Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Proyekto ni Ferdinand Marcos ang NAIA

Rappler
HINDI TOTOO: Proyekto ni Ferdinand Marcos ang NAIA
Unang naisulong ang proyekto ng international airport sa pamumuno ni Manuel Roxas
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ang Ninoy Aquino International Airport ay proyekto ni dating pangulong Ferdinand Marcos.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Ayon sa Official Gazette of the Philippines, taong 1947 ay mayroon nang proyektong pandaigdigang paliparan sa ilalim ng pamumuno ni pangulong Manuel Roxas. Nakumpleto ito sa termino ni pangulong Elpidio Quirino.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito ay mayroon nang 9,000 likes, 18,000 comments, at 189,000 shares ang naturang post. Nakita sa CrowdTangle ang Facebook post at iba pang katulad na pahayag. 
Mga detalye

Sinasabi sa Facebook post ni “Dolores Nellas” na in-upload noong Hulyo 16, 2018, na ang pandaigdigang paliparan ng Filipinas, na mas kilala bilang Ninoy Aquino International Airport (dating Manila International Airport), ay proyekto ng diktator at dating pangulong Ferdinand Marcos.

Sabi sa post, “At alam ba ninyo na ang NINOY INTERNATIONAL AIRPORT AY PROYEKTO YAN NI DATING PANGULONG MARCOS AT DATI NAKAPANGALAN sa MANILA INTERNATIONAL AIRPORT. PERO PINATAY NILA SI NINOY SA AIRPORT PARA IBINTANG KAY MARCOS AT PINALITAN ANG PANGALAN NG AIRPORT at naging NINOY INTERNATIONAL AIRPORT.”

Nang isulat ang fact check na ito ay mayroon nang 9,000 likes, 18,000 comments, at 189,000 shares ang naturang post. Rumehistro sa CrowdTangle, isang monitoring tool ng Facebook, ang post at iba pang katulad na pahayag.

Hindi totoo ang sabi-sabi.

Ibinalita ni pangulong Manuel Roxas noong Enero 27, 1947, sa kanyang pangalawang State of the Nation address na may nakalaang P16,000,000 ang Civil Aeronautics Board of the United States para sa air navigation aid sa bansa at sa pagpapatayo ng pandaigdigang paliparan na gagamitin sa komersiyo. Mababasa ang naturang pahayag sa Official Gazette of the Philippines.

Ayon din sa official history ng Manila International Airport Authority o MIAA, ang kilalang pandaigdigang paliparan ng Filipinas ay dating US Air Force base hanggang 1948. Natapos ang konstruksiyon ng unang international runway (mas kilala ngayon na Terminal 2) noong 1953 sa termino ni Elpidio Quirino. Makikita na ang salitang “Manila International Airport” ay nakalimbag na sa mga opisyal na dokumento ng bansa.

Malabong maging proyekto ito ng ikawalong presidente ng Filipinas na si Marcos dahil naluklok sa puwesto si Marcos noong 1965 lamang – 12 taon na ang nakalilipas nang magsimula ang operasyon ng international runway ng Manila International Airport. Noong 1972, inilabas ni Marcos ang Executive Order No. 381 na nag-uutos na paunlarin ang international airport, ngunit hindi ito nangangahulugan na siya ang orihinal na tagapagtaguyod ng proyekto. – Angelica Flores Juan/Rappler.com

Si Angelica Flores Juan ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.