sexual exploitation

[OPINYON | Youth] Ang boses ng pokpok

John Lorenz Santos
[OPINYON | Youth] Ang boses ng pokpok
'Ang pagsasawalang krimen sa trabahong tulad ng sex work ay makapagpapabawas ng mga peligro o anumang panganib sa sex workers'

Sa tala ng kasaysayan, ito na siguro ang panahon kung kailan pinakanakaranas ng paghihirap ang mga tao. Dala na rin ng pandemya, tumaas ang bilang ng mga nawalan ng trabaho at ang iba pa ay napipilitan na lamang na magtrabaho ng kung ano ang kaya at “accessible” para sa kanila.

Sa pagpapatupad ng lockdown, nagbabala ang ilang grupo na ito’y kaaya-aya at maaaring maging dahilan para ang mga aktibidad gaya ng “online sexual exploitation” ay lumaganap. Sa panahon ding ito ng pandemya, tumaas ang bilang ng mga naeengganyo at lumalahok sa mga “sugar daddy dating sites” at pagdami ng sex workers.

Sa bansa kung saan itinuturing pa rin na “taboo” topic ang sex work ay marami pa rin ang sarado ang isipan at may kani-kaniyang sariling opinyon patungkol sa usaping ito. Ito ay mali at hindi isang uri ng trabaho sa mata ng simbahan at hindi kinikilala ng batas, kaya’t walang proteksiyon ang sinumang sumasailalim sa gawaing tulad nito.

May mga bagay na pumipigil sa mga ganitong klase ng gawain kagaya na lamang ng batas na nag-iigting at ‘di sang-ayon sa sex work dito sa ating bansa. Halimbawa na ang Artikulo 202 ng Revised Penal Code, kung saan itinuturing na krimen ang mga gawain gaya ng pagbebenta ng aliw – mga kababaihan na para sa pera o tubo ay madalas na nakikipagtalik o gumagawa ng kahalayan, na itinuturing ng karamihan na “prostitute” o patutot sa Tagalog.

Itinuturing naman ng Magna Carta for Women na isang uri ng karahasan ang prostitusyon, kung saan dapat silang protektahan at sila ay nagsisilbing biktima ng ganitong klase ng aktibidad. Ang ligal na pag-igting na ito ang sumailalim sa kung paano tiningnan ang mga manggagawa sa sex sa lipunan ng Pilipinas: sila ay alinman sa masasamang kababaihan na may malaswang moral na sumisira sa mga pamilya o biktima na kailangang kaawaan at mailigtas.

Must Read

Ngunit kasalanan nga ba talaga ito? Ngayon pa at lalong naghirap ang buhay dahil sa pandemya ay lumobo ang bilang nila. Nagbigay ng opinyon at ikinuwento ng ilang prostitutes o patutot ang kanilang mga karanasan sa isang panayam ko sa kanila.

Una: si Ema (hindi niya tunay na pangalan). Sex worker sa dalawang konsehal, naisipan niyang pumasok sa ganitong klase ng gawain dahil sa problemang pinansiyal, at mga bagay na nais niyang bilhin sa kaniyang sarili na ayaw na niyang hingin pa sa kaniyang magulang – ayaw na raw niyang maging pabigat pa dahil mas mahirap ang buhay ngayon.

Ikalawa: si Pat (hindi niya tunay na pangalan). Kaibigan ni Ema at matagal na niyang kasama sa mga raket. Pinili niya ang ganitong gawain dahil sa hirap ng buhay ngayon – mas mabilis raw kasi ang kita rito. Kumikita siya ng P60,000, na malaking tulong kung tutuusin at napupunta sa kanilang mga bayarin sa bahay. Pareho sila ni Ema na nakaranas ng panggigipit sa isang costumer at hindi binayaran nang tama.

Ikatlo: si Bembem (hindi niya tunay na pangalan). Adik ang ama at ina. Pumasok siya sa ganitong gawain dahil sa kahirapan. Siya ang tumutustos sa pangangailangan nilang magkakapatid. Kumikita ng P10,000 kada-buwan. Nakaranas na raw siya ng diskriminasyon sa ibang tao sa paligid niya dahil hindi naman ligal ang kaniyang trabaho. Sumapit ding nakaranas siya ng pang-aabuso sa kamay ng isang customer. Isang buong araw daw siyang niyaya na makipagtalik kahit pa nais niyang huwag na itong ituloy – kung saan nabugbog ang kaniyang katawan. Hindi rin daw siya nababayaran nang tama.

