Philippine languages

[OPINYON] Lampas sa trending na mga pagsusulit hinggil sa balarila

Mark Anthony Salvador
[OPINYON] Lampas sa trending na mga pagsusulit hinggil sa balarila
'Siglo 21 na, ngunit kay rami pa ring naniniwalang pangunahing batayan sa pagiging matalino ang kahusayang mag-Ingles, paniniwalang malaon na dapat nating ibinasura'

Nitong unang linggo ng Enero, naging trending sa social media ang mga pagsusulit hinggil sa balarilang Filipino. Nagsimula ito nang may magpaskil sa Facebook ng 15 puntos na maiksing pagsusulit hinggil sa wastong gamit ng “ng” at “nang.” Nag-trending ang nasabing pagsusulit. Ipinapaskil pa sa social media ng mga nagsagot ang kani-kanilang iskor, lalo kung 15/15. Nasundan ang nasabing pagsusulit ng iba pang pagsusulit hinggil sa balarila.

Naniniwala akong mainam ang pagsasagot sa ganitong mga pagsusulit, narerebyu ng mga nagsasagot ang kaalaman nila sa balarila, lalo’t mababa pa rin ang pagtingin ng marami sa wikang pambansa at sa katutubong mga wika, bunga ng kolonyal na sistema ng edukasyon ng Pilipinas. Siglo 21 na, ngunit kay rami pa ring naniniwalang pangunahing batayan sa pagiging matalino ang kahusayang mag-Ingles, paniniwalang malaon na dapat nating ibinasura.

Nais kong linawin na hindi ko nais mamulis ng paggamit sa wika. May pagtingin sa larang ng wika, halimbawa, na ang “raw” at “daw,” gayundin ang katulad na pares ng mga salita na gaya ng “rin” at “din,” ay usapin lamang ng pagiging konsistent. Ibig sabihin, kung “raw” ang ginamit sa simula ng teksto, ito na ang gagamitin hanggang sa dulo, kahit pa ang sinusundan nitong salita ay nagtatapos sa katinig na kalimitang ginagamitan ng “daw.” Ang mahalaga lamang ay may malinaw tayong pinagmumulan sa pagsunod o di pagsunod sa nakasanayang gamit sa mga salita. Ngunit bagama’t mahalaga ang pagrerebyu sa ating kaalaman sa wika, hindi tayo dapat dito nagtatapos.

From Our Archives

[OPINYON] A luta continua: Adbokasing pangwika at mga sosyo-ekonomikong reporma

[OPINYON] A luta continua: Adbokasing pangwika at mga sosyo-ekonomikong reporma

Oktubre 2018 nang tanggalin ng Korte Suprema ang Temporary Restraining Order na nagtatanggol sa kursong Filipino sa rahas ng CHED Memorandum Bilang 20 serye ng 2013, memorandum na iniluwal ng K-12. Ang TRO ay iginawad noong 2015 ng Korte Suprema sa kursong Filipino, ito ay tagumpay ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino, higit na kilala sa pangalang Tanggol Wika. Sa pag-aalis sa TRO, kasama na ang nasabing kurso sa laksang kurso na hindi na ituturo sa kolehiyo.

Inilaban ng Tanggol Wika ang pananatili ng kursong Filipino, gayundin ng kursong Panitikan, sa kolehiyo. Noong Nobyembre 2018, nag-file ang Tanggol Wika ng motion for reconsideration sa Korte Suprema.

Ngunit sumuporta lamang sa naunang pasya ng Korte Suprema kaugnay sa pagtatanggal sa TRO ang resolusyon nito noong Marso 5, 2019. Ibig sabihin, hindi mandatori na kurso sa kolehiyo ang Filipino.

Must Read

[Sarì-Sámot] Agham ng bayan

[Sarì-Sámot] Agham ng bayan

Sang-ayon sa Artikulo XIV, Seksyon 6 ng Saligang Batas: “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika.” Bagama’t malawak ang saklaw ng mga salitang “payabungin” at “pagyamanin,” malinaw na hindi pagpapayabong at hindi pagpapayaman ang tutunguhin ng Filipino sa ilalim ng CMO 20 serye ng 2013. Ang “pagyabong” at “pagyaman” ay kapwa kasingkahulugan ng “pag-unlad.” Ang paggamit ng wikang Filipino sa mga kurso sa agham sa kolehiyo mula sa paggamit dito sa kursong Filipino lamang ang halimbawa ng pag-unlad, hindi ang pagtatanggal sa Filipino sa kolehiyo para ilipat sa senior high school. Sa maiksing sabi, salungat sa nakasaad sa Konstitusyon ang pagtatanggal sa kursong Filipino sa kolehiyo.

Taong 2019, inihain ng Makabayan Bloc, sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers Party List, ang Panukalang Batas 223 o ang “Batas na Nagtatakda ng Hindi Bababa sa Siyam (9) na Yunit ng Asignaturang Filipino at Tatlong (3) Yunit ng Asignaturang Panitikan sa Kurikulum ng Kolehiyo.” Ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin ito naisasabatas, at malabo na itong maipasa sa ilalim ng rehimeng Duterte. Kaya marami pa ring guro sa Filipino at Panitikan ang nanganganib na mawalan ng trabaho. Halimbawa, marami nang pamantasan ang nagtanggal ng Kagawaran ng Filipino.

