DOST

Hindi sa blogging site magpapasa ng aplikasyon para sa DOST scholarship

Rappler.com, Ailla Dela Cruz

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Hindi sa blogging site magpapasa ng aplikasyon para sa DOST scholarship
Nasa website ng Department of Science and Technology ang registration link para sa aplikasyon sa kanilang scholarship

Ang sabi-sabi: Sa isang link na dumidirekta sa isang blogging site na page kailangang magparehistro upang magsumite ng aplikasyon sa scholarship ng Department of Science and Technology (DOST).

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang post na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroong 77 na share, 148 na reaksiyon, at 71 na komento. Ang nasabing sabi-sabi ay laman din ng ilan pang hiwalay na post sa Facebook. 

Ang katotohanan: Wala sa Blogger na site ang rehistrasyon para sa aplikasyon para sa DOST scholarship. Mayroong opisyal na registration link para sa mga aplikante ng scholarship ng DOST na matatagpuan sa kanilang website

DOST scholarship: Noong ika-19 ng Setyembre binuksan ng ahensiya ang aplikasyon para sa DOST-Science Education Institute (SEI) scholarship. Ang mga magtatapos na Grade 12 na mag-aaral ay maaaring magpasa ng aplikasyon para sa kanilang pagpasok sa kolehiyo. 

Bukas ang aplikasyon para sa DOST-SEI scholarship mula ika-19 ng Setyembre hanggang ika-2 ng Disyembre ng taong pangkasalukuyan.

Naka-iskedyul ang pagsusulit ng mga aplikante sa ika-11 at ika-12 ng Marso 2023. Ipadadala ng ahensiya sa pamamagitan ng email sa mga aplikante ang kanilang test permit sa pagitan ng ika-27 ng Pebrero hanggang ika-3 ng Marso 2023.  

Ilalabas ng ahensya ang listahan ng mga nakapasa sa scholarship sa Hunyo 2023. Makatatanggap ng Notice of Award sa kanilang email address ang mga nakapasang aplikante. 

Nakalagay sa website ang iba pang detalye ng scholarship, maging ang mga dokumentong kinakailangan para sa aplikasyon. – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI
Download the Rappler App!