Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Ipinagbawal ni Ferdinand Marcos ang child labor

Rappler.com
HINDI TOTOO: Ipinagbawal ni Ferdinand Marcos ang child labor
Si Marcos mismo ang naglabas ng Presidential Decree Blg. 148 noong 1973 na nagpapahintulot sa mga batang nasa edad 14 hanggang 18 taong gulang na magtrabaho
Buod 
  • Ang sabi-sabi: Ipinagbawal ng diktador na si Ferdinand Marcos ang “child labor” sa kaniyang termino.
  • Marka: HINDI TOTOO. Sumasang-ayon ang Rappler sa markang “Hindi Totoo” na nauna nang ibinigay ng AlterMidya sa kanilang fact-check sa sabi-sabing ito.
  • Ang katotohanan: Si Marcos mismo ang naglabas ng Presidential Decree Blg. 148 noong 1973 na nagpapahintulot sa mga batang nasa edad 14 hanggang 18 taong gulang na magtrabaho.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Sa kasalukuyan, mayroon nang 8,400 na views, 842 na reaksiyon, at 40 na komento ang bidyong nagpapakalat ng kasinungalingan.
Mga detalye

Isa sa mga ibinibida ng nag-viral na bidyo mula sa pahina ng “Uniteam Bbm-Sara” ang pagbabawal umano ng diktador na si Ferdinand Marcos sa “child labor” noong panahon niya. Nakalapat sa bidyo ang mga katagang “pagbabalik-tanaw” at “paghahalintulad.”

Ang diktador ay ama ni Ferdinand “Marcos” Jr., na tumatakbo sa pagkapangulo ngayong 2022. 

Hindi totoong ipinagbawal ni Marcos ang “child labor.” 

Taliwas sa sabi-sabing kampiyon ang diktador laban sa child labor, si Marcos mismo ang lumagda sa Presidential Decree (PD) Blg. 148 noong 1973 para gawing legal ang pagpapatrabaho sa mga batang manggagawang nasa edad 14 hanggang 18 taong gulang. 

Itinaas man sa 15 anyos ang edad ng mga pinapayagang magtrabaho sa ilalim ng Presidential Decree Blg. 442 noong 1974 – alinsunod sa Minimum Age Convention ng International Labour Organization – hindi pa rin sapat ang mga probisyong nakasaad dito upang protektahan ang kabataang manggagawa.

Sa ngayon, ang tanging proteksiyon lamang ng kabataang manggagawa, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ay ang pagtitiyak ng ahensiya na:

  • Nasa ilalim sila ng responsibilidad ng mga magulang o tagapangalagà kung mas bata sila sa 15 anyos habang nagtatrabaho.
  • Hindi mapanganib ang kalikasan ng kanilang trabaho.
  • Mapapag-aral pa rin sila ng kanilang magulang o tagapangalagà.
  • Ang employer ay makakakuha ng permit mula sa DOLE para sa pagtatrabaho ng isang menor de edad.

Mayroon mang mga batas na nangangako ng proteksyon laban sa “child labor,” may mga kabataang Pilipino pa rin na kabilang sa tinatayang 160 milyong batang manggagawa sa buong mundo. – Rochel Ellen Bernido/Rappler.com kasama sina Maez Estrada at Joseph Gloria/AlterMidya

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.