COVID-19

[EDITORIAL] Ang kuwento ni Tim Yap at Tatay Elmer

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] Ang kuwento ni Tim Yap at Tatay Elmer
Hindi talaga patas ang batas
[EDITORIAL] Ang kuwento ni Tim Yap at Tatay Elmer

Nakalulungkot na isang opisyal na nirerespeto ng marami sa magkabilang panig ng pulitika sa Pilipinas ay sangkot sa iskandalo ng Tim Yap birthday party sa Baguio City. 

Pansinin ang salitang ginamit namin – “sangkot,” hindi “nadamay.” Dahil hindi biktima si Baguio Mayor at tracing czar Benjamin Magalong ng mga pangyayari tulad ng gusto niyang palabasin.

Ang pedestal ni Magalong

Nakilala natin si Benjamin Magalong na isang no-nonsense na opisyal ng Baguio kaya’t ginawa siyang contact tracing czar. Disiplinado at istrikto raw siya. (BASAHIN: Benjamin Magalong: Mayor and czar who can’t feel safe)

Inilagay natin siya sa pedestal sa panahong wala halos pumapasa sa standard ng propesyonalismo at patas na pagpapatupad ng batas sa karagatan ng inutil at kurap na mga iniluklok ni Rodrigo Duterte. 

Ang masakit para sa mga taga-Baguio, kumalat ang balita ng party ni Tim Yap na dinaluhan ni Magalong sa araw na isasailalim sa mas istriktong general community quarantine (GCQ) ang Baguio City.  Ito ang panahong kumalat ang UK variant ng COVID-19 sa Bontoc, Mountain Province at La Trinidad, Benguet – mga karatig-pook ng Baguio.

Palusot ni Magalong, hindi siya nagtanggal ng mask sa party kailanman. Palusot ng mga dumalo, nagpa-RT-PCR test naman daw silang lahat.

At kailan pa naging excuse ang pagkakaroon ng negative tests upang isantabi ang health protocols? 

At may-switch pala sa utak ni Magalong – kapag naroon siya bilang LGU o local government unit head, tumitigil pala ang pagiging contact-tracing czar niya? Naaliw ba siya nang sobra sa party na hindi niya nakitang sampal ito sa sarili niyang mga patakaran?

‘Double standard’

Sa kabila ng mga pahayag na iimbestigahan ang pangyayari, slap on the wrist ang napala ng socialite na si Tim Yap at artistang si KC Concepcion

Nagmulta sila ng P1,500 na sisiw lang sa mga mayayaman. Pero ang 72-taong-gulang na jeepney driver na si Tatay Elmer ng Piston 6, nagbayad ng P10,000-bail matapos ang isang linggo sa kulungan para sa umano’y parehong paglabag. 

Kung tutuusin, langit at lupa ang pinagkaiba ng konteksto nila. Inaresto si Tatay Elmer dahil nagpoprotesta siya dahil nagugutom na ang mga jeepney driver sa panahon ng pandemya. Si Tim Yap ay nagpaparty. Nakasakay pa siya sa isang puting kabayo habang naka-headress ng mga Igorot na tila Babaylan. Langit at lupa talaga.

‘Yan ang pinakamalaking bitak sa buhay ng mga Pilipino – ang tinuturing ni Butch Dalisay na “great cultural divide:” ang economic wealth. Ito ang naghihiwalay sa mayaman at mahirap, at ginagawang katatawanan ang konsepto ng hustisya. 

Turismo vs kalusugan

Palusot ng mga nag-organisa ng party, isa itong okasyon na layong mag-promote ng turismo sa Baguio, kaya’t sumaglit si Mayor Magalong sa piging. 

Pero Mayor, sagutin mo ito: Bakit obligado kang dumalo sa party ni Tim Yap na minsan nang nasangkot sa alegasyong supplier siya ng party drugs sa kanyang mga club? Hindi ba’t common sense lang na hindi kwalipikadong maging tagapag-lako ng turismo para sa City of Pines ang socialite na mabaho pa sa Pasig River ang reputasyon? Sa mundo nga ng mga “iskwater,” sapat na ang matsismis na gumagamit ng droga upang bumulagta sa kalye at malagyan ng karatulang “Pusher, huwag tularan.”

Tsk, tsk. Sa Pilipinas, kapag mayaman ka, innocent until proven guilty, pero pag mahirap ka, guilty until proven innocent.

Palyadong liderato

Sa bandang huli, isa itong failure of leadership ng isang opisyal na may dobleng papel na mayor at contact tracing tzar. Oo nga’t papel niyang magtaguyod ng turismo, pero “health trumps tourism.” (BASAHIN: Getting off the high horse: Mayor Magalong and the Tim Yap incident)

Higit diyan, kung si Magalong, na itinuturing na pinakamatino sa Duterte men ay papalpak nang ganito ka-bigtime, paano na ang ibang mga opisyal ng Pangulo? Let’s refresh your memory, dear readers.

Andiyan si Health Secretary Francisco Duque na kapit-tuko sa posisyon sa kabila ng panawagan ng ilang senador na magresign siya. Andiyan ang bagong promote na hepe ng Philippine National Police na si “Mañanita King” Debold Sinas, ang pangunahing ehemplo ng double standard.

Maaalala rin natin ang mala-siyokoy na diskarte ng mismong spokesman ng Pangulo na si Harry Roque, na lumangoy kasama ang dolphins sa panahong bawal pa ang leisure na aktibidad. Sinong makalilimot sa dating hepe ng Bureau of Corrections na si Nicanor Faeldon na muntik nang magpalaya sa rapist na si dating Calauan mayor Antonio Sanchez?

Andiyan din ang dating hepe ng pulisya na si Oscar Albayalde na nasangkot sa ninja cops issue. At hindi pa tayo nakare-recover sa kwento ng korupsiyon sa health state insurer Philhealth na umano’y humigop ng bilyon-bilyong-pisong pondo sa ilalim ng pamamalakad ng Duterte appointee na si Ricardo Morales.

Muli’t muli, ipinapakita sa atin ng mga pangyayaring ito ang kalidad ng pamumuno sa bansa, mula sa Presidente nitong mumurahin lahat ng bagay pero inutil naman, hanggang sa umano’y strongest link na si Magalong. Sa bandang huli, wala pa ring tibay at integridad na aasahan sa administrasyong ito. 

Tanging maaasahan natin ang pagbaluktot ng mga alituntunin para sa mayaman, sikat, at makapangyarihan. Maaasahan natin ang ‘di pantay na pagpapatupad ng batas na magpapalusot sa isang Koko Pimentel at Tim Yap, pero magkakalaboso sa isang Tatay Elmer. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!