Aquino Fact Checks

Gobyerno ang nagmamay-ari sa Magat Dam at ‘di ito ibinenta ng mga Aquino

Rappler.com
Gobyerno ang nagmamay-ari sa Magat Dam at ‘di ito ibinenta ng mga Aquino
Tanging ang Magat Hydroelectric Power Plant lamang ang pagmamay-ari ng pribadong kompanya, at gobyerno ang namamahala at nagpapatakbo sa Magat Dam

Ang sabi-sabi: Kasama ang Magat Dam sa mga dam na dating pag-aari ng gobyerno na ibinenta sa pribadong kompanya ng mga Aquino.

Sinabi sa YouTube video na pinamagatang “Mga Dam Sa Pilipinas Na Ibenenta Ng Mga Aquino Sa Mga Private Sector | Dam In The Philippines” ang sumusunod: “Sa araw na ito ay pag-uusapan natin ang mga dam dito sa Pilipinas na dati ay pag-aari pa ng gobyerno ngunit ngayon ay naging pag-aari na ng mga pribadong kompanya sa ating bansa….  sa katagalan ay ibinenta na ng mga sumunod na administrasyon sa mga pribadong kompanya. Ating isa-isahin ang mga ito. Una sa listahan ay ang Magat Dam.”

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang video na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroong 66,000 na view sa kasalukuyan. 

Ang katotohanan: Pag-aari ng gobyerno sa ilalim ng National Irrigation Administration ang Magat Dam dahil ang Magat Hydroelectric Power Plant lamang ang napunta sa pamamahala ng pribadong kompanya noong 2007.

Hindi ang mga Aquino ang nagpasapribado: Ang pagsasapribado ng nasabing planta ay alinsunod sa pagsasabatas ng Republic Act 9316 o Electric Power Industry Reform Act noong 2001 sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa ilalim ng nasabing batas ay isinapribado ang ari-arian ng National Power Corporation, kasama ang Magat Hydroelectric Power Plant. 

Sa isang pahayag noong Nobyembre 2020 ay nilinaw ng SN Aboitiz Power (SNAP) na ang Magat Hydroelectric Power Plant – at hindi ang Magat Dam na pag-aari ng gobyerno – ang kanilang pagmamay-ari at kanilang pinapatakbo.

SNAP does not own, manage, or operate Magat dam and its re-regulating facilities. It took over Magat Hydroelectric Power Plant in 2007 after a successful privatization bid. Magat Dam is a multi-purpose dam primarily for irrigation and flood control. As such, the ownership, management, and operations of Magat and Maris dams and all other non-power components such as reservoirs and spillways remained with the government through the National Irrigation Administration (NIA),” sinabi ng SNAP sa isang pahayag.

(Hindi pagmamay-ari, pinamamahalaan, o pinapagana ng SNAP ang Magat dam at mga re-regulating facilities nito. Pinamahalaan nito ang Magat Hydroelectric Power Plant noong 2007 matapos ang matagumpay na privatization bid. Ang Magat Dam ay isang multi-purpose dam na ginagamit para sa irigasyon at flood control. Dahil dito, nanatili sa gobyerno, sa pamamagitan ng National Irrigation Administration o NIA, ang pagmamay-ari, pamamahala, at operasyon ng Magat at Maris dams at lahat ng iba pang non-power component tulad ng mga reservoir at spillway.)

Sa kabilang banda, nito lamang ika-27 ng Oktubre ay ipinagdiwang ng NIA-Magat River Integrated River System ang ika-40 anibersaryo ng Magat Dam na binuksan noong 1982. – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.