Fact check - gov't services/laws

Kailangan ng batas upang mapalitan ang pangalan ng NAIA

Rappler.com
Kailangan ng batas upang mapalitan ang pangalan ng NAIA
Naipangalan ang Ninoy Aquino International Airport sa dating senador sa bisa ng Republic Act 6639, kung kaya’t alinsunod sa Artikulo 7 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas, kinakailangan ng panibagong batas upang palitan ito

Ang sabi-sabi: Papalitan na ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil mapupuno na ang online na petisyong nananawagang palitan ito. 

Sinabi sa video: “Matapos ngang kumpirmahin ng marami sa ating mga kababayan na posible nang palitan ang pangalan ng NAIA or Ninoy Aquino International Airport to MIA or Manila International Airport.” 

“Kumpirmadong uuwi na ngang luhaan ang mga Aquino matapos kumpirmahin ng change.org.ph na kumpirmadong malapit nang mapuno ang petition site, matapos ikampanya ng mas marami sa ating mga kababayan para palitan ang Ninoy International Airport or NAIA to Manila International Airport or MIA,” dagdag pa nito.

Nakalagay din sa video ang tekstong: “TAGUMPAY! PAPALITAN NA SA WAKAS!”

Marka: KULANG SA KONTEKSTO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang video na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroong 52,982 views sa kasalukuyan. 

Ang katotohanan: Dahil ipinangalan ang naturang paliparan sa dating senador Benigno “Ninoy” Aquino sa bisa ng Republic Act No. 6639, kailangan ng panibagong batas na magpapalit ng pangalan nito kung ibabalik ito sa pangalang Manila International Airport (MIA). 

Noong ika-19 ng Abril, 2022, sinabi ng Malacañang na kinakailangan ng “congressional action” ng mga panukalang ibalik sa MIA ang pangalan ng NAIA.

There has to be a congressional action to repeal Republic Act (RA) No. 6639 which renamed MIA to NAIA,” sinabi noon ng dating communications secretary na si Martin Andanar. 

Batas sa pagpapawalang bisa ng batas: Alinsunod sa Artikulo 7 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas, maaari lamang mapawalang-bisa ang nasabing batas kung magkakaroon ng panibagong batas na mag-aamiyenda rito.

Nakasaad din sa nasabing artikulo na maaaring mapawalang-bisa ang isang batas kung idedeklara ng korte na hindi ito naaayon sa Konstitusyon. Matatandaang noong 2020 ay ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na nagpapapawalang-bisa sa RA 6639 dahil sa kawalan ng merito nito. 

Panukalang baguhin ang pangalan: Sa kasalukuyan ay nakabinbin sa komite ng transportasyon ang House Bill 1253, panukalang batas na naglalayong ibalik sa MIA ang pangalan ng nasabing paliparan. – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.