social media platforms

[EDITORIAL] Bitin ang ‘symbolic’ ban sa pol ads ng Google

Rappler.com
[EDITORIAL] Bitin ang ‘symbolic’ ban sa pol ads ng Google
Okay ito sa reputation laundering at pataasan ng ihi ng platforms, hindi sa pagpigil ng disinformation

Ang sarap sana pakinggan: may ban na on political ads ang Google.

Sabi ng Google, hindi nito papayagan ang political advertising sa pamamagitan ng Google Ads, Display, and Video 360, pati sa mga shopping platforms na maglalagay ng ads sa Google, YouTube, at mga properties ng partners nito.

Natuwa ang Comelec. Natuwa ang election watchdog Kontra Daya.

Teka, sapat ba ito? Ayon kay Eric Alvia, pinuno ng National Citizens’ Movement for Free Elections o Namfrel sa programa ni John Nery na On the Campaign Trail,It’s more symbolic, rather than creating an impact.

Press release lang?

Okay ito sa reputation laundering at pataasan ng ihi ng platforms. Pero sa totoo lang, lahat naman ng pagsusumikap, kahit symbolic, winner pag ihahambing sa Facebook na puro kuda.

Pero ang siste, ang ban ng Google ay mangyayari lang sa panahon ng election period mula February 8, 2022 hanggang May 9, 2022. 

Sabi ni Alvia, nagsimula nang mag-frontload sa election spending sa advertising ang mga politiko. Ang Nobyembre, Disyembre, at Enero ang tunay na campaign period kung pagbabatayan ang election spending. Ngayon ibinubuhos ang kuwarta sa ads lalo na sa online.

Sabi naman ni Jay Bautista ng media monitoring and analytics company Kantar, maraming paraan para ikutan ang balakid na ito ng Google. Halimbawa, gumawa na lahat ng YouTube channels pala ilako ang mga video ng mga kandidato.

‘Yan ang konteksto ng pagmamagandang-loob ng Google. Sorry, pero bitin.

Tahimik ang Facebook

At wala pa diyan ang Facebook.

Ayon sa kay Bautista, 50% ng maagang pangangampanya ay nangyayari sa Facebook. Sabi pa niya, kung walang malawakang panawagan o backlash, tingin niya maghihintay at magmamasid lang ang Facebook.

Tinawag ng isang senador sa US ang Facebook na bagong big tobacco sa ating modernong buhay. Matatandaang hindi kumibo, hindi kumilos ang giant tobacco companies noon kahit na malinaw ang ebidensyang nakamamatay ang sigarilyo.

Ayon na mismo sa whistleblower ng Facebook na si Frances Haugen, nagtaingang-kawali ang Facebook sa harap ng ebidensiyang nakasasama sa mga bata at nakapagpapalala ng pagkakabiyak-biyak sa lipunan ang produkto nito.

Kikilos ba ang Facebook laban sa masamang content tungkol sa eleksiyon? Sana. 

Pero ang katotohanan, winasak na ng Facebook ang maraming demokrasya sa buong mundo kasama ang Piliipas sa pagbibigay prayoridad ng algorithms nito sa popular na mga post – na kadalasan ay puno ng poot at nakapagpapaliyab ng damdamin. 

“Anger and hate spreads faster and further than facts,” ang laging sinasabi ni Nobel Peace Prize laureate at CEO ng Rappler na si Maria Ressa.

Sabi mismo ni Haugen, ang bullying at hate speech ay pasok pa rin sa “meaningful social interaction” o MSI. (Sorry kung nabilaukan kayo.)

Halimbawa na lang ang naging karanasan ng mga babaeng mamamahayag: ‘pag nagreport ka ng panlalait sa pagkababae at propesyon mo, hindi ito ite-take down dahil “public figure” ka raw at hindi raw ito violation ng Facebook “community standards.” Walang pakialam ang Facebook sa pagpoprotekta sa mga journalist, kahit pa sila ang David na bumabangga sa mga Goliath na politiko at gobyerno. Kalimutan nang susi ang papel nila sa pananatili ng free speech at free press. 

Naalarma naman ang mga eksperto sa epekto ng Instagram sa mental health ng mga bata – lalo na ang mga teenage girls na wala pang maturidad na huwag magpaapekto sa kulturang FOMO (fear of missing out). Marami sa mga kabataang babae ang nade-depress dahil pakiramdam nila’y napag-iwanan na sila sa parada ng materyalismo at vanity sa Instagram. Sumisira ito sa self-esteem at nagtatanim ng maling values sa kabataan.

Wala tayong dapat ikatuwa sa hakbang ng Google na tinimbang nga ngunit kulang. Talamak pa rin ang disinformation sa YouTube.

Walang habas pa rin ang harmful content sa Instagram at Facebook. Nadagdag pa ang TikTok na mukhang pinaghaharian na rin ng disinformation tulad ng revisionism sa kasaysayan ng Pilipinas. 

Aba’y tanungin ninyo na lang ang politikong magbabalik daw ng “Golden Age” sa Pilipinas ala Camelot. Number one siya ngayon sa ratings at kalakhan niyan ay itinulak ng bayarang keyboard army sa Facebook at TikTok.

Sabi ni Haugen, “The most fragile countries are linguistically diverse,” at ‘yan rin ang profile ng Third World. 

Hindi tulad ng mga lugar na Ingles at major languages ang linggua franca, hindi gumagastos ang Facebook sa lingguistic at political experts para mabantayan ang masamang content sa mga bansang lingguistically diverse. In the end, it’s all about profit. Ibig sabihin, mas madaling manlait sa salitang Filipino o Cebuano at iba pang lengguwahe sa Facebook.

Sa pagsusuma: Disinformation wasteland pa rin ang online landscape natin. Sana they put their money where their mouths are. Dapat managot ang mga platform sa disinformation na nilikha nila, lalo na ngayong eleksiyon. Dapat silang managot sa pagwasak sa demokrasya at pagsira sa katinuan ng ating mga kabataan. – Rappler.com