SONA 2021

[VIDEO EDITORIAL] Sining at pagpupumiglas: Bakit namamayagpag ang ‘Tumindig’ ngayong SONA?

Rappler
Sa pagsasanib na ito ng sining at pagpupumiglas – art and dissent – pinatunayan ng mga artist at kabataan na hindi sila 'complicit'

Nasulyapan ‘nyo na ba ang mga cartoon ng “Tumindig?” 

Nagsimula itong isang simpleng imahe ng isang stylized na kamaong nakataas, pero ngayo’y nagsisindi sa creativity ng maraming mga malikhaing kabataan.

Ito’y isang bagong take sa taas-kamao ng mga aktibista at sa pasulong na kamao ni Digong na imahe ng opensiba, pambabalya, at pambubrusko.

Bakit madikit ang Tumindig? Tingnan natin ang limang katotohanan tungkol sa pamahalaang Duterte.

  • Giyera kontra droga. Ayon sa datos mula sa Philippine National Police, 52% lamang ng mga barangay ang “cleared” na sa droga. Habang pangkaraniwan ang mga nakabulagtang patay na mga nakatsinelas, ang mga drug lord tulad ni Peter Lim ay nakalalaya. Pero ang pinakamalaking pamana ng giyerang pumatay sa tinatantiyang 27,000 ay ito: ang kultura ng impunity kung saan pinapatay ang pinaghihinalaang walang-kalaban-laban, walang boses, at walang kakampi sa lipunan.
  • West Philippine Sea. Pagdating sa Tsina, nag-uumapaw siya sa papuri at pasasalamat. Kalimutan na na halos huli na ang Pilipinas sa Southeast Asia na nakatanggap ng bakuna galing Tsina. Kalimutan na na wala pa halos natupad sa mga pangakong investment: sa pinangakong $708 billion in infrastructure investments noong 2016, apat na proyekto lang at isang grant ang nagkatotoo.
  • Paglaban sa kagutuman. Sa kabila ng kasikatan, hindi ginamit ni Duterte ang political capital upang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino. Anim sa 10 Pilipino ang nagsasabing dumaranas sila ng kagutuman. Eto pa ang ilang datos: bumaba ang kita ng mga Pilipino, maraming nawalan ng trabaho, at nananatiling mataas ang presyo ng mga bilihin.
  • Naghihingalong ekonomiya. Noong 2020, umurong ang ekonomiya nang 9.6% – pinakamalala sa ating kasaysayan at sa ASEAN. Ang mga natuloy na proyekto sa imprastruktura’y pawang sinimulan ng nakaraang administrasyon – maliban sa dinonate ng Tsina na Intramuros-Binondo bridge at Estrella-Pantaleon bridge. Walang nagkatotoo sa ipinangakong mga linya ng tren sa Mindanao. Sa 119 na ipinangakong big-ticket projects, siyam lamang ang natapos.
  • Paglaban sa pandemya. “Reactive” ang task force na lumalaban sa virus at tanging lockdowns ang pangunahing sandata. Sobrang tinipid ang pondo sa bakuna at P2.5 bilyon lang ang isinumite ni Duterte na initial budget para rito. Mas malaki pa ang budget na ibinigay sa NTF-ELCAC na P19 bilyon. Nakapanlulumo ang limang milyong nabakunahan na ng dalawang dose, gayong 70 milyon ang kailangan para sa herd immunity. Malabong magbabago sa kakuparan ang gobyernong ito ngayong nagsisimula na ang pagkalat ng Delta variant ng COVID-19.

Kung babalikan ang kasaysayan, ang nagbigay-buhay sa kilusang nagpatalsik sa diktador matapos ang Martial Law ay hindi ang mga sumisigaw ng slogan, kundi ang mga ordinaryong mamamayan, estudyante, at propesyonal na… you guessed it… tumindig.

Sabi ng artist sa likod ng account na si Tarantadong Kalbo, panawagan daw ito sa mga Pilipinong kumibo at tumindig, kahit sa tingin nila’y sila na lang ang lumalaban.

Sa harap ng mga bigong pangako at palpak na grado ngayong SONA, makikita ang pagsasanib ng sining at pagpupumiglas – art and dissent. 

Muli, pinatutunayan ng mga artist at kabataan na hindi sila “complicit” o kakontsaba sa pagtataksil sa taumbayan – at ayaw na nilang manahimik. – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Sining at pagpupumiglas: Bakit namamayagpag ang ‘Tumindig’ ngayong SONA?