Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Si Bongbong Marcos ang nagpanukala ng national ID system bill

Rappler
HINDI TOTOO: Si Bongbong Marcos ang nagpanukala ng national ID system bill
Si Senador Panfilo Lacson ang sumulat at nagpanukala ng Senate Bill 1783 noong 2018, na naging batas para simulan national identification system ng bansa
Buod
  • Ang sabi-sabi: Isang post na kumakalat sa TikTok ang nagsasabing si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. daw ang gumawa ng batas para sa National ID system.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Si Senador Panfilo Lacson ang pangunahing may-akda ng Senate Bill 1738, na naging Republic Act 11055 o Philippine Identification System Act. Ang ipinakitang video clip ay mula sa isang vlog ni Marcos kung saan tinalakay niya ang national ID system, ngunit wala siyang sinabi na siya ang may akda ng nasabing batas.
  • Bakit kailangan i-fact-check: Mabilis na ikinalat ng iba’t ibang TikTok users at Facebook pages ang sabi-sabing ito. Nang isulat ang fact check, mayroon na itong mahigit 68,600 reaksiyon at 2,468 komento sa TikTok.
Mga detalye

Isang post noong Oktubre 10 mula sa isang TikTok user na si “@rexur109” ang nagsasabing si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. daw ang gumawa ng batas para sa national ID system ng bansa. 

Bagamat hindi nakalagay sa pamagat ng post ang sabi-sabi, makikita sa kabuuan ng bidyo ang linyang “C BBM pala gumawa ng batas na National ID.”

Mabilis na ikinalat ng iba’t-ibang TikTok users ang nasabing bidyo, na mabilis rin na-reupload sa Facebook kung saan ito ay ipinakalat ng mga tagasuporta ni Marcos. 

Ipinadala sa email ng Rappler ang nasabing video para i-fact-check. Nang isulat ang fact-check na ito, mayroon na itong mahigit 68,600 reaksiyon at 2,468 komento sa TikTok.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Ang Republic Act 11055 o Philippine Identification System Act ay nagmula sa Senate Bill 1738, na isinulat at ipinanukala ni Senador Panfilo Lacson noong 2018.

Ang nasabing batas ay naglalayong gumawa ng isang sistema ng pagkakakilanlan na maaaring gamitin ng mga Filipino sa lahat ng pampubliko at pampribadong transaksiyon.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang bawat Filipino ay bibigyan ng PhilSys Number (PSN) at Philippine Identification (PhilID). Ang PSN ay magagamit sa lahat ng ahensiya ng gobyerno upang mapadali ang proseso ng pagtatala at pagrerehistro ng bawat indibiduwal. 

Samantala, ang bidyo ni Marcos na ginamit sa nasabing TikTok video ay mula sa kaniyang YouTube vlog noong Mayo na tumatalakay sa national ID system at sa kahalagahan nito. Walang sinabi sa vlog ang dating senador na siya ang gumawa ng batas na lumikha sa Philippine Identification System. Wala ring isinulat si Marcos na Senate bill para sa isang national identification system noong panahon niya senado noong 15th at 16th Congress.

Bukod sa National ID, mayroon ding sabi-sabi na si Marcos ang nagpanukala ng free tuition bill. Hindi rin ito totoo.

Must Read

What you need to know about the Philippine national ID system

Marami nang naisulat na fact-check article ang Rappler tungkol sa mga Marcos. – Lorenz Dantes Pasion/Rappler.com

Si Lorenz Dantes Pasion ay isang Rappler Intern. Ang fact-check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor. Basahin ito para sa karagdagang detalye tungkol sa internship program ng Rappler.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.