Marcos Fact Checks

HINDI TOTOO: Proyekto ni Marcos ang Nutribun noong dekada ’70

Rappler
HINDI TOTOO: Proyekto ni Marcos ang Nutribun noong dekada ’70
Inangkin lamang ng mga Marcos ang proyektong ito. Ang Nutribun ay produkto ng inisyatiba ng USAID upang matugunan ang matinding malnutrisyon sa Filipinas noong dekada ’70.
Buod
  • Ang sabi-sabi: Isa raw sa mga proyekto ng diktador na si Ferdinand Marcos ang Nutribun na ipinamimigay sa mga eskuwelahan noong dekada ’70.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Inangkin lamang ng mga Marcos ang proyektong ito. Ang Nutribun ay produkto ng inisyatiba ng United States Agency for International Development (USAID) upang matugunan ang matinding malnutrisyon sa Filipinas noong dekada ’70.
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nang isulat ang fact check na ito, mayroon nang mahigit 59,000 reaksiyon, 19,000 komento, at 107,000 shares ang post.
Mga detalye

Isang post sa Facebook mula sa user na si Richard Camarinta Dy noong September 10, 2017, ang patuloy na kumakalat ngayon at nagsasabing kung hindi raw dahil sa diktador na si Ferdinand Marcos, wala raw sanang Nutribun na ipinamimigay sa mga eskuwelahan noong dekada ’70.

“Korap daw, pero napapakain ng libre noon ang mga bata sa eskwelahan. KORAP daw. Pero linggo-linggo may supply na kakainin ang mga bata sa paaralan. Salamat Pres. Marcos kasi KORAP ka…binusog mo ang mga kabataan noon at may disiplina sila noong panahon mo. Salamat Pres. Marcos at KORAP ka dahil ALAM namin yung pera ng taong bayan noon sa magaganda proyekto napunta na hanggang ngayon napapakinabangan namin.

“MARAMING SALAMAT PRES. MARCOS at KORAP ka dahil kung HINDI ka naging KORAP wala sanang NUTRIBUN,” sabi ng Facebook post sa paraang sarkasmo.

Nagpapakita ito ng mga lumang larawan ng mag-asawang Marcos kasama ang kanilang panganay na anak na si Imee na namimigay ng Nutribun sa kabataan sa iba’t ibang paaralan.

Sa kasalukuyan, ang post ay mayroon nang mahigit na 59,000 reaksiyon, 19,000 komento, at 107,000 shares.

Hindi totoo ang sabi-sabing ito.

Inangkin lamang ng mga Marcos ang proyektong ito. Ang Nutribun ay produkto ng inisyatiba ng United States Agency for International Development (USAID) upang matugunan ang matinding malnutrisyon sa Filipinas noong dekada ’70.

Sa inilabas na tala ng USAID noong 1979, isinasaad na ang naturang humanitarian body ng Estados Unidos ang bumuo ng pormula ng mga sangkap ng Nutribun upang masiguro ang sustansiya nito.

USAID Nutrition was responsible for development of the formula to justify a claim for nutritious snack food…. The local commercial bakeries formulated and blended local and donated ingredients, baked, and delivered the Nutribuns to the schools,” ayon sa nasabing dokumento.

(Ang USAID Nutrition ang responsable sa paglikha ng pormula upang maitutugunan ang hiling para sa masustansiyang meryenda. Ang mga komersiyal na panaderya naman sa lokal ang naghalo ng mga sangkap mula sa mga donasyon, nagluto, at naghatid ng mga Nutribun sa mga paaralan.)

Ayon din sa libro na My 17 years with USAID ni Nancy Dammann, isang communications media advisor ng nasabing organisasyon, dinidikitan pa ang mga supot ng Nutribun noon ng mga etiketa na naglalaman ng islogan na “Courtesy of Imelda Marcos – Tulungan project” kahit wala naman itong koneksiyon sa proyekto ng dating first lady.

Wala ring katotohanan ang sabi-sabi ng naturang post na hindi ginugutom ang kabataan noong panahon ni Marcos.

Sa isang ulat ng UNICEF nitong 2018, humigit-kumulang 1 milyong Filipino ang walang makain at 140,000 na mga bata sa Negros Occidental ang nakaranas ng ikatlong antas ng malnutrisyon noong 1984 hanggang 1986.

Wala ring kabuluhan ang sarkasmo ng naturang post patungkol sa pagiging “korap” o magnanakaw ni Marcos dahil mismong ang Guinness World Records ang kumikilala sa diktadura ni Marcos bilang “greatest robbery of a government” o pinakamaraming nanakaw sa gobyerno sa buong mundo. – Mark Vincent Tolibao/Rappler.com

Si Mark Vincent Tolibao ay isang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact checklabanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.