education in the Philippines

[OPINYON] Para sa mas epektibong pagtuturo ng Batas Militar

Juniesy Estanislao

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINYON] Para sa mas epektibong pagtuturo ng Batas Militar

Graphic by Alyssa Arizabal

'Kinakailangang manumbalik sa mga paaralan at kultura ng pagmamahal sa pagbabasa, pagsasaliksik, at pagbatay sa mga ebidensya upang makabuo ng mga opinyong nakabatay sa dunong at metikulosong pagsusuri'

Sa mga bangayan ngayon sa sa mga plataporma ng social media, hindi ko maiwasang madismaya sa ilang mga nababasa ko dahil ang ilan sa mismong mga nagpapakalat nito ay mismong mga guro sa Araling Panlipunan at Agham Panlipunan na siya dapat na nagtuturo ng tamang impormasyon [verified] at nagpapaalala sa masa, bilang konsensya nito, kung tama ba ang landas na tinatahak nito o ito ba ay papunta na sa bangin ng kawalan. 

Mahalaga ang pagkakaroon ng opinyon sa isang demokratikong lipunan. Tama nga naman ito. Kung tutuusin, isa ito sa mga sandigan at pinakaiingatan nating mga pagpapahalaga at praktika sa pag-iral ng demokrasya. Ngunit, kinakailangan din bilang guro, natuturuan natin ang ating mga mag-aaral kung paano humubog ng opinyon batay sa mga beripikadong ebidensyang matatagpuan sa mga pinagkakapitagang mga sanggunian at batis. 

Must Read

Martial law simulations: How one school teaches kids the EDSA revolution

Martial law simulations: How one school teaches kids the EDSA revolution

Sa isang pag-aaral na ginawa ko noong nakaraang taon tungkol sa pag-iral ng distorsyong pangkasaysayan ng Batas Militar, natuklasan ko ang mga sumusunod na mga pangyayari na nagaganap sa basic education (K-12): 

1. Ang pagtuturo ng Araling Panlipunan sa Grade 6 ay naaantala sa ikaapat na markahan (4th quarter) dahil sa ito ay paghahanda na ng mga paaralan para sa pagtatapos o commencement exercises ng mga mag-aaral. Pangkaraniwan itong nangyayari sa pampubliko o pampribadong paaralan man. Sa markahang ito kasi makikita ang mga aralin sa Batas Militar dahil ang pagtuturo ng Kasaysayan ng Pilipinas sa K-12 curriculum ay linear (simula pre-colonial papuntang contemporary Philippines). 

2. Pagkatungtong ng mga mag-aaral sa Grade 7 pataas, hindi na naituturo ang mga ito dahil nakapokus na sa iba’t ibang mga paksa ang isinasaad sa bawat baitang (G7 – Araling Asyano, G8 – Kasaysayan ng Daigdig, G9 – Ekonomiks, at G10 – Kontemporaryong Isyu) at kadalasan sa mga konseptong itinuro sa kanila sa kasaysayan ng Pilipinas noong Grade 5-6 sila ay nakakalimutan na nila. 

Ang aking mga rekomendasyon ay ang mga sumusunod: 

1. Rebisahin ang K-12 curriculum, partikular ang Araling Panlipunan curriculum at gawing thematic at ladderized ang Philippine History simula Junior High School (JHS) hanggang Senior High School  (SHS). Mainam din na mula sa tatlong sesyon (sa face-to-face classes) ay gawing apat o lima ang pagtuturo ng Araling Panlipunan para mas mapalawak pa ang paglinang sa mga Learning Competencies kaugnay rito. 

2. Maging mapanuri sana ang Kagawaran ng Edukasyon o Department of Education sa pag-apruba ng mga aklat sa Kasaysayan ng Pilipinas dahil batay sa pag-aaral nila Motas et al. na pinamagatang “Macoy in the Pages of History: A Multi-Method Approach” kung saan sinuri ang mga nilalaman ng mga aklat noong 2018, napag-alaman na 7% lamang o higit 2-3 mula sa 33 na mga aprubadong aklat ng DepEd ang mayroong komprehensibong pagtatalakay sa Batas Militar. 

3. Sa pedagohiya naman, hanggat maaari, gumamit ng inquiry-based learning (IBL) na maaari rin nating hiramin mula sa modelo ng pagtuturo sa Singapore kung saan nahuhubog ang pag-form ng opinyon ng mga mag-aaral gamit ang kanilang mga nakakalap na ebidensya at pag-fact-check ng mga ito bago makarating sa konklusyon para mas maging Higher Order Thinking Skillbased (HOTS) ang pagtuturo ng Batas Militar, hindi lamang sa pagkabisado ng mga petsa o datos nakapokus. Kinakailangan ding magkaroon ng pagkilatis ang mga mag-aaral sa mga primarya at sekondaryang batis (primary and secondary sources) tungkol sa kasaysayan at mga akda nito. 

