 

Nang bumisita si Pope John Paul II noong 1981 sa bansa ay inialok ito sa kaniya upang maging pansamantalang tuluyan. Tinanggihan niya ito dahil sa pagiging “opulent” ng estruktura sa kabila ng kahirapan na dinaranas ng maraming Pilipino. 

Ayon sa librong Edifice Complex: Power, Myth, and Marcos State Architecture (2003), na isinulat ni Gerard Lico, kay Imelda Marcos nagmula ang ideya na magkaroon ng bahay na sisimbolo sa pagka-Pilipino, mula sa disenyo at materyales na gagamitin. Ang pagpasok sa palasyo ay naging eklusibo at ginamit ito ng mga kilalang personalidad na malapit sa dating first lady, katulad nina Brooke Shields, Sean Connery, Van Cliburn, at Christina Ford. 

Rehistrado sa ilalim ng GSIS: Matapos lisanin ng pamilya Marcos ang bansa buhat ng 1986 People Power, napunta ang kustodiya ng palasyo sa Government Service Insurance System (GSIS), pag-aari at kontroladong korporasyon ng pamahalaan. Ang mga nagnanais na gumamit ng palasyo ay kinakailangang sumulat sa nasabing ahensiya at magbayad ng nararapat na rental fee. 

Opisyal na tirahan ng bise presidente: Noong 2011, nagsilbing opisyal na tirahan at opisina ang Coconut Palace ng pangalawang pangulo na si Jejomar Binay. Ito ay nirentahan umano ng P400,000 buwan-buwan. Nang maihalal si Leni Robredo bilang bise presidente, mas pinili niyang manuluyan sa isang local government property sa Quezon City. 

Ang coco levy fund at Coconut Palace: Binuksan ang Coconut Palace noong 1981. Tinatayang nagkakahalaga ang pagpapagawa nito ng P37 million. Iginiit din ni Lico sa kaniyang libro na umabot sa $2 million ang nakuha mula sa Philippine Coconut Producers Federation, isang pribadong non-government organization ng mga magsasaka sa industriya ng paggawa ng niyog, sa pagpapatayo ng palasyo. 

Sa tweet ni dating commissioner ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na si Ruben Carranza, iginiit din niya na ginamit ang coco levy fund sa pagpapatayo ng Coconut Palace. Ang coco levy fund ay mga kinolektang buwis mula sa mga magsasaka ng niyog mula 1971 hanggang 1983. – Stephanie Caesar/Rappler.com

Si Stephanie Caesar ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.