party-list groups

[OPINYON] Pangsakalam na kasal sa panahong nakasasakal?

Nick Garcia
[OPINYON] Pangsakalam na kasal sa panahong nakasasakal?

Illustration by Guia Abogado

'Nagkaro’n ng imeldific na kasal ang dapat na kumakatawan para sa mass progress at equal rights ng mga tsuper. Sa panahong lalo silang nawalan ng kita, sa panahong lalo silang walang makain.'

Napag-usapan namin ng girlfriend ko ang idea ng kasal no’ng mga nakaraang buwan. Idea lang naman. At one point sa conversation, ipinagpalagay namin kung magkano ang gagastusin para sa supposed big day namin. Naalala ko ‘to bigla dahil may politiko na namang nasa spotlight.

Ikinasal kamakailan si Claudine Diana Bautista, party-list representative ng Drivers United for Mass Progress and Equal Rights (DUMPER). Nabigyan ‘to ng attention dahil sa tweet ni user @deedeeholliday_.

Siyempre, wala naman talagang problema do’n. Kaso nga lang, ‘lang-hiya, kay rangya ng wedding ceremony niya. Ginawa ‘to sa Balesin Island sa Polilio, Quezon. Sa kasagsagan ng pakikipagsapalaran ng milyong-milyong Pilipino sa COVID-19. Ni ‘di pa nga humuhupa ang galit ng karamihan, kundi ng lahat, sa Department of Health dahil sa pinaggagawa nito sa bilyon-bilyong taxpayers’ money na kailangang-kailangan para sa pandemic response.

Ayon sa screenshot ng isa pang user, kasama sa photo-op sina Former President Gloria Macapagal Arroyo, Davao City Mayor Sara Duterte Carpio, Defense Secretary Delfin Lorenzana, at San Miguel Corporation President and Chief Executive Officer Ramon Ang. Malamang, ang mga sakalam na VIP na ‘to ang nagsilbing ninong at ninang sa kasal.

Kung usapang sakalam lang din, nag-bridal march si Bautista suot ang “couture Michael Cinco beaded wedding gown.” Naka-post ‘to sa Instagram ng Dubai-based top dog sa fashion design. Kinuha ring event designer si Gideon Hermosa, isa pang bigating ngalan sa industriya.

https://www.instagram.com/p/CScFANQl_e_/

Si Hermosa naman ang nag-transform sa simpleng marquee tent umano ng venue at ginawa ‘tong “elegant chandelier-filled ballroom complete with a glorious archway hall,” sabi niya sa IG. Siya rin ang nag-ayos sa “soothing and exciting” na “beautifully crafted peony-filled bouquet” ng bride. Para sa kaniya, “[p]erhaps the perfect image” ang gano’ng setup. Na mabigyan ng “many possibilities” ang isang “blank slate.”

“Such an irony,” sabi ni Hermosa, “and yet these are exactly what we wish for our bride.”

Omsim sa such an irony. Nagkaro’n ng imeldific na kasal ang dapat na kumakatawan para sa “mass progress” at “equal rights” ng mga tsuper. Sa panahong lalo silang nawalan ng kita, sa panahong lalo silang walang makain. In fact, namamalimos na nga ang ilan sa kanila. Perhaps the perfect image ‘to ng kapal ng mukha.

Kahit walang official receipt o audit report, matik namang ang gown pa lang, nagkakahalaga na ng at least six digits. Pa’no pa ang kabuuan ng wedding costs? Pinatotohanan lang din ‘to ni Cinco sa sarili niyang mga salita. “[I]ntimate wedding ceremony in a lavish private island.” Ang (oxy)moronic, di ba? Dinisable na niya ang comments sa post niya matapos kuyugin ng ilang user.

‘Di rin korupsiyon ang pinag-uusapan dito. Kahit na talagang malinis at ‘di galing sa kaban ng bayan ang perang ginamit sa kasal ni Bautista, dapat niyang sundin ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees. Ayon sa Section 4(a) ng Republic Act 6713, “Public officials and employees shall always uphold the public interest over and above personal interest.” Sa 4(h) naman, “Public officials and employees and their families shall lead modest lives appropriate to their positions and income. They shall not indulge in extravagant or ostentatious display of wealth in any form.”

