Fact checks on public officials

FACT CHECK: Walang demolition job laban kay VP Sara Duterte dahil sa confidential funds

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

FACT CHECK: Walang demolition job laban kay VP Sara Duterte dahil sa confidential funds
Bahagi ng proseso ng pag-apruba ng taunang national budget ang pag-kuwestiyon sa hinihinging pondo ng bawat kagawaran ng gobyerno

Ang sabi-sabi: Ang pag-kuwestiyon sa confidential and intelligence funds (CIF) ni Bise Presidente Sara Duterte ay isang “demolition job” laban sa kanya.

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact-check: Ang naturang Facebook video na ini-upload noong Oktubre 14 ay umani na ng 42,000 views, 2,200 reactions, at 365 shares mula sa isang fan page ni Duterte na may 15,000 followers.

Sinabi ng abogadong si Glenn Chong sa video: “Dine-demonize nila si Sara Duterte, si Vice President. Itong pag-single out nila kay Sara, this is more of a demolition. It’s very clear that it’s a demolition job.”

Lumabas ang naturang video ilang linggo matapos tanggalin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa 2024 budget ang confidential funds na hinihingi ng Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP) na pinamumunuan ni Duterte.

Ang katotohanan: Kinukuwestiyon si Duterte hindi bilang personal na atake sa kanya, kundi dahil sa kawalan ng line item para sa confidential fund sa 2022 budget ng OVP, na inihanda ng hinalinhan ni Duterte na si Leni Robredo. Binatikos din si Duterte nang malamang nagamit ang P125 million na pondo sa loob lamang ng 11 araw.

Hindi isang demolition job ang pagsisiyasat sa paglalaanan ng pera ng bayan. Bahagi ng proseso ng pag-apruba ng taunang national budget ang pag-kuwestiyon sa hinihinging pondo ng bawat kagawaran ng gobyerno. 

2022 confidential funds: Ang basehan ng kritisismo sa Bise Presidente ay ang paliwanag nito ukol sa paggamit ng P125 million na confidential fund noong 2022 sa kabila nang kawalan ng naturang line item sa 2022 General Appropriations Act.

Ayon kay Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo, mayroon umanong line item para sa confidential funds ngunit “zero” lamang ang inilaang pondo rito.

Sabi naman ni Duterte, humingi ang kanyang opisina ng pondo mula sa Office of the President (OP) at ibinigay ito ng Department of Budget and Management. 

Ngunit ayon sa mga eksperto, ang paglilipat ng pondo mula sa OP patungo sa OVP ay isang paglabag sa Konstitusyon dahil ang Kongreso lamang ang may kapangyarihang maglaan ng pondo.

Matatandaang ilang beses ding iniwasang linawin ng OVP ang isyu, at nagpatutsada sa mga kritiko at binansagan silang mga “kalaban ng bayan.” (BASAHIN: The dangers of justifying VP Sara Duterte’s 2022 confidential funds)

Dati nang gumagastos nang malaki si Duterte gamit ang confidential funds – noong nanunungkulan pa siya bilang alkalde ng Davao City. Sa loob ng pitong taon, umabot sa P2.6 bilyon ang inilaan ng Davao City para sa confidential funds. 

Hindi lang si Duterte: Hindi lamang ang mga kagawarang hawak ni Duterte ang pinuna sa paggamit ng confidential funds. Pinanawagan din ni Kabataan Representative Raoul Manuel na alisin na ang CIF ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa taong 2024 at ilaan na lamang ito sa ibang ahensiyang nakatutok sa pambansang seguridad. Sabi ni Manuel, halos kalahati ng kabuuang halaga ng CIF sa 2024 budget ay inilaan sa opisina ni Marcos.

Problema sa confidential funds: Naging malaking usapin ang confidential at intelligence funds dahil maaari itong gamitin ng mga kagawaran ng gobyerno para sa mga surveillance at intelligence operations nang hindi sumasailalim sa masinsinang pag-o-audit ng Commission on Audit (COA). 

Kadalasang nakasalalay ang COA sa mga sertipikasyon mula sa mga ahensiya ng gobyerno ukol sa pinaggamitan ng pera. (BASAHIN: Confidential funds: The new game in town)

Mas dumami rin ang mga civilian agencies na humingi ng CIF sa kanilang 2024 budget. Mula sa 21 na ahensya noong 2016, umabot sa 28 ahensya ang naglaan ng confidential funds sa kanilang budget.

Sa harap ng mga kontrobersiya, inilipat kalaunan ng Kongreso ang CIF ng OVP at DepEd papunta sa mga ahensyang tumutugon sa tensyon sa West Philippine Sea. Kabilang sa mga tatanggap nito ang National Intelligence Coordinating Agency, National Security Council, Philippine Coast Guard, at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Maliban sa OVP at DepEd, kabilang sa mga tinanggalan ng confidential funds para sa 2024 ang Department of Information and Communications Technology, Department of Agriculture na pinamumunan ni Marcos, at Department of Foreign Affairs. 

May ilang fact-check na ring inilabas ang Rappler ukol kay Duterte at sa confidential funds ng OVP:

Kyle Marcelino/Rappler.com

Kyle Marcelino is a graduate of Rappler’s fact-checking mentorship program. This fact check was reviewed by a member of Rappler’s research team and a senior editor. Learn more about Rappler’s fact-checking mentorship program here.

Keep us aware of suspicious Facebook pages, groups, accounts, websites, articles, or photos in your network by contacting us at factcheck@rappler.com. Let us battle disinformation one Fact Check at a time.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!