Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Si Ferdinand Marcos ang nagpagawa ng palasyo ng Malacañang

Rappler
HINDI TOTOO: Si Ferdinand Marcos ang nagpagawa ng palasyo ng Malacañang
Ipinagawa ni Don Luis Rocha ang Malacañang noong 1700s

Buod

  • Ang sabi-sabi: Si dating pangulong Ferdinand Marcos ang nagpagawa ng palasyo ng Malacañang.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Ang palasyo ng Malacañang ay ipinatayo ni Don Luis Rocha noong 1750.
  • Bakit kailangan i-fact-check: Mabilis na ikinalat ng iba’t ibang Facebook users ang sabi-sabing ito. Nang isulat ang fact-check na ito, mayroon nang mahigit 6,300 views ang post sa Facebook.

Mga detalye

Isang video noong Nobyembre 25, mula sa Facebook user na si “Gzel Quigao – Reyna” ang nagsasabing si dating pangulong Ferdinand Marcos ang nagpagawa ng palasyo ng Malacañang.

Sinabi simula 0:20 na timestamp ng video ang linyang “’Yung tinirhan ni [dating pangulong Cory Aquino], ’yung tinirhan ni [dating pangulong Benigno “Noynoy’ Aquino III] na Malacañang, pagawa ’yon ni Marcos!”

Mabilis na ikinalat ng iba’t ibang Facebook users ang sabi-sabing ito. Nang isulat ang fact-check na ito, mayroon nang mahigit 6,300 views ang post sa Facebook.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Ayon sa website ng Presidential Museum at Library, ang palasyo ng Malacañang ay orihinal na pagmamay-ari ni Don Luis Rocha. Ipinagawa ang gusali noong 1700s. 

Naging pagmamay-ari ng gobyerno ng Pilipinas ang Malacañang noong 1825, ngunit naging  opisyal na tahanan lamang ng pinuno ng bansa noong 1863, matapos sirain ng isang malakas na lindol ang Palacio del Gobernador sa Plaza Mayor.

Dumaan ang Malacañang sa mga pagsasaayos sa kamay ng mga Espanyol, Amerikano, at mga nagdaang pangulo ng bansa, kabilang na sina Manuel L. Quezon, Diosdado Macapagal, at Marcos.

Si dating pangulong Joseph Ejercito Estrada ang huling nagsagawa ng isang pagsasaayos sa Malacañang. Ipina-remodel ni Estrada ang “Premier Guest House,” na kilala ngayon bilang Bonifacio Hall, para maging kanyang tirahan at opisina. 

Gumawa rin ang CNN Philippines at Esquire ng news report kaugnay sa kasaysayan ng Malacañang na nagbigay ng impormasyon at datos na kapareho sa nakalagay sa website ng Presidential Museum and Library.

Tinanggal na ng TikTok ang orihinal na video ng user na si “@jhenlamigo17” na pinagmulan ng sabi-sabi. – Lorenz Dantes Pasion/Rappler.com

Si Lorenz Dantes Pasion ay isang Rappler Intern. Ang fact-check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor. Basahin ito para sa karagdagang detalye tungkol sa internship program ng Rappler.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.