Philippine economy

[ANALYSIS] Mandanas Ruling: Ginhawa o sakit sa ulo?

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Mandanas Ruling: Ginhawa o sakit sa ulo?

Raffy de Guzman

’Di sapat na tapunan mo ng pera ang gobyerno at asahang gaganda na ang mga programa at serbisyo nito

May malaking isyu ngayong 2022 na hindi masyadong pinapansin ngayong paparating na eleksiyon, ngunit maaapektuhan ang lahat ng Pilipino.

Ito ay ang Mandanas Ruling ng Korte Suprema noong 2018, na ipatutupad simula ngayong 2022. (Basahin dito ang buong desisyon.) 

Hinggil saan ito?

Flashback muna tayo sa taong 1991, kung kailan ipinasa ng Kongreso ang Local Government Code (LGC) alinsunod sa hangaring bigyan ng mas malaking kapangyarihan at awtonomiya ang local government units o LGUs. 

Mula sa pangatlong taon ng pagpasa ng LGC, taon-taon ay dapat may hating 40% ang LGUs mula sa mga buwis na kinikita ng national government (o “national internal revenue”). Ang tawag sa hating ito ay Internal Revenue Allotment o IRA.

Ngunit noong 2012, iginiit ng grupo ni dating congressman Hermilando Mandanas ng Batangas (ngayon ay gobernador na ng lalawigang iyon) na ang “just share” o nararapat na hati ng LGUs ay dapat manggaling sa lahat ng mga buwis na kinokolekta ng national government – at hindi lamang ang “internal revenue” na kinokolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR). 

Halimbawa, dapat daw ay kasali ang mga buwis sa imported goods (customs duties), excise taxes, value added taxes (VAT), at documentary stamp taxes na nakokolekta ng Bureau of Customs.

Dahil dito, ayon kina Mandanas, kulang daw ang IRA na natanggap ng LGUs mula 1992 hanggang 2012, at dapat daw bayaran ng national government ang pagkakautang nito sa LGUs na nagkakahalagang halos P500 bilyon.

Noong 2018, kinatigan ng Korte Suprema sina Mandanas: dapat nga ay lahat ng klaseng buwis na nakokolekta ng national government (’di lang ang buwis na nakokolekta ng BIR) ang pagkukunan ng IRA. (Pero ’di naman daw kailangang bayaran ng national government ang “utang” nito mula 1991 hanggang 2012.) 

Dahil sa desisyong ito, pumalakpak ang tainga ng LGU leaders: dambuhalang pera kasi ang matatanggap nila sa hinaharap.

Ngayong 2022 nga, ang IRA ng LGUs ay umabot na sa P1.083 trilyon: ito’y lagpas 21% ng kabuuang budget ng gobyerno, at P387.51 bilyon (55.7%) na mas mataas kumpara sa P695.49 bilyon na kabuuang IRA noong 2021.

Pros and cons

Bagama’t 2018 pa ang Mandanas Ruling, ngayong 2022 pa lang sisimulan ang implementasyon nito dahil sa dambuhalang paghahanda na kailangan para maipatupad ito nang mabuti at maayos.

Sa isang banda, maganda ang intensiyon ng Mandanas Ruling, at malaki ang oportunidad na mapabuti nito ang buhay ng mga Pilipino sa buong bansa. 

Dahil sa mas malaking perang mapupunta sa ating LGUs, mas may pondo na ang mga gobernador, mayor, at barangay chairman na magpatupad ng mga programa at proyektong mas lapat sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

Higit na importante ito ngayong pandemya: mas magkakaroon na ng leg room ang LGUs na palakasin ang kani-kanilang COVID-19 response pagdating sa testing, contact tracing, treatment, vaccination, atbp.

Ngunit maaari ring masayang at makurakot ang malaking bahagi ng pera mula sa Mandanas Ruling, kung hindi maganda ang implementasyon nito.

Una sa lahat, bagama’t ibababa na ang mas malaking kaperahan sa LGUs, ’di pa rin naibababa nang husto ang maraming responsibilidad ng national government. Samakatuwid, hindi pa klarong-klaro ang hatian ng trabaho ng LGUs at national government. 

Noong Hunyo 2021, nag-issue si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order kung saan inutos niyang hindi dapat lumagpas sa 2024 ang tuluyang pagbaba ng “functions, services, and facilities” ng national government sa LGUs. 

Ngunit importanteng maging maayos ang koordinasyon ng national government agencies at ng LGUs. Kung hindi, baka kung saan-saan gamitin ng ilang LGUs ang pera, taliwas sa mga layunin ng national government. Baka magpatong-patong o magdoble-doble rin ang efforts ng national at local governments. 

