poverty in the Philippines

[New School] Tunay na matatag

Lance Rockwell Yu
[New School] Tunay na matatag

Illustration by Guia Abogado

'[M]atatawag pa rin ba tayong isang resilient na bansa?'

New School features opinion pieces by young writers, highlighting youth issues and perspectives.

Resilience ang tawag sa kakayahang makatiis o makabawi matapos uminda ng isang mapanghamong sitwasyon. Napakaraming paraan at konteksto kung saan ito maaaring gamitin; pero, para sa artikulong ito, ang salita ay papatungkol sa marahil ay pinakapalasak na gamit nito tuwing may kalamidad sa Pilipinas: “Filipino resiliency.” Ito ay isang pariralang tumutukoy daw sa katatagan at abilidad na bumangon ng mga Pilipino sa kabila ng pagsubok. Hindi ko hawak ang sagot sa katotohanan ng pahayag na nabanggit, ngunit maaari kong sabihin na sa pamamagitan nito at ng pandemya, lumilitaw ang isyung tila ay kinukubli ng pariralang ito. 

Sa mga panahong humahagupit ang isang bagyo, bukang bibig ang pagiging “resilient” ng mga Pilipino kahit nawawalan sila ng kapamilya, tirahan, kagamitan, at pinansyal na kakayahan. Ngunit kahit isa ring uri ng sakuna ang pandemyang COVID-19, tila ay hindi na maririnig ang “reslient” dahil nawala na ang elemento ng pagbangon; puro nalang “matatapos din ito.” Natural lang siguro ang pesimistang pananaw na ganito pagkat pabagsak at pahirap ng pahirap ang pamumuhay. Bumabagsak ang ekonomiya, nalulugi ang mga negosyo, at hindi magpapahuli ang pagkawala ng mga trabaho. May mga eksepsyon, at ibang salik, pero para sa karamihan na “pabagsak,” ano nga ba ang kahulugan ng resilience at paano ba ito nasusukat? 

Must Read

[OPINION] Challenging the narrative of Filipino resiliency

[OPINION] Challenging the narrative of Filipino resiliency

Ang malaking agwat sa pagitan ng mga mayayaman at mahihirap ay mas lumilitaw sa mukha ng pandemya dahil sa sabay-sabay ng “pagbagsak.” Sa kontekstong ito tama lang sigurong sabihin na ang resilience ay nasusukat sa kakayahang magpanatiling natutustusan ang mga pangunahing pangangailangan. Makikita na mas kayang indahin ng may-kaya at mayayamang pamilya ang pinsalang kaakibat ng pandemya kumpara sa mga konti o wala talagang pinansyal na kakayahan o pagkukunan. Kumbaga, lumalabas na ang salitang resilience ay marahil isang coping mechanism upang maging mas positibo ang pananaw sa kabila ng trahedya; kapareho ito ng pagsasabi na ang baso ng tubig ay kalahating puno kaysa sa kalahating paubos na.

Walang masama sa pagiging positibo sa kabila ng pandemya dahil talaga nga namang sa loob ng halos dalawang taon nitong pananalasa, kasama rin sa naapektuhan ang ating kalusugang mental. Pero ang patuloy at sobrang poverty porn, pagbida, at pagpapabango sa pagiging isang mahirap ay hindi isang magandang bagay. Typical na marinig na ang mga mahihirap ay laging positibo sa mga pananaw nila sa buhay, na para ba itong pamantayan o maskara na dapat taglayin nilang lahat. Ang ganitong kaisipan ay tumatalikod sa mas malaking problema ng hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan, habang umaasta na ayos lang ang pagiging mahirap kaya wala na dapat kumwestyon pa rito.

Ang ilusyon ng resilience sa kontekstong ito ay maihahalintulad sa epekto ng isang placebo – basta naniniwala ang isang tao sa katatagan niya (dahil sa lahing Pilipino), mararamdaman niya na siya nga ay resilient; isang gamot sa gawa-gawang sakit ng pagtatanong.

Sa sobrang daming salik at pamamaraan na dapat isaalang-alang, tingin ko ay mayroon talagang pagkiling sa aking depenisyon ng pagiging mahirap. Mayroon din namang mga taong kayang punan ang kanilang mga pangangailangan pero sila ay maituturing pa rin na mahirap. Sa kadahilanang ito, maaaring sabihin na hindi para sa lahat ang sinasabi ko tungkol sa “resiliency.” At mayroon din namang kumukwestyon sa kanilang kalagayan, sa kanilang estado at kahirapan, pero, saan nga ba sila dadalhin ng kanilang mga tanong? Sa panahon ng pandemya, sa sitwasyon kung saan sila ay nalalagay sa desperado at gipit na sitwasyon, marahil ay pagiging positibo nga lang ang tanging paraan upang magpatuloy at sumulong. 

Must Read

As Filipino resilience gets exploited, netizens slam gov’t disaster response

As Filipino resilience gets exploited, netizens slam gov’t disaster response

Sa pagkakaroon ng halos iisang imahe at stereotype para sa mga mahihirap, media na nga siguro ang nagpinta sa pinakamalaking bahagi nito. Mula sa mga movie, teleserye, balita, at iba pang medium ng pagpapakalat ng impormasyon, laganap ang iba’t ibang uri ng poverty porn. Bagaman totoo na dapat maipakita ang kondisyon ng kahirapan sa bansa, pero sa pagpapakita ng limitadong mga aspeto nito, natural lamang na magkaroon ng mga partikular na impresyon, at paglalahat ang pangkaraniwang publiko, at hindi iyon kaaya-aya.

Ngayon na talagang humaharap ang bansa sa isang pangmatagalang krisis dala ng COVID-19, matatawag pa rin ba tayong isang resilient na bansa? Kung oo, sinu sino nalang ang natitirang resilient? Ang pagiging isang Pilipino o kaya mahirap sa konteksto ng resilience, ay hindi isang naratibo ng dula na kailangan sundan sa pinakamaliit nitong detalye. Kung nalulungkot ka, galit, pag hindi mo na kaya, o mayroon kang napapansin na dapat kwestyunin, magsalita at huwag hayaan na mayroong iba na magpapasiya ng gagawin mo. Sa mga oras ng pagsubok na ganito, mahalaga na mayroon laging mata at tainga na sinamahan ng gawa upang magkaroon ng pagbabago. Sa isang maliit na siklab lang maaaring matupok ang buong kagubatan. – Rappler.com

Lance Rockwell Yu is a college student from the Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela, taking up secondary education.

Voices features opinions from readers of all backgrounds, persuasions, and ages; analyses from advocacy leaders and subject matter experts; and reflections and editorials from Rappler staff. 

You may submit pieces for review to opinion@rappler.com.