Must Read

‘Di ‘to rocket science. ‘Di rin kailangang maging law student o political analyst ng sinuman para maunawaang walang mali. Anyare sa dura lex, sed lex na bukambibig ng mga makaadministrasyon? Ano’ng silbi ng batas na ‘di sinusunod ng mga mambabatas? Such an irony.

Pagkaraan ng ilang oras, nag-post si Bautista sa Facebook. ‘Di para rektang i-address ang public backlash, kundi para ibida ang efforts ng DUMPER re: mass vaccination ng humigit-kumulang na 18,000 tsuper. Teka, ilan ba ang pumapasada sa Pilipinas? Natural at expected lang din namang gawin ‘yon ng party-list niya bilang bare minimum, ‘di ba?

Parang ipinakikita tuloy ni Bautista unconsciously kung ano talaga ang DUMPER (na, by the way, ay halatang ‘di pinag-isipang mabuti ang acronym). Nagpapaka-dumper siya tungo sa mga pobreng tsuper, never mind na in the dumper na nga sila kahit na wala pang pandemic. Not to mention na isa siya sa 70 mambabatas na ibinasura ang franchise renewal ng ABS-CBN at, effectively, tinanggalan ng trabaho ang libo-libo at access sa news at entertainment ang milyon-milyon.

At ‘di pa nagtatapos ang usapang news at entertainment at wedding. Ikinasal si Angel Locsin kay Neil Arce last week. Last year talaga ang original plan nila pero dahil sa public health crisis, minabuti nilang gumawa ng adjustments.

Nag-civil wedding sila sa city hall ng Taguig. Pito lang ang guests, kabilang na ang mga magulang nila. Walang kung sinong VIP kahit na kay lawak ng respective networks nila. Tila namamasyal lang din sila sa mall at naka-smart casual na black and white no’ng ikinasal. Actually, binili nga lang daw nila sa mall ang wedding outfits nila a day before. At ang inihanda nila sa reception? Milk tea, fries, fishball, kikiam. “Simple pero rock,” ayon kay Angel.

Matik namang nasa milyon-milyon ang respective net worths nilang mag-asawa. In fact, sa vlog nila, may prenup shoot nga raw dapat sila sa Finland. Yet, nagawa pa rin naman nilang magpamalas ng wisdom at empathy. Gano’n ba talaga pag ‘di (pul)politiko?

Going back sa kasal expenditure talk namin ng girlfriend ko, nasa milyon ang naaalala kong napag-usapan namin, gano’n. Di naman mala-royal wedding, siyempre, pero ‘yon bang may semblance of magnificence at masasabing talagang pinaghirapan at pinag-ipunan bilang big day nga. On the table din ang “simple pero rock” na wedding.

Matagal-tagal pa naman ‘yon, siyempre. May kani-kaniya pa kaming mga plano sa buhay. May mga bagay mas dapat naming pagtuunan ng pansin bilang mga indibidwal. Dumarami ang COVID-19 variants na tila Greek-letter organization na ang dating. Marami pa ring tensiyonado’t napeperwisyo dahil sa dami ng peste sa kasalukuyang liderato. Tiyak na gusto na ng lahat na magwakas ang mga ‘to.

At, for argument’s sake, wala ring makapagsasabi kung ano’ng maaaring mangyari sa ‘min ng girlfriend ko in the future. Kung kami nga ba talaga para sa isa’t isa. Pero gaya ng mindset ng mga nagsasama sa buong mundo, gusto naming gano’n ang mangyari.

‘Di pa matatanaw sa ngayon ang Inaasam-asam na Araw na ‘yon. Wala pa talagang nakaaalam kung kailan o pa’no maisasakatuparan ‘yon. Pero ga’no man katagal, suffice it to say na tiyak na hihintayin, tiyak na darating din. – Rappler.com

Nick Garcia writes for television. He lives in Manila.

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com.