Ngunit nais kong bigyang-diin na hindi lamang ito sa usapin ng trabaho. Hindi natin nauunawaan ang ating kaakuhan bilang lahi dahil sa mababa nating pagpapahalaga sa mga disiplinang gaya ng Filipino, Kasaysayan, Panitikan, Antropolohiya, at laksang iba pa.

Batid kong maraming estudyanteng naniniwalang kaya dapat tanggalin ang Filipino sa kolehiyo ay sapagkat hindi naman ito mahalaga sa kanilang disiplina, kaugnay ito ng paniniwalang hindi maaaring maging wikang panturo sa iba’t ibang agham ang wikang Filipino. Matagal na itong nasagot ng mga dalubwika. Isa ito sa mga maling paniniwala na nilinaw ni Ernesto Constantino sa sanaysay niyang “Mga Lingguwistik na Ilusyon sa Pilipinas.” Aniya:

“Ang unang ilusyon sa wikang panturo ay ang paniniwala na hindi maaari o mabuting gamiting wikang panturo ang ating wikang pambansa o alinman sa mga wika natin. Hindi pa raw ‘debelop’ ang wikang ito. Dahil dito, wala tayong magagawa kundi gamitin na lang ang wikang Ingles bilang tanging wikang panturo.

Hindi totoo na hindi debelop ang ating wikang pambansa o ang alinman sa mga wika natin. Tiyak na hindi ang wika natin ang hindi debelop kundi ang kakayahan, interes, at kaalaman natin dito.”

Podcast

[PODCAST] I’ve Got An Opinion: The Filipino language is not about limits

[PODCAST] I’ve Got An Opinion: The Filipino language is not about limits

Sa Unibersidad ng Pilipinas, halimbawa, hinihikayat ang mga guro na ituro sa Filipino ang kani-kanilang kurso, at na magsulat sila ng pananaliksik sa Filipino. Magandang halimbawa para sa huli ang Gawad Tsanselor sa Natatanging Mananaliksik sa Filipino ng UP Diliman. Ang Gawad Julian Cruz Balmaseda naman ng Komisyon sa Wikang Filipino — sang-ayon sa ahensya — ay ang “pinakamataas na pagkilála na handog ng KWF para sa natatanging tesis at disertasyon sa agham, matematika, agham panlipunan, at iba pang kaugnay na larang gamit ang wikang Filipino.” Ilan lamang ang mga ito sa patunay na maaaring maging wikang panturo sa mga larang ng agham ang wikang Filipino.

Ngayong may pandemya, lalong naging malinaw ang papel ng wika sa larangan ng agham. Marami ang hindi naniniwala sa COVID-19, ayaw magsuot ng face mask, at ayaw magpabakuna, bunga ng kakulangan sa impormasyon. Marami sa mga termino, gayundin ang kahulugan ng mga ito, at ang pagpapaliwanag ng mga nasa gobyerno, ay nasa wikang Ingles. Malinaw na ito ay krisis sa komunikasyon, at napakalaking salik ito kung bakit maraming naniniwala sa mga fake news. Sa sanaysay niyang “#FilipinoDapat at Ilang Tala sa Paglikha ng ‘Terminolohiyang COVID-19,’” malinaw na natalakay ni Eileen Narvaez ang halaga ng wikang Filipino at katutubong mga wika sa krisis-pangkalusugan na kinakaharap natin. Tinalakay niya rito ang “mahalagang papel ng wika sa pagtugon sa isang krisis panlipunan tulad ng krisis sa pangkalusugan na kinahaharap ng bansa ngayon at mapangatwiranan ang mahalagang gampanin ng wika upang maligtas (ang sarili) dahil nauunawaan ang nagaganap at makapagligtas (ng kapuwa) dahil natutulungan natin silang maunawaan ang isang pangyayaring bago lamang sa ating karanasan at kaisipan.”

Ang pagpapahalaga sa wika ay lampas sa pagsasagot sa trending na mga pagsusulit. Isa sa mga magagawa natin ay ang pagsuporta sa Panukalang Batas 223, at magagawa natin ito sa pamamagitan ng pakikiisa sa panawagan na maaprubahan ito. Panimulang hakbang lamang ito sa paghahangad ng makamasa, makabayan, at siyentipikong edukasyon.

Hindi ito pagsusulit na kailangang sagutan, ngunit sana ay luminaw sa atin — kalaunan, kung hindi man ngayon — ang sagot sa pangunahing mga tanong kung bakit mahalagang manatili sa kolehiyo ang kursong Filipino. – Rappler.com

Nagtapos ng Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas at ng Masterado sa Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, kasalukuyang kumukuha ng Doktorado sa Pilosopiya sa Panitikan ng Pilipinas sa UP Diliman si Mark Anthony S. Salvador. Mababasa ang kanyang mga akda sa Kawing, Tomas, Dx Machina: Philippine Literature in the Time of Covid-19, Likhaan, Entrada, Tomas, Reflective Practitioner, Pylon, Bookwatch, Liwayway, ACT Forum at Luntian journal. Kasalukuyan siyang guro sa Departamento ng Filipino sa Pamantasang De La Salle.