Philippine languages

[OPINYON] A luta continua: Adbokasing pangwika at mga sosyo-ekonomikong reporma

David Michael M. San Juan
[OPINYON] A luta continua: Adbokasing pangwika at mga sosyo-ekonomikong reporma

Graphic by Alyssa Arizabal

'Upang hindi maging palamuti lamang ang pagsusulong ng mga makabayang asignatura, dapat ding isakatuparan ang mga mas dinamikong ekspresyon ng nasyonalismo'

Buwan ng Wika (na naman) at Kasaysayan (din) sa kaisa-isang bansang may bukod na buwan para pahalagahan ang sariling wika at kasaysayan, dahil sa 11 buwan na natitira sa bawat taon ay deretsahang binabalewala, isinasantabi, kundi man tahas pang nilalapastangan ang dalawang ito. 

Ngayong 2021 ay makabuluhan at makahulugan ang opisyal na temang inilabas ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Tungkol ito sa proseso ng dekolonisasyon, kaya’t maaaring maging lunsaran ng mas malawak at mas malalim na pagtalakay sa mga isyung sosyo-politikal na nararapat maging prayoridad habang papalapit ang Eleksyong 2022. 

Sa mga mamamayang nakikibaka pa rin para sa dekolonisasyon, popular ang pariralang “A luta continua!” Noong 2014, inadopt namin ito bilang slogan sa pambansang pakikibaka laban sa CHED Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013 na nagpapataw ng bagong kurikulum sa kolehiyo na wala nang mandatoring asignaturang Filipino at Panitikan. Portuges na parirala ito na unang naging popular sa Mozambique (dating kolonya ng Portugal sa Africa), bilang sigaw ng mga anti-kolonyalista. “Tuloy ang laban!” ang katumbas nito sa Filipino. Puno ng “A luta continua!” ang tipikal na talumpati ng kauna-unahang presidente ng malayang Mozambique na si Samora Machel. Aniya, tuloy ang laban para sa pambansang pagpapalaya at kontra sa kahirapan at pagsasamantala kahit na may politikal na kalayaan. Ang parirala’y pamagat din ng isang groovy na awiting nilikha ng anak ng anti-apartheid na mang-aawit na si Miriam Makeba, bilang parangal kay Machel at sa iba pang pwersang progresibo noon sa Africa. 

Must Read

[Sarì-Sámot] Kasaysayan ng Buwan ng Wika

[Sarì-Sámot] Kasaysayan ng Buwan ng Wika

Hanggang ngayon, ang pariralang “A luta continua!” ay ginagamit pa rin sa mga kontinente sa Third World sa orihinal nitong kontekstong anti-neokolonyal, lalo pa at gaya ng Pilipinas, maraming bahagi ng Africa ang tila palaruan pa rin ng mga imperyalista – ‘di lamang ng mga Amerikano at Europeo, kundi maging ng mga Tsino. Hindi nga ba’t ganito rin ang bansang Pilipinas? Pinagsasamantalahan araw-araw ng mga dayuhan at ng mga oligarkong kasapakat nila. Sila rin ang salarin sa pagpapataw ng English bilang pangunahing wika ng edukasyon sa bansa at pagpatay sa Filipino bilang wika ng lalong mataas na antas ng edukasyon. Kaya’t ‘di matatapos ang ating laban sa panunumbalik lamang ng Filipino bilang asignatura sa kolehiyo. Ganap na kalayaan ang hangad natin para sa bansang Pilipinas. 

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ngayong 2021, sa gitna ng pandemya na lalong naglantad at nagpalala sa dati nang krisis ekonomiko na araw-araw dinaranas ng mga ordinaryong Pilipino, ay lalong binibigyang-diin ng Tanggol Wika ang koneksyon ng adbokasing pangwika at ng mas malawak na adbokasi para sa mga mabuluhang repormang sosyo-ekonomiko. 

Dapat tiyakin na muling maibabalik ang mga espasyo para sa mga asignaturang humuhubog at nagpapalakas sa makabayang edukasyon – gaya ng Filipino, Panitikan, at Philippine Government & Constitution sa kolehiyo, at Kasaysayan ng Pilipinas (Philippine History) sa hayskul. Gaya ng pinatunayan ng karanasan natin ngayong pandemya, ang Filipino at Panitikan ay kapwa naging mabisang paraan sa paglalahad, pagpoproseso, pagpapaliwanag, at pagtitipon ng mga karanasan ng mga mamamayan – mula sa panawagang “ayuda” o tulong, na naging isa sa finalist sa Sawikaan: Kumperensya sa Salita ng Taon 2020, hanggang sa mga kwentong-buhay ng mga manggagagawa sa panahong ito na nailathala sa mga antolohiyang gaya ng Kwentong COVID/Kwentong Trabaho (inilathala ng Institute for Occupational Health and Safety Development/IOHSAD at inedit ni Teo Marasigan). Lalo namang lumalaki ang pangangailangan na ibalik din ang asignaturang Philippine History bilang pangontra sa fake news tungkol sa bakuna at diktadura. 

