inequality

[New School] Tugon ng mga naapi at nangulila

Juan Brix Tamayo
[New School] Tugon ng mga naapi at nangulila

Illustration by Guia Abogado

'Ang hindi matapos-tapos na tunggalian ng uri na patuloy lamang lumalala dahil sa pagtangkilik ng iilan, ay masasabing isa pang pandemyang kailangang lagpasan ng mga Filipino'

New School features opinion pieces by young writers, highlighting youth issues and perspectives.

“When is it okay not to be okay and when is it not okay to be not okay?”

Ito ang katanungan ng kilalang host sa telebisyon na si Boy Abunda nitong nagdaang patimpalak ng Binibining Pilipinas 2021, na gumawa ng ingay at naging usap-usapan ng mga Filipino, lalo na at higit sa social media.

Kung iisipin, sumikat ngayong panahon ng pandemya ang katagang, “It is okay not to be okay,” upang maging daan sa pagtanggap sa mga naging paghihirap ng mamamayan at bigyang pansin ang kahalagahan ng pagpapahinga sa patuloy na paglaban sa buhay. Sa dami ng kinakaharap na problema ng mga Filipino na nagbunga mula sa kalbaryo ng pandemya, ang sektor ng kalusugan ay marahil ang isa kung hindi ang pinaka-naapektuhan nito.

Hindi maitatanggi na ang pagpapakasakit ng mga mamamayan sa sektor na ito, lalo na ng mga kapos-palad, ay mas pinahirap pa ng hindi patas na tunggalian ng uri sa lipunan. Kung isasaalang-alang ang ganitong mga pangyayari, ang mga problemang pangkalusugan katulad ng hindi patas na karapatan sa pagpapagamot at lahat ng may kaugnayan dito, kailan masasabi na ang masamang kalagayang ito ay ayos lamang, at kailan ito hindi nararapat?

Nitong mga nagdaang buwan ng taong kasalukuyan, kaliwa’t kanang mga balita ang nagsiwalat sa problema ng bansa patungkol sa kakulangan ng mga silid-pagamutan na maaaring magamit para sa mga nagpositibo sa COVID-19. Matatandaan ang naging ulat ng GMA News noong Abril 1, 2021, patungkol sa naging kalbaryo ni Melchie Garcia kasama ang kanyang ama na nagpakita ng sintomas ng COVID- 19, makahanap lamang ng pagamutang tatanggap sa kanila. Sakay ng kanilang van ay nilibot ng mag-ama ang buong Metro Manila simula sa kanilang bayan ng Novaliches sa Quezon City, hanggang sa mga karatig probinsya ng Bulacan at Pampanga, mabigyan lamang ng karampatang atensyon ang sakit na nadarama. Makalipas ang 11 beses na pagtanggi ng mga ospital, nakakita ng pag-asa si Melchie nang tanggapin sila ng isang pagamutan sa lungsod ng Valenzuela. Kasunod ng patuloy na paglobo ng kaso ng mga nahahawa ng virus ay ang panawagan ng sektor ng kalusugan sa kanilang pag-inda sa hindi sapat na bilang ng mga pagamutang handang tugunan ang pangangailangan ng bansa ngayong pandemya.

Must Read

[OPINION] Stop the inequality virus!

[OPINION] Stop the inequality virus!

Ang nakapanlulumong pangyayari na dinanas ng mag-amang Garcia ay isang halimbawa pa lamang sa ilan pang mahihirap at may kayang mamamayan na nagdurusa sa katulad na kalagayan. Ayon sa ulat ni Tomacruz (2021) sa pahayagan ng Rappler, kasama ang kanyang pakikipagpanayam sa Philippine College of Emergency Medicine (PCEM), noong Abril 12, 2021, tumatayang 310 na mga mamamayang nagpositibo sa virus sa Metro Manila ang kinakailangang maghintay ng ilang araw sa mga ospital upang magkaroon ng sapat na mahihigaan. Ang paghihirap na nadama ng mga pasyenteng ito dahil sa epekto ng virus ay nadagdagan pa dahil sa kanilang pagtitiis makapagpahinga lamang ng maayos, at makamtam ang karapatan sa atensyong medikal. 

Ngunit sa kabila ng mga balitang ito, kapansin-pansin pa rin ang hindi patas na tunggalian sa pagitan ng uri nang maiulat ang mabilis na paghatid sa ospital sa dating pangulong Joseph Estrada. Ayon sa ulat ni Gonzales (2021) sa pahayagang Inquirer, isinugod si dating pangulong Estrada ng kanyang mga anak noong Marso 29, 2021 nang makaramdam ng panghihina ng katawan at kinalaunan ay nagpositibo sa COVID-19.

Hindi tulad ng kaso ng ama ni Melchie na kinailangan pang suyurin ang buong Metro Manila makapasok lamang sa ospital, ang dating pangulo ay agarang natignan ng mga doktor at nabigyan ng karampatang tugon sa kanyang iniinda. Kumpara sa 310 na pasyenteng nagtiis na maghintay sa mga pagamutan magkaroon lamang ng maayos na mahihigaan, ang matandang Estrada ay nagpagaling sa kanyang pribadong silid na mayroong malambot na kama at kumpletong kagamitang medikal kung sakaling kailanganin ang mga ito.

Ang agarang aksyon ay natamasa ng makapangyarihang pamilya katulad ng mga Estrada sa kanilang pangangailangan pangkalusugan. Samantala, ang nakalulungkot na kalagayang pinagdaanan ng mga marhinalisadong mamamayan katulad nina Melchie at iba pang nasabing pasyente ay isang malinaw na pagsalamin sa umiiral na hindi patas na tunggalian sa pagitan ng mga uri sa lipunan. 

Sa pangkalahatan, kung ang karanasan ng kilalang dating pangulong Estrada sa naging aksiyon sa kanyang kalusugan na narinig ng buong bansa ay isa nang patunay ng katiwalian sa lipunan, paano pa kaya yaong mga hindi naiulat na mga mayayamang personalidad na ginamit din ang kanilang pera at impluwensiya makamit lamang ng mas mabilis at mas mabisa ang kanilang pangangailangan?

Sa kabila ng lahat ng kalbaryong kinakaharap ng mga nasa mas mababang antas ng lipunan, lalo na sa usaping medikal, pilit pa rin itong pinatitindi ng hindi pantay na pagtrato sa kanilang mga karapatan. Ang hindi matapos-tapos na tunggalian ng uri na patuloy lamang lumalala dahil sa pagtangkilik ng iilan, ay masasabing isa pang pandemyang kailangang lagpasan ng mga Filipino. Kaya kung ang mga naapi at nangulila ang tutugon, ayos lamang na maranasan ang hindi maayos na kalagayan kung ito ay bunga ng patas at pantay na pagtingin sa karapatan ng bawat isa, na hindi alintana ang uri at estado sa lipunan. Sa kabilang banda, mananatili itong hindi nararapat kung ang sitwasyon ay produkto ng walang-patid na pagmamalabis at pang-aabuso ng mga taong pilit kumakapit sa kapangyarihan at yaman. – Rappler.com

Si Juan Brix V. Tamayo ay isang mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela sa ilalim ng programang Bachelor of Secondary Education.

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com.