distance learning

[OPINYON] Sasagot sa module

Joselito D. De Los Reyes

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Sasagot sa module
'Sagot dapat nila ang module na sinasagutan ng ating mga anak. Pananagutan ito ng kanilang mga pangalan, titulo, posisyon, at sweldo. Lalo na ang sweldo kasi galing ito sa buwis natin. Kailangang magkaroon ng pananagutan. Kailangang may managot.'

Sa mga sandaling ito, siguro tatatlong beses mo nang nakasalamuha ang mga maling nilalaman ng module para sa mag-aaral buhat sa Department of Education o DepEd. Natawa ka rin siguro sa simula. Tapos nainis. Then nagalit na. Lalo kung may anak ka ring nag-aaral ngayon na nasa harap ng monitor o kaya ay halos tabunan na ng tala-talaksang papel na kung tawagin ay module. Kaya nai-share mo ang larawang natalisod mo sa newsfeed kasama ang caption kung gaano kapalpak ang sistema ng edukasyon ngayon.

Ano ba naman kasi ang tunog ng twin-jet engine na eroplano? Anong onomatopeia ang itutumbas? Eh ‘yung video sa math na may equation na divided by zero? Iyong itinatanong ang kulay ng kahon samantalang grayscale ang pagkaka-print sa module? Marami ring mga wrong grammar sa science. Partida, iilang araw pa lang ang klase. Paano pa kung sumapit ang isang buwan, isang quarter, o semestre? Baka mamanhid na tayo sa dagsa ng kamaliang ito.

Ilang magulang na ba ang nagreklamo sa akin sa Facebook (akala yata sumbungan ako ng bayan), na kesyo pagod daw ang mga bata sa sitwasyong ito, pagod lalo ang mga magulang na galing sa trabaho pero kailangan pang umalalay sa kanilang mga anak upang malinawan, kung hindi man matulungan, o gaya ng viral na namang larawan, sagutan mismo ang module na para sa kanilang mga anak. Pero hindi, siyempre gusto lang maturuan ang kanilang anak talaga, kaya dapat malinawan muna kahit pa sila man ay nalalabuan sa binabasang lesson sa module.

Hindi ako magmamalinis; ako man ay nalilito sa lesson ng anak kong grade 4 sa tuwing lalapit siya sa akin para humingi ng tulong. Pero hindi pagkalito dulot ng maling lesson sa module na kinuha at isasauli ko sa kanilang pampublikong paaralan pagkatapos ng isang linggo. Nalilito ako dahil kailangan kong halughugin sa gunita at guniguni ko ang leksyon sa musika, sa Filipino, at sa mathematics. Kasabay ng anak ko, lalo kung wala rin lang akong turo sa aking online classroom, pinag-aaralan kong muli ang leksyon sa akin noon ni Miss Pascual, Miss Salazar, at Mrs Policarpio noong paslit pa lamang ako sa Coloong Elementary School sa Valenzuela. Lalapit ang anak ko bago sumagot, ipinapa-validate sa akin kung tama ang gagawin niyang pagtutuos.

Wala tayong mapaghuhugutan ng karanasan sa mga nangyayaring ito. Katangi-tangi ang sitwasyon natin lalo kung ihahambing sa ibang bansang may bahid na ng pag-asa kahit wala pa ang mistipikadong vaccine. Malayo pa tayo lalo’t pasok na tayo sa Magic 20 ng mga bansang may pinakamarami at patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso. Pero, okay lang, aprubado at mukhang nasisiyahan naman ang 92% ng sampling ng mamamayan sa mga nangyayaring ito

Pero hindi maiaalis ang pangamba sa nangyayari sa sektor na kinalakihan ko at pinagmumulan ng aking kabuhayan. Kasi naman, at dapat itong maisip ng maraming magulang na nakatunghay sa social media na prone sa pang-aabuso ang pag-post ng mga kamalian sa module ng DepEd. 

Madaling gumawa nito kung ang habol lang ay instant gratification at pagpaparami ng follower. Type type lang, drowing drowing lang, print, tapos pipiktyuran, then upload. Tapos magva-viral. Kaya pansinin ninyo, ang mga kumakalat (o nagpapakalat sa newsfeed) ay mga fan pages at bihira ang personal na account. 

Totoo namang may nakakatawa at may nakakainis. May mabubuwisit dahil nakakabuwisit. Natural na reaksyon lalo na ng mga magulang na iniaasa noon nang lubos sa kagawaran at sa mga guro ang pagkatuto ng anak. Na nabigla ngayon dahil wala nang face-to-face class. 

May totoo din naman kasing mali. Kaya nga natural na mababawasan ang kompiyansa sa ahensya dahil kaliwa’t kanan ang makikita mong kamalian sa module na kabaligtaran ng pronouncement na handang-handa na ang ahensya kaya tagumpay ang pagbubukas ng klase kamakailan. Maiisip tuloy, ano ba naman ito’t parang hindi pinag-isipan ang module, parang walang quality control, walang nag-edit ni nag-proofread. Uulanin talaga ng pintas. Medyo nakakabahala naman kasi, iaasa mo nga naman ba sa isang ahensyang puro kamalian ang paghasa ng katalinuhan ng anak mo? Pero may iba pa bang ahensiyang malalapitan para matuto ang anak natin? Ombudsman? Solicitor General? PCOO? Kay Roque o Cayetano?

Tamang punahin. Lalong tamang maging mapanuri. Pero pagkatapos ng pintas, isipin natin, kanino pa ba natin iaasa ang pagkatuto ng ating mga anak? 

Tulungan nating mapabuti ang ahensya. Pagkatapos ng unang bugso ng tawa, pintas, galit, maging constructive.

Ganito. Kapag may nakita kayo mismo sa module ng inyong anak, o may makita kayong kumakalat sa social media na may mali, usually isang pahina lang naman ang makikita, hanapin din sa nag-share ang cover o back cover ng module para malaman kung pang-anong grade level o kung saang rehiyon/dibisyon ito nagmula. Pwede ring piktyuran ninyo ang mga pangalan ng mga opisyal na nag-apruba kung mayroon. Usually, nasa antas ng superintendent o regional director ito. Kung wala, hanapin sa website ng DepEd. Pangalanan.

Pangalanan. Walang nakakahiya dito. Sagot dapat nila ang module na sinasagutan ng ating mga anak. Pananagutan ito ng kanilang mga pangalan, titulo, posisyon, at sweldo. Lalo na ang sweldo kasi galing ito sa buwis natin. Kailangang magkaroon ng pananagutan. Kailangang may managot. Pananagutan na bihira na sa pamahalaan. Para sa susunod, anumang ilalabas nila ay pulido kung ayaw nilang matawag na utak-dolomite. Unless karangalan na sa kanila ang matawag na utak-dolomite. Yayks.

Huwag po ninyong ibunton ang galit sa mga guro. Marami sila, marami kaming may mga bagong pasang-krus ngayong nakababahalang panahon. Hindi pa rin kami nakapag-a-adjust gaya ng marami sa inyo. – Rappler.com

Nagtuturo ng seminar in new media, pop culture, research, at creative writing sa Faculty of Arts and Letters, College of Education, at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, Ph.D. Siya rin ang program coordinator ng BA Creative Writing program ng nasabing unibersidad. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!