Philippine languages

Mga tanong at sagot: Bakit ‘Filipinas’?

Virgilio S. Almario

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Mga tanong at sagot: Bakit ‘Filipinas’?
Ano ang dapat na ispeling ng pangalan ng bansa? Sinasagot dito ni Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining, ang ilan sa malimit na mga tanong sa debateng ito.

Ilang araw bago magsimula ang Agosto, na Buwan ng Wikang Pambansa sa Filipinas, inihayag ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), sa pamamagitan ng bagong tagapangulong si Arthur Casanova, na napagkasunduan ng lahat ng opisyal ng ahensiya na gamitin ang baybay na Pilipinas para sa pangalan ng bansa at Pilipino para sa mga mamamayan nito. Itinuro nila ang salin sa Tagalog ng Saligang Batas, na ganito binabaybay ang dalawang salita. 

Binabaligtad ng polisiyang ito ang resolusyong pinagkaisahan ng pamunuan ng KWF noong 2013 na gamitin ang ispeling na Filipinas at Filipino. Sinabi noon ng tagapangulong si Virgilio S. Almario na ayon ito sa orihinal na pangalan ng bansa na Filipinas. Aniya, ipinapakita rin ng naturang ispeling na isinasama nila ang iba pang wika sa bansa sa isinusulong nilang pagpapaunlad ng pambansang wika – gamit sa dalawang salitang ito ang letrang F, na matatagpuan sa maraming wika sa Filipinas ngunit hindi bahagi ng lumang abakadang nakabatay sa Tagalog. 

Sinasagot dito ni Almario, Pambansang Alagad ng Sining, ang ilan sa malimit na mga tanong sa debateng ito. Isinulat ang tanong-sagot na ito noong 2013. – Editor   

Bakit dapat ibalik ang ‘Filipinas’?

May tatlong katwiran sa likod ng Kapasiyahan ng Kalupunan ng mga Komisyoner Blg. 13-19 (12 Abril 2013) ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Una, kasaysayan.

Tatlo ngayon ang naging anyo ng pangalan ng ating bansa.

  • “Filipinas,” ang pangalang ibinigay ni Villalobos noong 1548 at opisyal na ginamit ni Legazpi nang itatag niya ang kolonyang Espanyol simulang 1565, patuloy na ginamit sa loob ng 300 taon hanggang sa panahon nina Rizal at Bonifacio, at ginamit na pangalan ng Unang Republika sa Asia – ang “Republica Filipinas” na itinatag sa Malolos noong 1898.
  • “Philippines,” ang pangalang ginamit ng mga Amerikano mulang pagpasok sa ating bansa noong 1898, opisyal na ginamit sa Konstitusyong 1936 at hanggang sa kasalukuyang Konstitusyong 1987.
  • “Pilipinas,” na sinimulang gamitin nang palaganapin ang abakada na walang titik F noong bandang 1941, at patuloy na ginagamit bilang pansalin sa “Filipinas” at “Philippines” sa mga nakasulat na akda at dokumento sa wikang Pilipino (ang naging tawag noong 1959 sa wikang pambansa na gumagamit ng abakada).

Ikalawa, pagbabagong pangwika. Sa Konstitusyong 1973, isinaad na “Filipino” sa halip na “Pilipino” ang dapat itawag sa wikang pambansa. Isinaad muli ito sa Konstitusyong 1987, kasabay ng panukalang modernisasyon at pagpapayaman sa wikang pambansa sa pamamagitan ng mga wikang katutubo. Unang hakbang sa pagbabagong pangwika ang pagtatakwil sa abakada at pagpapalaganap ng alpabeto na may dagdag na mga titik C, F, J, Q, V, X, Z. Ngayong may titik F na at tinatawag na Filipino ang wikang pambansa, hindi ba nararapat lamang na ibalik ang “Filipinas” at unti-unting pigilan ang paggamit ng “Pilipinas”?