Karugtong ng lahat ng ito, sa dami ng kailangang isabalikat na pagbabago sa lipunan, kitang-kita rin ang pangangailangan para sa pagtuturo ng karapatang pantao, kalayaang sibil, at mga demokratikong prinsipyo bilang mahahalagang bahagi ng pagkamamamayan. Sa ganitong diwa, ang makabayang edukasyon ay hindi yaong nasyonalismong Barong Tagalog kung tawagin, kundi ang paghuhubog ng mga mamamayang may kakayahang makipag-usap sa kapwa, at ginagamit ang kanyang kaalaman at expertise para sa adhikasing maging mas maunlad, mas makatarungan, mas maunlad, mas demokratiko, at mas mapagkalinga ang ating bansa. Kaugnay nito, bahagi ng ating adbokasi ang pagpapalakas sa mga paaralang lumad at iba pang mga institusyon sa mga komunidad na nagpapanatili ng sariling wika, kultura, at tradisyon. Bilang pagkilala sa kontribusyon ng mga guro sa proseso ng makabayang edukasyon, nararapat lamang na itaas din ang sweldo nila kasabay ng paglalaan ng malaking badyet sa edukasyon (minimum na 6% ng GDP, alinsunod sa pamantayan ng UNESCO).

Must Read

[OPINYON] tHe B3St cOmMUn1c4ToR

[OPINYON] tHe B3St cOmMUn1c4ToR

Upang hindi maging palamuti lamang ang pagsusulong ng mga makabayang asignatura, dapat ding isakatuparan ang mga mas dinamikong ekspresyon ng nasyonalismo. Dapat tayong tumulong sa paglalantad at sa paghadlang sa mga bansa na direktang nanghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas at/o naghahangad na patuloy na pangibabawan ang ating bayan sa aspektong pangkultura, pampolitika, at pang-ekonomiya. 

Dapat din nating ipanawagan ang pagbabasura sa mga kasunduang militar, politikal, o ekonomiko na ang mga bansang makapangyarihan lamang ang pinapaboran at/o direktang yumuyurak sa ating soberenya. Sa halip na mga lider na palasuko at sunud-sunuran sa mga dayuhan, sukdulang dumating sa punto na nagagawa nilang pabayaang unti-unting agawin ang ilang isla at katubigan ng bansa habang nakikipagkasundo rin sa isa pang dayuhang kapangyarihan na mahigit isang siglo nang hindi lumilisan at patuloy sa pakikialam sa ating bayan. Nasaan na ang mga Claro M. Recto, Jose W. Diokno, at Lorenzo M. Tañada ng ating panahon para igiit na hindi dapat makialam at manghimasok ang Dragon at ang Agila sa Perlas ng Silanganan? 

Nasaan ang mga mamamayang “sa manlulupig” ay “di pasisiil” o tutupad sa pangakong ang “laya” ng bayan ay “babantayan” o “ipagsasanggalang?” Kaugnay nito, dapat nating tiyakin na ang sinisintang bansa ay magiging higit na kaibig-ibig sa pamamagitan  ng mga makabuluhang repormang sosyo-ekonomiko na magbibigay-inspirasyon sa mga mamamayan na lalong mahalin ang ating bayan. Saklaw nito ang mga adbokasing makatutulong sa pagpapataas ng kita at makapagpapabuti sa kabuhayan at pamumuhay ng mga Pilipino. 

Una sa listahan ng mga repormang sosyo-ekonomiko na dapat nating itaguyod ang 100% libreng serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng mga mamamayan. Sa ilalim ng Universal Health Care Act, libre na ang serbisyo para sa mga pinakamahihirap, pero paano naman ang low-income-but-not-poor at middle class sa klakipikasyon ng gobyerno, sa panahong nasa 12% ang average na bahagi ng COVID-19 hospital bill na kailangan mong bayaran mula sa sarili mong bulsa dahil limitado lang ang PhilHealth coverage, at sa mga emergency operation, aabot pa nga sa 69% ng bill ang kailangan mong bayaran gaya ng binayaran namin para sa operasyon ng isang kapamilya kamakailan. Para mapagaan ang pasanin ng masa at middle class, dapat ding pababain ang personal income tax rate ng mga mamamayan, sa sitwasyong ang mga mayayamang dambuhalang korporasyon ay nakikinabang na sa pagbaba ng corporate tax nila mula 30% tungong 25%

Must Read

[ANALYSIS] Bakunahan o ‘Hunger Games’?

[ANALYSIS] Bakunahan o ‘Hunger Games’?

Dapat ding tanggalin ang Value-Added Tax (VAT) sa pagkain, gamot, tubig, kuryente, at internet para madagdagan ang pera sa bulsa ng bawat Juan at Maria, sa gitna ng pinakamatinding krisis at pinakamahabang lockdown na dinaranas natin ngayon. Bilang permanenteng solusyon sa kagutuman, habang sinusuportahan natin ang mga community pantry ay dapat din nating palakasin ang lokal na agrikultura at lokal na prodyuser tungo sa pagresolba ng laganap na kagutuman. Taliwas ito sa polisiya ng gobyerno na malawakang importasyon ng bigas, baboy, at iba pa.

Ang mga repormang sosyo-ekonomiko ay maisasakatuparan lamang kung wala nang korapsyon, at kung nararamdaman na natin ang mabuting pamamahala. Sa panahong ayaw ilabas ng mga namumuno ang kani-kanilang updated na Statement of Assets and Liabilities/SALN, sa panahong kabi-kabila ang mga dambuhalang proyektong imprastraktura kasama na ang mga airport na di naman magagamit dahil nga pandemya, at sa panahong umabot na sa 11 trilyong piso ang utang ng bansa pero wala pa ring sapat na bakuna sa buong Pilipinas at mabagal pa rin ang bakunahan, malayong lakbayin pa ang ating kinakaharap.

Anu’t anuman, a luta continua! Tuloy ang laban! – Rappler.com

Si David Michael M. San Juan ay isang full professor sa Departamento ng Filipino ng De La Salle University-Manila, lead convener ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika) at ng Professionals for a Progressive Economy (PPE), at pangulo ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF).