Fact checks about countries

Hindi deuterium gas ang huhukayin sa Liguasan Marsh

Rappler.com
Hindi deuterium gas ang huhukayin sa Liguasan Marsh
Natural gas at mga krudo ang tinitingnang potensyal na mahuhukay sa Liguasan Marsh

Ang sabi-sabi: Gamit ang palladium, huhukayin ang deuterium oil sa Liguasan Marsh kaugnay ng deuterium project. 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Nang isinulat itong fact check, ang post na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroon nang 3,300 views sa YouTube.

Ang katotohanan: Ang sisimulang oil exploration sa Liguasan Marsh ay kaugnay ng mga ulat na sagana sa natural gas at mga krudo ang nasabing lugar. 

Ayon sa mga ulat ng naunang drilling operation sa lugar, natagpuang sagana ang katubigan nito sa natural gas – methane at ethane. Sinasabi ring kung maghuhukay nang malalim ay mayroon ding coal at langis dito

Napabulaanan na ang deuterium sa Pilipinas: Noong 1980s pa nang pinabulaanan ng mga eksperto ang pagiging sagana ng Pilipinas sa deuterium oil. 

Ayon sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), ang konsentrasyon ng deuterium ay lumiit sa mga papalalim na katubigan gaya ng sa Pacific Ocean kung nasaan ang Pilipinas. 

Ang deuterium ay isang isotope ng hydrogen, isang anyo ng nasabing elemento na mayroong ibang bilang ng neutrons, at hindi uri ng “natural water.”  Sinasabing ang konsentrasyon din nito ay pare-pareho lamang sa mga karagatan, kung kaya’t hindi masasabing sagana ang katubigan ng Pilipinas dito. 

Wala pa ring napababalitang may sisimulang deuterium project sa bansa. Ang mga bill na ikinasa sa Senado upang isulong ang research ng nasabing elemento ay hindi tuluyang naisasabatas. – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.