Ikatlo, upang maging konsistent ito sa pinalalaganap na paraan ng paggamit sa walong dagdag na mga titik sa Ortograpiyang Pambansa ng KWF. Ito ang unang komprehensibong pagsuri sa bagong alpabeto at dapat basahing mabuti ng mga gumagamit ng wikang Filipino at ibang wikang katutubo. Ang kaso ng “Filipinas” ay isang aplikasyon sa paggamit ng titik F sa mga hiram na pangngalang pantangi (proper nouns). Sabi sa Tuntunin 4.6 ng naturang dokumento:

Panghihiram Gamit ang 8 Bagong Titik. Sa kasalukuyan, sa gayon, ang lahat ng walong dagdag na titik sa alpabeto ay ginagamit sa tatlong pagkakataon ng panghihiram mula sa mga wikang banyaga. Una, sa mga pangngalang pantangi na hiram sa wikang banyaga, halimbawa, Charles, Ceferino, Catherine, Colorado, Fidel, Feliza, San Fernando, Filipinas, Jason, Jennifer, St. Joseph, Jupiter, Beijing, Niñez, Montaño, Santo Niño, Enrique, Quiroga, Quirino, Vicente, Vladimir, Nueva Vizcaya, Vancouver, Xerxes, Maximo, Mexico, Zenaida, Zion, Zobel, Zanzebar. Ikalawa, sa mga katawagang siyentipiko at teknikal, halimbawa, “carbon dioxide,” “Albizia falcataria,” “jus sanguinis,” “quorum,” “quo warranto,” “valence,” “x-axis,” “oxygen,” “zeitgeist,” “zero,” “zygote.” Ikatlo, sa mga salita na mahirap dagliang ireispel, halimbawa, cauliflower, flores de mayo, jaywalking, queen, quiz, mix, pizza, zebra.

Kung ganoon, dapat bang ibalik sa F ang mga salitang hiram sa Espanyol at may F at nireispel nang P?

Maliwanag na ipinagbabawal nga ito sa Tuntunin 4.2 ng Ortograpiyang Pambansa o OP at itinuturing na isang aksaya ng panahon. Sa halip, ipinagagamit lamang ang mga bagong titik na gaya ng F sa mga salita mula sa mga wikang katutubo na may ganitong tunog at sa mga bagong hiram na salitang banyaga, gaya ng “fosil” mulang Espanyol o “fern” mulang Ingles, o salitang siyentipiko at teknikal na gaya ng “formaldehyde.”

Kailangan din bang baybaying ‘Filipinas’ ang mga institusyon at organisasyong nakabaybay ngayon sa ‘Pilipinas’?

Hindi kailangan. Nakasaad sa ikatlong talata ng Kapasiyahan Blg. 13-19 ng KWF na hindi sapilitan ang pagpapalit para sa mga institusyon at kapisanang may “Pilipinas” sa pangalan. Bagaman hihimukin ang mga itong magpalit, kalayaan ng mga ito na panatilihin ang kasalukuyang pangalan at magiging bahagi ng kasaysayan ng wika sa panahong abakada ang ginagamit. Ang pagtupad sa kapasiyahan ng KWF ay inaasahan sa pagpapangalan ng mga bagong samahan sa hinaharap.

Dapat bang gawing ‘Unibersidad ng Filipinas’ ang ‘Unibersidad ng Pilipinas’?

Tulad ng sagot sa naunang tanong, hindi dapat baguhin ang pangalan ng “Unibersidad ng Pilipinas.” Depende sa magiging pasiya ng mga taga-UP. Hindi rin apektado ng resolusyon ang inisyals na “UP” dahil Ingles ito at hango sa pangalang Ingles na “University of the Philippines.” Kaya “yU Pi” ang bigkas sa inisyals. Kung sa Pilipino ito, dapat na “U Pa” ang bigkas.

Dapat bang gawing ‘Finas’ ang ‘Pinas’ at ‘Finoy’ ang ‘Pinoy’?

Hindi kailangan. Ang “Pinas” ay mula sa ikatlo at ikapat na pantig ng “FiliPINAS” at hango lamang sa “Pinas” ang “Pinoy.” Kaya hindi ito apektado ng panukalang ibalik sa “Filipinas” ang “Pilipinas.”

Hindi ba magastos ang proyektong ito para sa isang naghihirap na bansa?

