Fighting disinformation

Nagkaroon ng pagbaha ng Marcos ‘wow’ votes sa Rappler poll bago ito ibinaba

Gelo Gonzales
Nagkaroon ng pagbaha ng Marcos ‘wow’ votes sa Rappler poll bago ito ibinaba

A screenshot of the Rappler poll taken on October 13, 7:41 am

Gelo Gonzales/Rappler

Mayroong mga nag-react para kay Marcos na tila Arabong accounts at kinalaunan, may mga for-Marcos pages ding nagsabing pati kay Robredo ay mayroon ding mga tila Arabo accounts na nag-react para sa kanya

Nung nakaraang linggo, Miyerkoles nang hapon, Oktubre 13, ibinaba ng Rappler ang Facebook presidential poll nito. Lamang ang presidential candidate na si Bongbong Marcos sa kanyang karibal na si Leni Robredo noong nangyari ang pagbaba. 

Mabilis ang naging pag-angat ni Marcos mula gabi ng Oktubre 12 hanggang umaga ng Oktubre 13. Mula sa 148,000 reactions noong mga 10:20 pm, Oktubre 12 (screenshot below), nadagdagan ito ng humigit-kumulang na 50,000 reactions para umabot ng 198,000 reactions kinabukasan, 7:41 am ng Oktubre 13. 

Ang 149,000 na reactions na naitala bago ang nakitang pagbugso ay nakuha mula Oktubre 7, kung kailan unang inilabas ang poll, hanggang 10:24 pm ng Oktubre 12. Kinailangan ni Marcos ng mga limang araw para makakuha ng ganoon karaming boto. Ang karagdagang 50,000 reactions mula ng gabing iyon ng Oktubre 12 hanggang umaga ng Oktubre 13 ay nakuha sa mas maikling panahon na humigit-kumulang 10 oras. 

Mas mabilis ang rate ng pagdami ng reactions para kay Marcos sa 10 oras na iyon kaysa sa rate ng reactions na dumadagdag para kay Marcos mula Oktubre 7 hanggang 12. 

Napansin ko noong gabi ng Oktubre 12 na mayroong mga for-Marcos pages at influencers na nagpo-post tungkol sa Rappler poll at nagtutulak sa mga followers nilang bumoto dito. Ito ‘yung post ko noon:

Sa parehong time period, nadagdagan ang “Heart” reactions para kay Robredo ng mga 11,000. Nagtala si Robredo ng mga 170,000 votes mula Oktubre 7 hanggang gabi ng Oktubre 12. Mula gabi ng Oktubre 12 hanggang umaga ng Oktubre 13, nagtala ito ng karagdagang 11,000 votes para umabot sa 181,000 reactions.

Umaga ng Oktubre 13, 7:41 am, ito na ang naging score:

Marcos – 198,000 reactions
Robredo – 181,000 reactions

Sa isa pang screenshot below, makikita ang 396,000 na lahat-lahat ng bumoto. Ibig sabihin nito, may 379,000 na botong napunta kay Marcos at Robredo. Ang natira ay nahati sa iba pang kasama sa poll katulad nina Manny Pacquiao at Isko Moreno.

Dumami pa lalo ang boto hanggang ang poll nga ay ibinaba na noong hapon ng Oktubre 13.

Sa gitna ng pagdagsa ng mga bagong boto para kay Marcos, gabi ng Oktubre 12 nang napansin kong mayroong mga bumobotong tila Arabo para kay Marcos. Nang binuksan ko ang ilan sa mga profiles na ito, may isa na nakalista na tiga-Pakistan, at may isa naman na nakalista na nakatira sa Jauharabad na isang lugar sa Pakistan. Nag-post ako sa Facebook tungkol dito noong gabi ring iyon:

May mga mangilan-ngilang pages din akong nakita sa Twitter at Facebook na nagpakita ng mga bumobotong tila Arabo para kay Bongbong Marcos.

Una kong nakita ang mga ito bago ko nakita ang isang post na nagpapakitang may mga bumobotong tila Arabo rin para kay Robredo katulad nitong nakita ko noong 5:45 pm ng Oktubre 13:

Hindi malayong may post ding ganito ang ibang Marcos influencers at pages. Hindi na ako nag-scroll sa feed ko o naghanap pa.

Maaaring ang mga bumobotong tila Arabo na mukhang fake accounts din ay galing sa isang service kung saan puwede kang magbayad para makakuha ng mga accounts na magre-react sa isang Facebook post o kung ano pa man. 

May isinulat ang tech editor ng Manila Bulletin na si Art Samaniego tungkol dito at sinubukan niya ang isang service na ganito para malaman kung paano ito gumagana. Sa kanyang test, sinabi niyang “You can buy 100 reactions for [US$3 or] up to 2000 reactions for [US$29].”

Nag-post din ako tungkol dito, hango sa napag-alaman ni Mr. Samaniego:

Mayroon ding mga post na nagsasabing hindi raw makita ang mga “Heart” reactions para kay Robredo. Maaaring na-overload ang servers ng Facebook kaya hindi lumalabas ang information na ito. Maaari itong subukan sa mga iba pang survey na malalaki.