4. Maaaring magbigay ng panuntunan ang Commission on Higher Education (CHED) na magkaroon ng mga kurso sa GE o core courses sa undergraduate degree programs ng pagtuturo tungkol sa panitikan, kasaysayan, ekonomiya, at politika ng Batas Militar, hindi lamang sa Unibersidad ng Pilipinas, bagkus, ay sa lahat o karamihan sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at Local Colleges and Universities (LCUs) sa buong bansa. 

5. Sa paghahatid at pagbibigay ng mga impormasyon ukol sa Batas Militar, hangga’t maaari, gamitin ito sa wikang Filipino upang mas maraming mapabatid at maunawaan ito ng nakararami. Isa sa dahilan kung bakit mas nahihikayat ang mga tao sa mga fake news at historical distortion ay dahil nakasulat ito sa wikang ginagamit nila sa pang-araw-araw.

Naniniwala ako na salik sa paghina ng pag-alala natin sa mga pangyayaring dulot ng rehimeng ito at ng Batas Militar ay ang kawalan ng pokus sa sektor ng edukasyon at inadekwasiya ng mga programa at polisiya nito; na kailangang matugunan nang maayos at sense of urgency upang mas mapabatid sa lahat ang kahindik-hindik na karanasan ng mga tao noong Batas Militar. 

Must Read

In Paris, this OFW teaches her daughter to never forget Martial Law

In Paris, this OFW teaches her daughter to never forget Martial Law

Palagi nating tatandaan na hindi porket hindi natin iyon naranasan ay hindi na ito totoo o talagang mapayapa na ang buhay o ang paligid natin. Mahalaga na bilang indibidwal, responsibilidad ng bawat isa na magsuri, luminang, at maging mapagmatyag sa mga senyales ng pagkakaulit nito sa kasaysayan. Kinakailangang manumbalik sa mga paaralan at kultura ng pagmamahal sa pagbabasa, pagsasaliksik, at pagbatay sa mga ebidensya upang makabuo ng mga opinyong nakabatay sa dunong at metikulosong pagsusuri. 

At kung neutrality ang pag-uusapan at ididiin dito, napatutunayan lamang nito ang sinasabi ni Renato Constantino noong sa kanyang akdang Anti-Social Filipino na, “They have reduced teaching to a process of doling out facts, each from his own area of specialization. The result has been a compartmentalized education whose products are unable to see society as a whole, feel no real sense of involvement in its problems, and are not even intellectually curious or interested in matters beyond their own specialized fields,” kung saan kaakibat nito ang kakulangan sa pagsipat ng mga mag-aaral at mga mamamayan sa mga institusyon at strukturang nagbibigay ng impluwensiya sa ating mga personal na adhikain; na humahantong sa kaulangan sa pagsipat sa mga kalagayan ng lipunan. 

Must Read

Isaiah Thomas out for rest of playoffs

Isaiah Thomas out for rest of playoffs

Ang pag-iral ng misinformation at kawalan ng pagsasaliksik, lalo na sa bahagi ng mga guro, ay senyales ng kawalan ng pagpapahalaga sa kaalaman, kung paano ito nililikha, at paano ito pinagyayabong. Malaki rin ang posibilidad na mismong ang mga gurong ito ang nagpapakalat ng ganitong mga ideya sa kanilang mga mag-aaral. Bilang tugon, bukod sa mga mag-aaral, kinakailangang ng sistematik at institusyunal na pagkilos upang makabuo ng mga konrektong polisiya at program sa paglaban sa pagkalat ng disinformation at misinformation sa ating bansa na nagdudulot ng knowledge at digital divide. At bilang mga guro, kung hindi tayo maging maagap sa pagtugon dito, hindi maghihilom at makaka-move on ang buong bayan mula sa mga sugat na dulot ng rehimeng Marcos at Batas Militar sa ating bansa kung pilit lamang natin itong kakalimutan dahil bahagi ito ng ating identidad at nakaraan bilang bayan. – Rappler.com

Si Juniesy Estanislao ay nakapagtapos ng Bachelor of Secondary Education major in Social Studies sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina noong 2018 at siya ring naging lisensyadong guro noong parehong taon. Siya ay kasalukuyang nagtuturo ng Araling Panlipunan sa Junior High School Unit ng Ingenium School. Inc. sa lungsod ng Marikina. Kasalukuyan din siyang kumukuha ng Master of Arts in Philippine Studies specializing in Development Studies sa Sentrong Asyano (Asian Center), Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!