Tulad ng nakalagay sa kapasiyahan ng KWF, ang pagbabago ay isasagawa nang untiunti. Halimbawa, ang mga letterhead, aklat, at iba pang dokumento na may “Pilipinas” ay magkakaroon lamang ng pagbabago kapag nangailangan ng bagong edisyon at muling paglilimbag. Ang salapi ng ating bansa ay malalagyan lamang ng “Filipinas” kapag nag-isyu ang Bangko Sentral ng bagong salapi. Marahil ang unang-unang magiging gastos dito ay ang Sagisag ng Pangulo at hindi ito mangangahulugan ng mahigit P100,000.

Bakit nakikialam ang KWF sa ispeling ng pangalan ng bansa?

Bahagi ito ng mandato o tungkulin ng KWF alinsunod sa Batas Republika Blg. 7104 bilang pagsunod sa tadhana ng Konstitusyong 1987 na:

“Dapat magbuo ang Kongreso ng isang Komisyon sa Wikang Pambansa na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, mag-uugnay, at magtataguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at pagpapanatili sa Filipino at iba pang mga wika.”

Sang-ayon sa RA 7104, tungkulin ng KWF na lumikha ng mga patakaran at programa para mapalaganap at mapayaman ang Filipino, gayundin ng mga kaukulang tuntunin upang itaguyod ang mga patakaran at programan nito. Ang kaso ng “Filipinas” ay bahagi ng pangkalahatang repormasyon sa paggamit ng Filipino na nakapaloob sa Ortograpiyang Pambansa. Dagdag pa, ang kasong ito ay isa lamang sa mga problemang dapat pang harapin kaugnay ng pagbuo sa Atlas Filipinas—na isang kailangang diksiyonaryo sa heograpiya at kailangan ding gawin agad upang maisaayos ang mga ispeling ng mga pook, bayan, probinsiya, at rehiyon sa buong kapuluan.

Hindi ba’t simbolo ng diwang kolonyal ang ‘Filipinas’?

Maaaring totoo dahil hango ito sa pangalan ng naging Haring Felipe ng Espanya. Ngunit simbolo din ito sa naganap na pagbigkis sa mga barangay, tribu, at isla ng ating kapuluan. Bago ang “Filipinas,” watak-watak ang mga tinawag ni Legazpi na Indios. Sinakop nga niya tayo ngunit binigyan din niya tayo ng isa at unang bigkis pambansa.

Samantala, mahirap namang tawaging isang nasyonalistang pangyayari ang pagtawag sa ating bansa na “Pilipinas.” Naganap lamang ito dahil sa abakada. Nagbago ba ang kahulugan ng “Filipinas” dahil ginawang P ang F? Gaya ng pangyayaring, nagbago ba ang kahulugan ng Espanyol na forma dahil binaybay itong porma? Ang totoo, ang “Pilipino” — ang pangalan ng wikang katapat ng “Pilipinas” — ay itinakwil noong 1970s dahil tulad ng abakada ay may alaala itong Tagalog. Pinalitan ang “Pilipino” ng “Filipino” upang maging sagisag ang huli ng makabagong mithiing makabansa.

Ang alpabetong may walong dagdag na titik ng “Filipino” ay simbolo ng adhikang ilahok ang mga wikang katutubo ng bansa na hindi nabibigyan ng karampatang partisipasyon sa abakada ng “Pilipino” ng bansang “Pilipinas.” Higit na nagmumula sa gayong adhika ng “Filipino” ang panukala ng KWF na ibalik ang baybay na “Filipinas.”

Bakit hindi umisip ang KWF ng bagong pangalan ng bansa?

Bakit nga hindi? Ngunit hindi po ito tungkulin ng KWF at labas sa saklaw ng Ortograpiyang Pambansa. Mangangailangan ito ng ibang makabuluhang katwiran, na maaaring higit na makabayan, ngunit tiyak na mangangailangan din ng aksiyon ng Kongreso at ng Pangulo ng Filipinas. Susunod ang KWF kapag may nagwaging mungkahing bagong pangalan para sa ating Filipinas.

Rappler.com

Ang Pambansang Alagad ng Sining na sa Virgilio S. Almario ay dating tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Basahin ang mga kaugnay na artikulo:

Must Read

FAQs: Why spell it as ‘Filipinas’?

FAQs: Why spell it as ‘Filipinas’?

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!