Disaster Fact Checks

FACT CHECK: Lumabas na ang bagyong Ineng noong Setyembre 6

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

FACT CHECK: Lumabas na ang bagyong Ineng noong Setyembre 6
Taliwas sa titulo ng video, hindi naging super typhoon ang Tropical Depression Ineng

Ang sabi-sabi: Ayon sa September 12 weather update, super typhoon na ang bagong bagyong Ineng. 

Marka: HINDI TOTOO

Bakit kailangang i-fact check: Ang YouTube video na naglalaman ng sabi-sabi ay mayroong 7,900 views sa kasalukuyan. Ini-upload ito ng isang YouTube channel na may 545,000 subscribers. 

Pinamagatan ang video na “Bagong bagyong ‘Ineng’ super tyhoon na?! | Latest weather update! September 12, 2023.”

Ang katotohanan: Noong Setyembre 6 pa lumabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ineng na may klasipikasyon na tropical depression. 

Nagsimula ito bilang isang low pressure area (LPA) sa silangan ng extreme Northern Luzon na nag-develop bilang isang tropical depression noong Setyembre 5. Lumabas ito sa bansa noong Setyembre 6 na may lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour (km/h) at pagbusong na aabot sa 70 km/h. 

Hindi ito naging super typhoon sa buong pananatili nito sa bansa. 

Tropical depression vs super typhoon: Narito ang limang klasipikasyon ng bagyo o tropical cyclone sa Pilipinas: 

  • Tropical Depression – bagyong may lakas ng hangin na aabot mula 39 hanggang 61 km/h 
  • Tropical Storm – bagyong may hanging 62 hanggang 88 km/h
  • Severe Tropical Storm – bagyong may hanging 89 hanggang 117 km/h
  • Typhoon – bagyong may dalang hangin sa pagitan ng 118 hanggang 184 km/h
  • Super Typhoon – bagyong may dalang hangin na 185 km/h o pataas

Ang pinakahuling super typhoon na dumaan sa Pilipinas ay ang bagyong Goring (Saola) na lumabas ng bansa noong Agosto 30. Sa kasalukuyan, walang bagyo ang binabantayan at inaasahang tatama sa bansa. 

Di tugmang video: Laman ng video ang pinakahuling weather update ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) para sa Setyembre 12. Ngunit taliwas sa titulo ng video, ang ulat ng PAGASA ay tungkol sa LPA na namataan sa east northeast ng Basco, Batanes. 

Ayon sa ulat ni PAGASA weather specialist Grace Castañeda, nanatiling maliit ang tsansang maging bagyo ang nasabing LPA, subalit magdudulot pa rin ito ng pag-ulan sa ilang bahagi ng northern Luzon. 

Opisyal na balita: Ilang beses nang naglathala ng artikulo ang Rappler na may kaugnayan sa mga video ng YouTube channel na naglalabas ng maling impormasyon tungkol sa panahon.

Para sa mga opisyal na update sa panahon, bisitahin ang mga social media platform ng PAGASA sa X (dating Twitter), Facebook, YouTube, at website nito. Maaari ring i-bookmark ang Philippine weather page ng Rappler. – Ailla Dela Cruz/ Rappler.com

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!