COVID-19

[EDITORIAL] Contact tracing: Nasaan ang political will?

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Contact tracing: Nasaan ang political will?
Puro dada, walang nilaga, ika nga ng urban poor

Contact tracing. Ito ang isa sa susing diskarte na nagpanalo sa pakikipaglaban ng Vietnam at South Korea laban sa pandemya.

Pero tayo sa Pilipinas, nakailang istriktong lockdown o enhanced community quarantine (ECQ) na. Bawal ang lumabas maliban sa isang miyembro kada pamilya. Kalaboso ka ‘pag lumabag ka lagpas ng alas-sais. Haharangin ka kung nagdedeliver ka ng lugaw. Dadamputin ka kung tumapak ka sa labas ng bahay upang kunin ang delivery mo galing Grab. Bubugbugin ka pa. (BASAHIN: Quarantine violator beaten to death by Calamba barangay tanods – family)

Sabi ng OCTA research group, umubra naman ang lockdown. But at what price? Bakit umabot tayo sa puntong lockdown lang at pagpupulis ng mga lumalabas ng bahay ang solusyon?

Nasaan ang contact tracing? Sabi nga ni contact-tracing czar Benjamin Magalong, “weakest link” natin ang contact tracing. Inamin din niyang “technically, there is no contact tracing there.” Ayun!

Sa in-depth report na ito ng Rappler, ipinaliwanag bakit walang contact tracing: kulang sa tao, kulang sa kasanayan, kulang sa gamit, at kulang sa synchronization. (BASAHIN: How Philippine contact tracers lost track of the virus)

Sa mahabang panahon nga, hindi pala binibilang ang antigen tests sa daily cases. Hindi ba nakakaiyak?

Kung may contact tracing at nakikita na natin ang datos na papataas ang nai-infect, baka hindi na umabot sa antas na nadelubyo ang mga ospital. Kung may contact tracing, hindi na kailangang i-lockdown ang “NCR+” kundi bahay-bahay o kalye-kalye na lang.

Kung may contact tracing, hindi tayo nakatunganga lang nang rumagasa ang bagong variant na mas mabagsik. Dahil bago pa man namatay at nagpakita ng sintomas ang mga naka-contact ng mga positive, nabantayan na sila at nasarhan na ang pintuan para di sila makapagkalat ng virus sa ibang tao. 

Dahil ang kalaban mo sa virus ay ang multiplier effect ng pagkalat nito, at ito ang mas dapat na naunang hakbang bago ang mga lockdown.

Bakit tinapyas ang budget ng contact tracing? Nasaan ang bilyones na inilaan para sa paglaban sa veerus? (BASAHIN: [ANALYSIS] Test, Trace, Treat not Build, Build, Build)

[EDITORIAL] Contact tracing: Nasaan ang political will?

Kaninong bulsa, o aling war chest ang makikinabang dito sa darating na eleksyon?

Bakit nitong Abril lamang nabinyagan ang contact tracing app sa antas ng nasyonal na pamahalaan? Nagtapon ba tayo ng pera sa app na wala namang data na maka-crunch dahil walang matinong data na pumapasok?

Nakapanlulumo basahin ang hirap at tiyagang ginugugol ng mga contact tracers sa mahabang araw nilang pagtatawag sa telepono at pisikal na pagpunta sa mga bahay-bahay. (BASAHIN: Philippine contact tracers: The forgotten frontliners)

Samantala, bumabalik ang pamahalaan sa kung ano ang alam nitong gawin: gamitin ang police powers, manindak ng mga tao, mag-curfew, mag-checkpoint. Lagi na lang, law and order ang solusyon na mainam sana ay kakambal ang contact tracing.

Halimbawa, ang naging diskarte ng Cebu City – gumamit ito ng isolation hotels upang mailayo sa populasyon ang mga nahawahan na. Nakatulong ang isolation hotels upang hindi bahain ng mga kaso ang mga private hospitals. Sa Metro Manila at karatig pook, tinatanggihan na ng mga ospital ang mga kaso dahil wala nang bed capacity. ‘Yan ang dahilan bakit ang daming namatay ngayong surge ng 2021.

Gumuho ang isang poste sa paglaban sa pandemya nang pumalpak ang contact tracing sa Pilipinas. Tulad ng imahe sa editoryal na ito, parang minefield ang pandemya ngayon at hindi natin alam kung saan nakatanim ang mga bomba. Kaya’t hindi puwedeng maghugas-kamay ang Malacañang at sabihing hindi raw nila kasalanan na nag-mutate ang virus.

At dito higit sa lahat, kitang-kita na walang political will ang administrasyong Duterte na gawin ang mahirap, ang siyentipiko, ang sistematikong paglaban sa pandemya.

Puro dada, walang nilaga, ika nga ng urban poor. Iba ‘ata ang nilalaga – pang-2022 ba kamo? – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!