Disaster Fact Checks

HINDI TOTOO: Doble ang lakas ng bagyong Agaton kumpara sa bagyong Odette

Rappler.com
HINDI TOTOO: Doble ang lakas ng bagyong Agaton kumpara sa bagyong Odette
Ayon sa PAGASA, 75 km/h lamang ang naitalang pinakamataas na maximum sustained winds ng bagyong Agaton kompara sa 195 km/h wind speed ng bagyong Odette
Buod
  • Ang sabi-sabi: Doble ang lakas ng bagyong Agaton kumpara sa bagyong Odette, at naging super typhoon ito.
  • Marka: HINDI TOTOO. Sumasang-ayon ang Rappler sa markang “Hindi Totoo” na nauna nang ibinigay ng ABS-CBN sa kanilang fact check sa sabi-sabing ito.
  • Ang katotohanan: Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), 75 km/h lamang ang naitalang pinakamataas na maximum sustained winds ng bagyong Agaton kompara sa 195 km/h wind speed ng bagyong Odette. 
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang higit 16,924 na views ang video na may sabi-sabing ito sa YouTube.
Mga detalye

Isang video noong Abril 10, 2022, ng YouTube channel na “MJ Commentary” ang nagsasabi na doble ang lakas ng bagyong Agaton kompara sa bagyong Odette.

Pinamagatan ang video na, “Signal No. 4 : Super Typhoon Na! Bagyong Agaton, Doble Ang Lakas Sa Odette!”

Nang isulat itong fact check, mayroon nang higit 16,924 na views ang post sa YouTube.

Hindi ito totoo.

Ayon sa PAGASA, umabot lang sa 75 kilometers per hour (km/h) ang naitala na maximum sustained winds ng bagyong Agaton habang ang maximum sustained winds ng bagyong Odette ay umabot sa 195 km/h.

Ang bagyong Odette ang pinakamalakas na bagyo na humagupit sa buong timog silangang Asya noong 2021. Ito ay unang nag-landfall sa Pilipinas noong Disyembre 16, 2021, at hindi bababa sa 407 katao ang namatay sa Pilipinas dahil dito.

Ang bagyong Agaton naman ay unang nag-landfall sa bansa noong Abril 10, 2022. Kahit hindi ito gaano kalakas kompara sa Odette, umabot pa rin sa 182 sa Pilipinas ang namatay dahil dito. – Lorenz Pasion/Rappler.com kasama ang ABS-CBN

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.