Sa aking panayam, napagtanto ko na iisa lang sila ng dahilan kung bakit sila napunta sa gawaing ito – ang kahirapan. Mga aminadong “pokpok” ng lipunan. Trabahong itinataya ang katawan, dignidad naman ang puhunan. Pare-parehong biktima ng panlalamang at pang-aabuso ng ilan ngunit hindi makapag-sumbong sa awtoridad dahil maging ang trabahong kanilang pinagkakakitaan ay isang krimen. Aminado silang hindi ito tama sa mata ng karamihan ngunit naniniwala silang karapatan din nila ang maprotektahan ng batas.

Maraming mga tao sa ating bansa ang nalilito pa rin sa pinagkaiba ng “sex work” sa “prostitusyon,” kaya’t hindi nabibigyang importansiya ang kapakanan ng mga sex workers. Ang sex work ay isang trabaho sa sex kung saan sang-ayon ang may katawan sa kaniyang ginagawa. Kasalungat naman ito ng prostitusyon na may nangyayaring trafficking, exploitation, at sapilitang pagtratrabaho lalo na sa mga minor de-edad.

Maaaring sabihin ng ilan sa atin, “Bakit hindi na lamang humanap o bigyan ng trabahong marangal sa halip na ipasawalang krimen ang mga ganitong aktibidad?” Magandang suhestiyon – ngunit kung iisipin nati’y napakaliit ng tiyansa na pagtuonan ito ng pansin ng gobyerno. Kung ang mga nakapagtapos nga ng pag-aaral ay hirap makahanap ng matinong trabaho ngayong pandemya, papaano pa silang mga patutot na mahihirap at ‘di nakapag-aral?

Maraming Ema, Pat, at Bembem sa ating lipunan na piniling magtrabaho bilang isang sex worker dahil na rin sa hirap ng buhay, lalo na ngayong may pandemya. Mga nakaranas ng pang-aabuso sa kamay ng malulupit na customer ngunit piniling manahimik na lamang.

Must Read

Hantad ang mga sex workers sa mataas na lebel ng karahasan, pananakit, o pang-aabuso dahil kung tutuusin ay sa una pa lamang naman ay krimen na ang turing sa mga tabaho nila. Ang pagsasawalang krimen sa trabahong tulad ng sex work ay makapagpapabawas ng mga peligro o anumang panganib sa sex workers dahil kaalinsunod nito ang mga kasong kahaharapin ng sinumang mangangahas na mang-abuso sa karapatan nila.
Nararapat naman na magkaroon ng parehong ligal na proteksiyon ang mga sex workers na katulad ng sa ibang mga manggagawa. Dapat ay makapagtrabaho sila nang ligtas – ‘yong hindi sila mararahas o maaabuso ng kung sino man. Dapat ay mabigyan din sila ng lahat ng pangangalaga lalo na sa usapin ng kalusugan.

Maaari silang husgahan ng karamihan sa kung anong klase ng trabaho ang meron sila. Ngunit dapat din nating alamin na may kuwento sa likod ng bawat pagpapasya na pinili nila. Maaari natin silang ilabas sa pagkakakahon at nararanasan nilang diskriminasyon. Sila ay unang naging biktima ng kahirapan; huwag naman sana tayong pumayag o magsawalang-bahala na sila ay maging biktima rin ng karahasan – mga bagay na maaari nating iwasan. Hangga’t kaya at maaga ay atin na itong aksiyunan. Dapat sila ay maging benipisyaryo – hindi biktima ng batas.

Puwede tayong hindi sumang-ayon sa prostitusyon, trafficking, o exploitation habang ipinaglalaban ang karapatan ng mga sex workers.

Ang sex work ay iba sa prostitusyon. “Sex work is work.” – Rappler.com

Si John Lorenz Santos, 17, ay naging parte ng pahayagang “Ang Bunsamat.” Siya’y isang manunulat mula pa noong pagkabata, na ang nais ay maimulat ang mga kapuwa niyang kabataan gamit ang kaniyang mga akda. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.