Jose Maria Sison

[EDITORIAL] Ano ang itsura ng kilusang Kaliwa post-Joma Sison?

Rappler.com
[EDITORIAL] Ano ang itsura ng kilusang Kaliwa post-Joma Sison?

Nico Villarete

Saan kayo patungo, mga lolo at lola ng rebolusyonaryong kilusan?

Malupit at mapagbiro ang tadhanang nagpasikat sa pangalan ng isang Jose Maria “Joma” Sison sa panahon ng isang presidenteng nagngangalang Ferdinand Marcos, at tumapos sa kanyang karera sa panahon ng isa pang Marcos.

Larger-than-life si Joma Sison. Binago niya – sa mabuti o masama – ang pulitika sa bansa, higit pa sa maraming naupong presidente. Ang mga engrandeng pangarap niya ang mitsa ng buhay o kamatayan ng napakaraming Pilipino – kapanalig man o kaaway.

Ang mga pangarap ni Joma ang naglunsad ng 54 taong insureksiyon (para sa iba’y rebolusyon) – ang pinakamatagal na insureksiyon sa Asya. 

Ayon sa mismong mga dokumento ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front, itinuturing nito ang sarili na pinakamalaking Marxist, Leninist, at Maoist na grupo sa buong mundo.

Pero hindi ito usapin ng laki. Saan kayo patungo, mga lolo at lola ng CCP/NPA/NDF? Kayong mga “tagalabas” na iniidolo (o sinusuka) ng masa sa mga probinsiyang kinikilusan, lalo na ‘yung mga bulubunduking lugar na inyong pinagkakampohan?  

Paano ninyo ipagpapatuloy ang laban – kayong nasa retirement age na ngunit on the run pa rin laban sa walang simbagsik na pagtugis ng Sandahatang Lakas ng Pilipinas? Paano kayo mamumuno sa harap ng nalalagas na hanay, kaibigan, kaalyado, at kontroladong area?

Badge of honor ba talaga ang tagal at tibay – gayong kumakatok sa pinto ang obsolescence at irrelevance? Hindi ba indikasyon ang pagliit ng bilang ng mga kaalyado at kaibigang nakikibaka sa loob ng sistema, tulad na lang ng Makabayan bloc sa Kongreso?

Malinaw na katapusan ng isang era ang pagkamatay ni Joma. Ito’y nangyayari sa panahon ng matinding atake mula sa militar, krisis sa enerhiya at pananalapi sa Europa na pinagkukunan ng malaking funding ng Kaliwa, ang wait-and-see attitude ng woke elite at middle class kay Marcos Jr., at ang pinakamatindi – ang apathetic youth na hindi na talaga makakarelate sa ideyolohiya ng marahas na rebolusyon.

Mahaba ang prusisyong nagdala sa Kaliwa rito. Babanggitin natin ang ‘di matatawarang blunders sa kasaysayan: andiyan ang boycott ng 1986 snap elections na nag-sideline sa Kaliwa sa People Power revolt; andiyan ang pag-e-endorso sa maraming kapitalistang patakbuhin naman ang prinsipyo tulad ni Manny Villar.

Pero ang pinakamalaki at pinaka-deadly na pagkakamali ng Kaliwa at ni Jose Maria Sison ay ang pagsuporta kay Rodrigo Duterte hanggang sa huling sandali, sa kabila ng pagdanak ng dugo sa mga kalye courtesy ng war on drugs.

Sa aspeto ng kapayapaan, nakapanlulumo na sa loob ng mahigit 30 taong pag-upo sa lamesa ng negosasyon – laging walang kinahihinatnan. Kapani-paniwala sanang kasalanan ng isang hindi sinserong militar ang pag-breakdown ng peace talks – hanggang pinatunayan ng Moro Islamic Liberation Front na posible ito kung may political will, sinseridad, at tiyaga.

Ang kapayapaan kasi ay mere tactics, o optics, para kay Joma, hindi kailanman ito peace for the sake of peace, kundi means to an end. Tulad ng adhikaing kapayapaan, sumakabilang-buhay o napatay na rin ang mga pangunahing aktor sa mga peace negotiations. Wala nang sinulid man lang na pagsisimulan upang humabi ng kahit katiting na pagkakaunawaan sa ilalim ng political climate ngayon.

At ‘singhalaga ng tanong na quo vadis, ay ang tanong na: Nasaan na ang moral ascendancy? Lahat ng rebolusyon ay nagtatagumpay sa balikat ng sambayanang pinaglilingkuran nito. Sa harap ng internal purges kung saan pinatay ng kasama ang kapwa kasama, sa abductions at summary executions ng pinaghihinalaang ahente sa komunidad, sa pagbibigay kay Duterte ng blueprint para sa tokhang courtesy ng urban assassinations – may K ba ang Kaliwang umasa sa simpatiya, pagkalinga, at pagpoprotekta ng masa na dati nilang kalasag?

Sa bandang huli, may tradisyon ang Kaliwa na dapat nitong maging knee-jerk reaction ngayon: ang maglagom. Assess. Iwanan ang bagahe ng Maoismo at Stalinismo. Harapin ang katotohanan ng nalulusaw na puwersa at impluwensiya. 

At matapos mahubaran at makarating sa kaibuturan ng kaluluwa nito – pangalanan ang mabuti at aminin ang masama. Kalingain ang natitirang ubod ng kagitingan na nanalaytay sa napakaraming martir na nagbuwis ng buhay sa kilusan. 

Baka sakaling may umaga pang naghihintay para sa kilusang masalimuot ang pamana, arkitekto ng napakaraming hidwaan, at tumatahak na sa landas ng pagkalimot. 

Anong rebolusyon ang dapat harapin ng mga “bagong rebolusyonaryo”? Sa pagpanaw ni Joma, ito ang revolution from within. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.