Noong Disyembre 2015, may ginawa ring surveys ang Rappler para sa paparating na presidential elections noon. Mayroon din kaming napansing pagmamanipula noong panahong iyon, kung saan nakita namin ang biglang pagdami ng boto para sa kandidatong si Mar Roxas. Mababasa ito rito.

Ito ang nakita naming pagdagsa ng boto sa poll na iyon:

Sinabi namin noon: “Roxas was clearly the beneficiary of this manipulation, but the numbers and the sources of the vote surge do not allow us to identify who may have been behind the attempt to game the survey. This could be either his supporters or people out to discredit him.

Naglabas din ng statement ang Roxas camp noon: ‘We are extremely concerned by the Rappler article on suspicious online activity on online polling. That there is data suggesting foreign sources is particularly troubling because this is an election for Filipinos, by Filipinos.'”

Nakita namin noon na galing sa Russia, Korea, at China ang dumagdag na boto para kay Roxas:

Dagdag pa namin noon: “As a result of this detection, we implemented additional security measures in January which eliminated the spikes and prevented the manipulation we spotted. This was in addition to our existing one-voter, one-vote system.”

Noong Setyembre 2020, nakitaan din ng isang research ng Graphika – isang social media analytics firm – na mayroong mga Chinese fake account networks na gumagalaw sa Pilipinas. Sa kasong ito, ang mga Chinese networks ay naka-focus naman kay Presidente Duterte at mga kaalyado nito, lalo na kay Senator Imee Marcos.

Sinabi namin noon: “The content, both from pages and from individual accounts, ‘praised President Rodrigo Duterte and his family allies, notably his daughter, and the daughter of former president Ferdinand Marcos, Senator Imee Marcos.’” 

Tinanggal ng Facebook ang Chinese fake network na ito, na naging kasabay ng pagtanggal sa isa ring network na, ayon sa kompanya, ay may link naman sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang pagkakadawit na ito ay itinanggi ng PNP at AFP.

Ang sinasabi lang ng mga impormasyong ito ay mahirap mapagkatiwalaan ang mga Facebook survey dahil sa iilang madaling maintindihang mga rason. Mahinang basehan ang Facebook surveys ng popularidad ng isang kandidato dahil hindi protektado ang mga ito mula sa pagmamanipula, gamit man ang mga reaction-buying “services” o ang pursigidong pangangampanya gamit ang mga Facebook pages para humila ng mga taong boboto o magrereact para sa kandidato nila.

Makikita ring puwedeng manggaling sa ibang bansa ang pagmamanipula ng poll, o kahit sentimyento ng mga tao, sa social media. Nakita rito na kung gugustuhin ay kayang humakot ng mga bagong boto o reactions para maipakita na lamang ang isang kandidato.

Ito ang hindi aligned sa mga layunin ng Rappler: ang paggamit ng isang Facebook poll na maaaring manipulahin, lalo na kung hindi ito bibigyan ng sapat na pagmamatyag o pagtatalaga ng protective measures para mapangalagaan ang integridad ng poll.

Ang Comelec o ang mga survey companies, halimbawa, ay nagtatalaga ng mga proteksiyon at measures para masiguradong walang pagmamanipulang nangyayari sa boto o opinyon ng bawat isang tao.

Bagamat hindi ko masasabing 100% secure ang proseso ng Comelec at mga survey companies na ito, di hamak na mas masigasig at mas matibay ang ibinibigay nilang proteksiyon kumpara sa isang ordinaryong pa-survey lamang sa Facebook.  

Maling gamitin itong batayan upang makita kung sinong kandidato ang lumalamang sa karera. Nais naming iwasan ang “horserace-style coverage” na tila ginagawa lamang popularity contest ang pag-elect ng ating mga mamumuno.

Mas nais naming maging issue-based ang aming coverage sa mga kandidato: tatanungin, kikilatisin tungkol sa kanilang paniniwala sa mga importanteng isyu tulad ng West Philippine Sea, Philippine-China tensions, human rights violations, at iba pa.

Pagkakamali na gumamit kami ng Facebook poll gayung alam na naming puwede nga itong paglaruan at manipulahin kung hindi ito lalagyan ng sapat na proteksiyon laban sa mismong pagmamanipula.

Nagkamali rin kami sa hindi namin pagsama sa unang pagbukas ng survey sa iba pang kandidatong tulad ni Leody de Guzman. Nakita namin ang oversight na ito sa pamamagitan ng mga nag-call out online, at naglabas kami ng bagong post at isinama si De Guzman at iba pang kandidatong tulad nina Norberto Gonzales, Jose Montemayor, at iba pa:

Muli, paumanhin mula sa Rappler. – Rappler.com 

Gelo Gonzales

Gelo Gonzales is Rappler’s technology editor. He covers consumer electronics, social media, emerging tech, and video games.