Fact checks about countries

HINDI TOTOO: 66% ang unemployment rate ng Filipinas noong 1986

Rappler
HINDI TOTOO: 66% ang unemployment rate ng Filipinas noong 1986
Ang unemployment rate sa bansa noong 1986 ay 6.7%, at hindi 66%, ayon sa datos galing sa NEDA, NSCB, at PSA
Buod
  • Ang sabi-sabi: Ang unemployment rate ng Filipinas ay 66% noong 1986, pagkatapos umalis ng dating pangulong Ferdinand Marcos.
  • Marka: HINDI TOTOO
  • Ang katotohanan: Hindi naging 66% ang unemployment rate sa bansa noong 1986, ayon sa datos galing sa mga Philippine Statistical Yearbook (PSY) na inilabas ng National Economic and Development Authority (NEDA) at National Statistical Coordination Board (NSCB) noon, at ayon na rin sa Philippine Statistics Authority (PSA). 
  • Bakit kailangang i-fact-check: Nakita ang sabi-sabi na kumakalat sa isang umano’y infographic kalakip ng ilang Facebook posts, kagaya ng isa noong Oktubre 30 na mayroon nang humigit-kumulang na 1,000 na reaksiyon, 310 na komento, at 1,700 shares nang isinulat ang fact-check. 
Mga detalye

May isang umano’y infographic na kumakalat sa Facebook kamakailan lang na may nakalagay na mga datos na nagkukumpara ng kalagayan ng ekonomiya ng Filipinas bago ang administrasyon ng dating pangulong Ferdinand Marcos at pagkatapos ng kanyang administrasyon.

May isang hanay na nagsasabi na noong 1986, pagkaalis ng mga Marcos, ang unemployment rate ay umabot sa 66%.

Nakita itong infographic sa ilang Facebook posts, kagaya ng isa noong Oktubre 30 na mayroon nang humigit-kumulang na 1,000 na reaksiyon, 310 na komento, at 1,700 shares nang isinulat ang fact check. 

Ang pahayag na ang unemployment rate ay 66% noong 1986 ay hindi totoo. 

Sa 1987 Philippine Statistical Yearbook (PSY) na inilabas ng National Economic and Development Authority noong panahong iyon, makikita sa Chapter 11, “Labor and Employment,” sa Table 11.2, “LABOR FORCE PARTICIPATION RATE, EMPLOYMENT STATUS, URBAN AND RURAL: 1975 TO 1986,” na ang unemployment rate noong 1986 ay 6.7%, hindi 66%.

Sa ilang mga kasunod na edisyon ng PSY, na inilabas naman ng National Statistical Coordination Board, makikita na sa 1989 PSY, 6.7% pa rin ang nakalagay na unemployment rate ng bansa noong 1986, habang sa 1990 PSY, 1991 PSY, 1992 PSY, 1993 PSY, 1994 PSY, 1995 PSY, at 1996 PSY, 11.1% ang nakalagay. Hindi makita online ang 1988 PSY.

Sa datos naman na makikita sa 2014 Yearbook of Labor Statistics na makikita sa website ng Philippine Statistics Authority, makikita na 6.7% ang naitalang average unemployment rate noong 1986.

Ito naman ang mga makikitang unemployment rate sa bawat quarter ng 1986: 7.0% sa unang quarter, 6.7% sa ikalawang quarter, 6.7% sa ikatlong quarter, at 6.4% sa ikaapat na quarter. – Percival Bueser/Rappler.com

Si Percival Bueser ay nagtapos bilang volunteer ng fact-checking mentorship program ng Rappler. Ang fact check na ito ay sinuri ng miyembro ng research team ng Rappler at ng senior editor.

Magbahagi kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network. I-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.