Corruption in the Philippines

[EDITORIAL] Binudol ng Pharmally ang taumbayan

[EDITORIAL] Binudol ng Pharmally ang taumbayan
Kaya pala naglulupasay ang ekonomiya – abala pala ang gobyernong Duterte sa delihensya
AnimatEd Editorial Pharmally Face Shields

Tila kumulo ang kolektibong dugo ng mga tao sa social media nitong Biyernes, Setyembre 24, matapos ang pasabog sa Senado ng isang kawani ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Inamin ng main point person for government projects ng Pharmally na si Krizle Grace Mago na mukhang na-swindle nga ang gobyerno. “I believe that is the case,” sagot niya.

Napilitang umamin si Mayo nang lumabas ang sworn testimony ng isang empleyado ng Pharmally Pharmaceutical na pinapalitan ng mga warehouse staff ang production date sticker ng mga face shield – mula 2020 ay kinakabitan ito ng 2021. Ibig sabihin, pinapalitan nila ang expiry date ng mga face shield.

Ayon sa staff na nagpalit ng sticker, expired na ang mga face shield at substandard pa. 

Hindi raw nila itinatapon ang mga face shield kahit na ito’y substandard, kahit na distorted, may mantsa, discolored, o marumi. Marami raw ang may mantsa dahil sa warehouse leaks.

Sino ang na-swindle?

May paglilinaw lang kami sa tanong ng mga senador: “So you were swindling the government?

Habang gobyerno ang nalinlang, ang tunay na naswindle ay ang taumbayan. Pera natin ang ginamit na pambayad sa mga kuwestiyonableng kontratang ito.

At balikan natin ang mga naunang exposé sa Pharmally – hindi makakakopo ng P10-bilyong kontrata ang unqualified na kompanya tulad ng Pharmally kung hindi dahil sa mga katulad ni Lloyd Christopher Lao, ang dating hepe ng Procurement Service ng Department of Budget and Management.

Si Lao at iba pang tulad niya sa gobyerno ang nagbukas ng pinto para makapasok sa sistema ang mga walang kuwentang middlemen na ito na laway lang at unholy alliances ang tunay na kapital.

Ang tamang statement ay ito: Nabudol ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte at Pharmally ang taumbayan. 

Budol. ‘Yan ang tawag sa diskarte ng budol-budol gang na dumodroga o humi-hypnotize umano sa mga biktima at pagkatapos ay nililimas ang pitaka at bank account ng pobreng tao. (Ibahin natin ito sa gamit ng mga millennial na terminong “budol” na “impulse buy” ang katumbas.)

Face shields? Only in the Philippines

Sabi nga ng mga nasa social media: ang hirap sa patuloy na paggamit sa face shield, you literally have corruption staring you in the face.

Masakit di ba? Ngayon, alam na natin bakit Pilipinas lang sa buong mundo ang nagmamandatong gumamit ng face shields.

May tatlong grupo ng mga mambubudol: 

  • Ang ehekutibo, kasama na ang mga nasa Office of the President, ang anti-COVID-19 task force (IATF), at Department of Health na siyang nag-utos na gumamit ng face shields
  • Si Michael Yang at ang network niya ng mga korporasyong kamakailan lamang ay kalahating-milyon lang ang kapital pero nakakopo ng suma total na P10-bilyong kontrata noong 2020 at 2021
  • Ang PS-DBM na nag-apruba ng mga kontrata

Ilang beses ka na bang nasita sa hindi pagsusuot ng face shield? Gaganahan ka pa bang gumamit ng face shield, ngayong nalaman mong kasangkapan ito sa pandaraya sa bayan?

Idagdag pa natin ang ilang naglabasang baho ng Pharmally at PS-DBM: 

Ilan na ba ang namatay sa Pilipinas dahil sa COVID-19? Mahigit sa 37,400 ang pumanaw na.

Ginoong Presidente, mangiyak-ngiyak ka pa sa iyong mga mensahe? Ang mga tao mo pala ang bantay-salakay? Hindi ba’t command responsibility mo ito?

Ginagamit pala ng mga kaibigan mong tulad ni Michael Yang ang kanilang impluwensiya upang maka-corner ng mga kontrata? At todo depensa ka pa rin sa kanya?

Kaya pala naglulupasay na ang ekonomiya sa hindi bumubuting sitwasyon sa COVID-19. Abala pala ang mga tao mo sa pag-iisip ng delihensya

Sana’y nakareserba na ang pinakamalupit na lugar sa impiyerno para sa mga katulad nilang nagsasamantala sa panahon ng pandemya.

Puwede na rin nating simulan dito pa lang sa lupa ang impiyerno nila sa pamamagitan ng pagsipa sa kanila mula sa posisyong palamunin at pasuweldo sila ng taumbayan.

Ilang buwan na lang, halalan na. May pagtutuos na dapat mangyari sa araw ng eleksiyon. #WeDecide: Atin ang Pilipinas. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.