[OPINYON] Dapat bang maging neutral ang mga guro?

Tuwing ako’y nagtuturo ng paksa tungkol sa karapatang pantao, kung hindi ang war on drugs ni Pangulong Duterte, ang lagi ko ring ibinibigay na halimbawa sa mga estudyante ay ang isyu ng Batas Militar noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Kapag ginagamit ko itong paksang ito, palagi kong pinapanood sa mga estudyante ang palabas na Dekada 70 na orihinal na akda ni Lualhati Bautista, dokumentaryo ng GMA na Alaala: A Martial Law Special tungkol sa buhay ni Bonifacio Ilagan na isang biktima ng pangto-torture noong Martial Law, at dokumentaryo ni Lourd De Veyra na Martial Law Myths Busted tungkol sa isang panel na diskusyon ng mga iba’t-ibang eksperto tungkol sa Martial Law. Bukod pa rito, ipinapabasa ko rin sa mga mag-aaral ko ang ilang mga artikulong journal na meron ako tungkol sa mga pang-aabuso, pangto-torture, at korapsyon noong Batas Militar.

Mapapansin na negatibo ang mga ipinepresenta ko sa mga bata. Pero sabihin na nating marami namang nagawang mga imprastraktura si Marcos. Ang tugon ko dyan – “Malamang, namuno ka ba naman ng dalawang dekada, syempre maraming ka talagang magagawa nyan. Idagdag mo pa ang mga perang nakamal nya.” Maliban pa rito, palagi ko ring tinatanong na, “Mapapalitan ba ng mga naipatayong imprastraktura ang mga buhay na nawala noong panahon nya?”

Sa ganitong gana, dito papasok ang moral na pagpapasya ng mga bata. Hindi kasi sapat na maging neutral lang ang isang guro at hayaan na silang mag-desisyon kung tama ba ito o mali. Tama bang sabihin na okey lang ang pangto-torture at pangungurakot? May mga bagay kasi na hindi na dapat pinagdedebatihan kung ang kaso rito ay ang mga paglabag sa karapatang pantao.

Dahil dito, palaisipan pa rin kung iisipin na sa kabila ng pagiging relihiyoso ng ibang mga Pilipino, tila baga’y hindi ito sumasalamin sa mga politikal na paninindigan natin tungkol sa mga ganitong isyu. Siguro dahilan din ito na sa kabila ng mga naglipanang mga pekeng balita at propaganda, nililito talaga nito ang mga tao. Kumbaga, nalilito na tayo kung ano ba talaga ang katotohanan.

Kung babalikan ang tanong na “Dapat bang maging neutral ang mga guro?” para sa akin ay hindi. Sabi ko nga sa unang pahayag, hindi sapat ang maging neutral, bagkus dapat din tayong maging kritikal. Sa pagiging kritikal kasi ay nagkakaroon pa tayo nang mas malawak at malalim na pagtingin at pagtatasa sa isang bagay. Hindi katulad ng mababaw at malabnaw na pagsusuri, maaaring gumamit din tayo rito ng ilang teyoretikal at ideyolohikal na basehan sa pagtingin sa isang partikular na isyu.

Nakakalungkot isipin na may ibang mga guro lalo na sa Araling Panlipunan ang sumasang-ayon at sumusuporta sa mga Marcos. Iniisip ko na pinag-aralan naman nila ang mga paksa tungkol sa humanismo, karapatang pantao, moralidad, at etika na nagbibigay sa atin ng tamang pagpapasya kung paano sumuri sa mga isyung panlipunan. Nakakalungkot din isipin na may mga naturingang “LPT” o Licensed Professional Teachers na madaling maniwala sa mga pekeng balita na kumakalat sa social media. Nakapasa nga sa board exam, pero bakit ang iba ay hindi nag-iisip? Nag-iisip man pero saan ba tayo dapat pumanig? Sabi ng iba, dapat wala daw tayong pinapanigan.

Nabasa ko sa isang post sa social media na ang isa sa mga pinakamalalang apolohista ng mga Marcoses ay ang mga natuto at edukado, lalo na ang mga guro. Isipin na dumaan naman ito sa pagsasanay ng pananaliksik sa akademya pero mas naniniwala pa sila sa mga conspiracy theories na kumakalat sa TikTok, Youtube, at iba pang hindi mapagkakatiwalaang sanggunian katulad ng CTTO o credits to the owner. Kapag ganito ang mga guro, mayroon itong potensyal na magpakalat sila ng mga kasinungalingan sa mga estudyante.

Bilang guro ng Agham Panlipunan, naniniwala ako na ang mga guro ay hindi talaga dapat maging neutral. Dahil ang pagiging neutral ay pagpanig sa mga nang-aapi. Ang mga guro dapat ay marunong manindigan kung kinakailangan. Marunung dapat tumindig at lumaban sa mga bagay na sa tingin nila ay tama.

Sa nalalapit na eleksyon sa Mayo taong 2022, nakakatakot na manumbalik muli ang mga Marcos sa Malacaňang na para bang wala tayong natutunan sa kasaysayan. Malaking hamon ito lalo na sa mga guro ng Araling Panlipunan. Habang bata pa lang ang mga estudyante, marapat na maturuan na sila ng mga kasanayan sa historikal na pag-iisip lalo na kung paano magkilatis ng batis at sumuri nang kritikal sa mga historikal na pangyayari.

Kung magiging kritikal lang ang mga guro sa pagtuturo, sa tingin ko’y maiiwasan natin magkaroon ng mga estudyanteng madaling mauto.

Sa huli, kung patuloy tayong magiging neutral sa mga ganitong isyu, hindi malabong mabura sa ating kamalayang historikal ang mga karumal-dumal na nangyari sa ating nakaraan. Kung gayon, mauulit lang ang kasaysayan. Pero totoo nga ba na umuulit ang kasaysayan? Sabi ng propesor ko noong kolehiyo – “Hindi umuulit ang kasaysayan, mangmang lang ang gumagawa nito.” At kung bibigyan natin ulet ng pagkakataon ang pamilyang Marcos na makabalik sa kapangyarihan, tunay nga ang sabe ni Georg Wilhelm Friedrich Hegel na – “We learn from history that we do not learn from history.” – Rappler.com

Si Joseph D. Ramiscal ay isang guro ng Agham Panlipunan sa Nemesio I. Yabut Senior High School.