Pangalawa, hindi lahat (in fact marahil kaunti lang) ng LGUs ang handa para gumastos ng mas malalaking budget.

Isa sa matitinding sakit ng ating gobyerno (sa nasyonal at lokal) ay ang kawalan ng tinatawag na “absorptive capacity” o kakayahang gastusin ang resources nito. Ito’y maaaring dahil sa kawalan ng staff o mga eksperto sa loob ng ahensiya na kayang magpatupad ng magagandang proyekto at programa.

Mag-imagine ng isponghang basang-basa na, at hindi na kayang mag-absorb ng tubig kahit anong buhos mo. Sa halip na ma-absorb, nasasayang lang ang tubig. 

Halimbawa ng problemang ito ay ang mga ahensiya ng gobyerno na nagpapatupad ng Build, Build, Build program ni Duterte. Bagama’t lumaki ang budget sa mga proyektong pang-imprastraktura sa nakalipas na mga taon, malaking porsiyento ng mga budget ng DPWH at DOTr ang hindi nila nagagastos

Samantala, laganap din ang “underspending” na ito ngayong pandemya. Lumitaw sa ilang Senate hearing na ang Department of Health mismo ay hindi makagastos ng perang ibinuhos dito para sa pandemic response. Tuloy, walang gana ang ilang mambabatas na taasan ang pondo para rito.

In other words, ’di sapat na tapunan mo ng pera ang gobyerno at asahang gaganda na ang mga programa at serbisyo nito. 

Kaya naman natatakot ang ilang ekonomista na – kung hindi handa ang maraming LGUs at kung hindi palalakasin ang kanilang kapasidad – maaaring masayang lang ang bulto-bultong perang makukuha nila dala ng Mandanas Ruling.

Pangatlo, ayon sa isang report ng World Bank noong 2021, lalaki ang kabuuang gastos ng LGUs ngunit mananatiling maliit ang kinikita nilang buwis at iba pang revenues mula sa kanilang nasasakupan. 

Kaya naman imbes na gawing mas independent ang LGUs pagdating sa kaperahan nila, malamang ay mas magiging dependent pa sila sa kanilang IRA dahil sa Mandanas Ruling. Parang salungat iyon sa layuning gawing mas independent ang LGUs.

Pang-apat, kailangang siguruhing may transparency at accountability ang LGUs sa paggastos ng malalaking pondo nila. At kailangan din nilang magsagawa ng mga pag-aaral upang malaman kung gaano ka-effective ang mga programa at proyektong paglalaanan ng pera. 

Hindi puwedeng gastos lang nang gastos; kailangan may mabuting pruwebang bumubuti ang buhay ng kanilang mga nasasakupan.

Pananaw ng presidential bets

Inendorso ni Batangas Governor Mandanas ang Marcos Jr.-Duterte tandem para sa Eleksyon 2022. Pero sa katunayan, isa si Marcos Jr. sa mga pinakatahimik pagdating sa plano niya ukol sa pagpapatupad ng Mandanas Ruling. (Mayroon ba?)

Sa kabilang banda, may kuro-kuro na ang ibang presidential bets.

Ani Isko Moreno, nakakuha ang Maynila ng certification mula sa Department of Budget and Management na bilyones ang matatanggap nila dahil sa Mandanas Ruling. At ngayong pandemya, ginamit ni Moreno ang certification na iyon upang makautang mula sa Development Bank of the Philippines at Land Bank of the Philippines para sa pagpapatayo ng housing projects, mga eskuwelahan, ospital, atbp. 

Kung papalarin, gagamitin daw ni Moreno ang Mandanas Ruling upang pasiglahin ang ekonomiya ng bansa, tulad ng ginawa niya sa Maynila.

Nakita rin ni VP Leni ang potensiyal ng Mandanas Ruling, at sinabing dapat direktang pakinggan ng LGU leaders ang kanilang mga nasasakupan hinggil sa paggastos ng karagdagang budget. 

Ani VP Leni, “Advocate ako ng people’s councils kasi ang pakiramdam ko kailangan nagproprovide tayo ng espasyo, nagproprovide tayo ng spaces for people to directly participate in governance, and etong Mandanas ruling is a very good opportunity for that.”

Napakarami pang gusot na kailangang maplantsa upang maging maayos ang implementasyon ng Mandanas Ruling. Ngayon pa lang, importanteng malaman na natin ang mga plano ng mga tumatakbo sa pagkapangulo.

Pero paano malalaman ang plano ng iba riyan kung panay ang iwas nila (niya) sa mga presidential interview at forum? – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.