Fact checks on public officials

HINDI TOTOO: Pacquiao lumabag sa patakaran ng Comelec

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

HINDI TOTOO: Pacquiao lumabag sa patakaran ng Comelec
Hindi paglabag sa patakaran ng Comelec ang maagang pagkakabit ng tarpaulin dahil, ayon sa Korte Suprema noong 2009, hindi na maipagbabawal ang maagang pangangampanya
Buod
  • Ang sabi-sabi: Nilabag ni Senador Manny Pacquiao ang patakaran ng Comelec dahil diumano’y maaga siyang nangampanya.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Base sa hatol ng Korte Suprema noong 2009, hindi na maipagbabawal ang maagang pangangampanya.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang finact-check ang bidyo kung saan nakasaad itong sabi-sabi, nakakalap na ito ng 149,361 views, 3,000 likes, at 739 comments.
Mga detalye

Naglabas ng bidyo ang YouTube channel na “Showbiz Fanaticz” noong Hulyo 5, 2021, na nagsasabing nilabag ni Senador Manny Pacquiao ang mga patakaran ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa diumano’y maaga niyang pangangampanya.

Pinamagatan ang bidyo na “JUST IN: Matapos SIRAAN ang GOBYERNO, PACQUIAO MAAARING MADISQULIFIED (sic) Matapos LUMABAG sa COMELEC (Commission on Elections)!”

Ayon sa video, “Kinumpirma na mismo ng [dating] ABS-CBN reporter na si Jay Sonza na maaaring sampahan ng patong-patong na kaso at maaari ring [ma-disqualify] ang senador na si Manny Pacquiao sa 2022 presidential election dahil sa mga diumano’y ebidensyang nakalap ni Sonza na malinaw na lumabag si Pacman sa eleksyon ruling ng COMELEC.”

Sabi ni Sonza sa isang Facebook post noong Marso 16, 2021, nakakita siya ng tarpaulin ni Pacquiao sa “isang bahagi ng aking property na tabi ng kalsada na itinirik ng kung sinong tarpulanong inutusan ni Manny Pacquiao.”

Sabi pa niya, “O Comelec, heto ang exhibit A ng election violation ng pambansang kamao.”

Binanggit ng video na ang kampo ni Pacquiao ay “nagtatayo agad ng mga tarpaulin sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas kahit hindi pa man nagsisimula ang election campaign ng Comelec.”

Nang finact-check ang video na ito, nakakalap na ito ng 149,361 views, 3,000 likes, at 739 comments.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Hindi na maaaring ipagbawal ang maagang pangangampanya. 

Ipinagbabawal ng Section 80 ng Omnibus Election Code ang kahit sinumang tao, maging botante o kandidato man o hindi, o kahit anong partido, o grupo, na lumahok sa pangangampanyang may kinalaman sa eleksyon o partisan na gawaing politikal, maliban tuwing panahon ng kampanya.”

Ngunit noong 2009, sinabi ng Korte Suprema na sa ilalim ng Republic Act No. 8436, na inemyendahan ng Republic Act No. 9369, maituturing lamang na kandidato ang isang taong nag-file ng kanyang certificate of candidacy kapag nagsimula na ang panahon ng pangangampanya.

Dahil dito, imposibleng magawa ang maagang pangangampanya, ayon kay Emil Marañon, isang abogadong eksperto sa eleksiyon. 

Must Read

Sagot ng tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez sa mga reklamo tungkol sa pagkalat ng mga poster na nangangampanya isang taon bago ang eleksiyon, ang Kongreso lamang ang makagagawa ng solusyon upang maipagbawal ang ganitong pangangampanya. (BASAHIN: ‘Epal’ posters? Don’t blame Comelec, spokesman says)

Magsisimula ang panahon ng pangangampanya sa Pebrero 8, 2022, para sa mga kandidato para sa mga puwesto ng pangulo, bise presidente, senador, at mga party list, samantalang sa Marso 25, 2022, naman ang para sa mga kandidato para sa Kamara at iba pang mga lokal na puwesto.

Ilang beses nang finact-check ng Rappler ang YouTube channel na “Showbiz Fanaticz.” Basahin ang mga ito upang alamin ang katotohanan tungkol sa iba pa nilang mga sabi-sabi:

Finact-check din ng Rappler ang isang sabi-sabi na diskalipikado na si Pacquiao sa 2022 na halalan dahil sa maagang pangangampanya. – Loreben Tuquero/Rappler.com

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!