Aquino Fact Checks

Sinimulan ang konstruksiyon ng MRT7 sa administrasyon ni PNoy

Rappler.com, Ailla Dela Cruz

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Sinimulan ang konstruksiyon ng MRT7 sa administrasyon ni PNoy
Ang konstruksiyon ng Metro Rail Transit 7 ay proyektong sakop ng apat na administrasyon, mula kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo hanggang sa kasalukuyan

Ang sabi-sabi: Proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build at Build Better More ang Metro Rail Transit (MRT) 7. 

Sa isang video na nagtatampok ng pag-usad ng konstruksiyon ng mga istasyon ng MRT7, sinabi ang sumusunod: “Batasan Station na po mga kababayan, ito na po ang pinaka-sample. At dito rin po, may mga gumagawa rin po na atin pong nakita. Tuloy-tuloy po ang mga build, build, build projects at build better more na tinutuloy po ng ating pangulong Marcos.”

Marka: KULANG SA KONTEKSTO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang video na naglalaman ng sabi-sabi ay kasalukuyang mayroong 5,813 views. Itinampok din ang kaparehong video sa isang hiwalay na reaction video. 

Ang katotohanan: Sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Benigno Aquino III pinasinayaan noong ika-20 ng Abril 2016 ang groundbreaking ceremony ng MRT7, na magkokonekta sa Bulacan sa istasyon ng MRT sa North Avenue.

Sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2008 pa napirmahan ang kontrata para sa MRT7. Noong 2001 unang isinumite ang proposal para sa nasabing proyekto. 

Naantala lamang ang konstruksiyon ng proyekto dahil sa pabago-bagong administrasyon, mga pampinansiyal na usapin, at kontrobersiyang may kinalaman sa lugar na dapat pagtayuan ng common station nito – sa SM North EDSA ba o sa Trinoma. 

Mayroon nang fact check ang Rappler noong 2021 hinggil sa kaparehong sabi-sabing kulang sa konteksto. – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI
Download the Rappler App!