Media and journalism issues

[VIDEO EDITORIAL] Huwag kalimutan si Percy Lapid

[VIDEO EDITORIAL] Huwag kalimutan si Percy Lapid
Nagiging mas masalimuot ang kuwento ‘pag sinuri mo kung sino ang pinatay at bakit nag-abala ang pulisya na mag-stage ng garapalang drama

May ilang linggo na ang nakalipas mula nang binaril ang radio commentator at YouTube vlogger na si Percy Lapid.

Sabi ng mga pulis, “case solved” na raw dahil nasa kustodiya na nila ang mga suspect at nakapag-file na ng murder case. 

Pero tila sumablay. Ayon sa mga dumalo ng press conference, amoy fall guy ang confessed gunman na si Joel Escorial. 

Pero ang pinaka kaduda-duda, hindi tugma ang itsura ni Escorial sa mga still photo ng salarin na nakunan ng CCTV sa lugar ng krimen. 

Ngayon, may isa pa raw “middleman” na naman na inmate, matapos sumablay ang unang “script” ng PNP.

Pero nagiging mas masalimuot ang kuwento ‘pag sinuri mo kung sino ang pinatay at bakit nag-abala ang pulisya na mag-stage ng garapalang drama.

Si Percy ito, isang kritikong walang sing-anghang ang dila laban kina dating pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Sa maraming aspeto, perfect target si Percy bilang warning sa pakialamerong journalists – maraming kaaway, at halos walang kakampi sa makapangyarihan. 

Huwag nating kalimutan si Percy at ang ipinaglaban niya: ang pagwawaksi ng kasinungalingan sa pampublikong diskurso at paglaban sa disimpormasyon at red-tagging.

Sana’y manatiling buhay ang diwa ni Percy sa ating mga mamamahayag, at maging sa lahat ng naninindigan para sa transparency at accountability sa gobyerno.

Dahil ang paglimot kay Percy ay pagtatagumpay ng impunity sa ating lipunan. – Rappler.com

BASAHIN: [EDITORIAL] Huwag kalimutan si Percy Lapid