Duterte Fact Checks

KULANG SA KONTEKSTO: Proyekto ni Duterte ang mga bagong bagon ng PNR

Rappler
KULANG SA KONTEKSTO: Proyekto ni Duterte ang mga bagong bagon ng PNR
Sinimulan sa administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino ang proyekto noong 2015, at ipinagpatuloy naman ng administrasyong Duterte
Buod
  • Ang sabi-sabi: Proyekto ni Presidente Rodrigo Duterte ang mga bagong bagon ng Philippine National Railways (PNR).
  • Marka: KULANG SA KONTEKSTO
  • Ang katotohanan: Ang mga bagong bagon ay parte ng North-South Railway Project (NSRP) na inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) noong Pebrero ng 2015, sa panahon ni pangulong Benigno Aquino III, at ipinagpatuloy ng administrasyon ni Duterte.
  • Bakit kailangan i-fact-check: Ipinadala sa email ng Rappler ang sabi-sabing ito. Nang isulat ang fact-check, mayroon nang mahigit 19,000 reaksiyon, 2,400 komento, at 32,000 shares ang post.
Mga detalye

Isang post noong Oktubre 22 ng Facebook user na may pangalang “Vash Leng” ang nagpapakita ng mga larawan ng mga bagong bagon ng tren ng Philippine National Railways (PNR).

Nakalagay sa caption ng post: “IBA TALAGA MAG TRABAHO ANG PALAMURANG PRESIDENTE! The New PNR Train for North and South Commuter is now moving to Yokohama Port and soon for Delivery to Manila.”

(Ang bagong tren ng PNR para sa North at South Commuter ay kasalukuyang dinadala sa Yokohama Port at malapit nang ipadala sa Manila.)

Nakalagay din sa post ang mga hashtag na #DuterteLegacy at #BuildBuildBuild.

Ipinadala sa email ng Rappler ang sabi-sabing ito. Nang isulat ang fact-check, mayroon nang mahigit 19,000 reaksiyon, 2,400 komento, at 32,000 shares ang post.

Kulang sa konteksto ang sabi-sabing ito.

Ang mga bagon ng tren na ipinakita sa mga larawan ay para sa North-South Railway Project (NSRP). Ang proyektong ito ay kasama sa Philippine Development Plan 2011-2016 ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III. 

Inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang proyekto noong Pebrero 2015, kasama ang lima pang infrastructure projects: Panguil Bay Bridge Project, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway Project, Subic-Clark-Tarlac Expressway, NLEX-SLEX Connector Project, at Cavite-Laguna Expressway Project.

Ang pondo naman ng proyekto ay mula sa isang Official Development Assistance (ODA) loan agreement na pinirmahan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong  Nobyembre 2015. (Basahin: PH gets P93-B Japan loan for Tutuban-Malolos railway project)

Sinimulan ni Aquino ang bidding process para sa proyekto noong 2015. Kasama rin ito sa listahan ng mga proyekto ng administrasyong Aquino na inasahan nilang ipagpapatuloy ng administrasyon ni Duterte. 

Must Read

[ANALYSIS] 10 Build, Build, Build projects that started before Duterte

[ANALYSIS] 10 Build, Build, Build projects that started before Duterte

Noong 2017, nagsagawa ang Asian Development Bank ng karagdagang feasibility study para i-update ang cost estimate ng naunang pag-aaral para sa NSRP. Kasama ito sa Final Report ng JICA noong 2018. 

Nagsimula ang paggawa ng unang tatlong estasyon ng proyekto noong 2019. Inaasahang magsisimula ang pagdating ng mga bagong bagon para sa North-South rail sa Disyembre. – Lorenz Dantes Pasion/Rappler.com

Si Lorenz Dantes Pasion ay isang Rappler intern. Ang fact-check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor. Basahin ito para sa karagdagang detalye tungkol sa internship program ng Rappler.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.