COVID-19

[ANALYSIS] Kalusugan muna bago ekonomiya

JC Punongbayan
[ANALYSIS] Kalusugan muna bago ekonomiya
May kasabihan tayo, 'Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?' Ganun din, aanhin pa ang ekonomiya kung nagkakasakit na ang mga Pilipino at nagsisimatay na ang mga negosyo?

Lalong lumalala ang pandemya sa Pilipinas, at tila natatalo na tayo sa labang ito. 

Noong Linggo, Agosto 2, naitala ang pinakamataas na bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa isang araw: 5,032. Humihimpapawid ang epidemic curve ng bansa (Figure 1), at sa kabuuan, lagpas 103,000 na ang mga nagkasakit.

<iframe title=”Paglaganap ng COVID-19 sa Pilipinas” aria-label=”Interactive line chart” id=”datawrapper-chart-y704S” src=”https://datawrapper.dwcdn.net/y704S/2/” scrolling=”no” frameborder=”0″ style=”width: 0; min-width: 100% !important; border: none;” height=”500″></iframe><script type=”text/javascript”>!function(){“use strict”;window.addEventListener(“message”,(function(a){if(void 0!==a.data[“datawrapper-height”])for(var e in a.data[“datawrapper-height”]){var t=document.getElementById(“datawrapper-chart-“+e)||document.querySelector(“iframe[src*='”+e+”‘]”);t&&(t.style.height=a.data[“datawrapper-height”][e]+”px”)}}))}();

</script>

Figure 1.

Napupuno na rin ang mga ospital (Figure 2). Sa katunayan, panandaliang magsasara muna ang Ospital ng Maynila at Dr Jose Fabella Memorial Hospital dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga pasyente. Dumarami na rin ang mga dead-on-arrival

Higit sa lahat, hirap na hirap na ang ating mga doktor, nars, at iba pang medical frontliners.

Figure 2.

Sa pambihirang pagkakataon, nagtipon-tipon ang maraming asosasyong medikal noong Sabado, Agosto 1, sa isang Zoom press conference upang ipanawagan ang muling pagpapasailalim ng Kamaynilaan sa enhanced community quarantine (ECQ) sa lalong madaling panahon.

Agad kinontra ng ilang opisyal ng gobyerno ang paghingi ng saklolong ito. 

Ani Presidential Spokesperson Harry Roque, ‘di raw magiging sapat ang ECQ upang sugpuin ang virus. Sa halip, kailangan daw paigtingin ang ibang istratehiya.

Ani Secretary Ramon Lopez ng Department of Trade and Industry, hindi raw puwedeng isara ang ekonomiya at bumalik sa ECQ dahil sa magiging epekto nito sa unemployment, o kawalan ng trabaho, at kahirapan.

Ganito rin ang palagay nina Justice Secretary Menardo Guevarra at Senator Cynthia Villar. Ani Villar, “pagbutihin” na lamang daw ng mga doktor ang kanilang trabaho.

Mula sa perspektibong pang-ekonomiya, hindi tama ang ganitong pag-iisip. Kailangang unahin talaga muna ang kalusugan ng taumbayan bago ekonomiya.

<h1>1) Lutasin muna ang pandemya bago ang ekonomiya.</h1>

Sa mga nakalipas na buwan, itinulak ni Secretary Carlos Dominguez III, pinuno ng economic team ng administrasyong Duterte, ang mabilisang pagbubukas ng ating ekonomiya upang mabuhay raw ang komersyo at makapagtrabaho muli ang mga tao.

Noong Hunyo 1 isinailalim ang Kamaynilaan sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ). Simula noon, mas marami nang negosyo ang hinayaang magbukas. Pinayagan na ang mga taong mag-dine-in sa mga restawran. At noong Agosto 1 binuksan na muli ang mga gym, internet cafe, at iba pang lugar.

Subalit napakadelikado ang agarang pagbubukas ng ekonomiya, lalo na’t patuloy pa rin ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Sa US, maraming estado ang nagdesisyong magbukas nang maaga dahil din sa pangamba sa kanilang ekonomiya. Ngayon, nagsisisi sila dahil muling sumipa ang mga kaso roon. Ang US na ngayon ang may pinakamalalang pagkalat ng COVID-19 sa mga mayayamang bansa.

Maging sa mga bansang naging maagap sa pag-flatten ng kanilang epidemic curves – tulad ng Vietnam at Australia – lumolobo rin ang mga kaso kamakailan.

Sa Pilipinas, mukhang naging masyadong maaga ang pagpapaluwag ng quarantine restrictions sa Kamaynilaan: pagsapit ng GCQ, lumobo rin ang mga bagong kaso.

Hanggang hindi naaampat ang pandemya, hindi makababangon muli ang ating ekonomiya. Kaya kailangang ibuhos ng gobyerno ang atensyon at pera nito ‘di lamang sa quarantine kundi pati sa mass testing, contact tracing, at pagpapalakas sa ating mga ospital at health worker.

<h1>2) Ipasailalim ang Kamaynilaan sa lockdown sa lalong madaling panahon.</h1>

Dahil ang krisis pangkalusugan ang dapat munang lutasin, sinusuportahan namin ang panawagan ng mga health worker na ipasailalim ang Kamaynilaan sa ECQ o ang pinakamahigpit na kategorya ng lockdown.

Bibigyan ng ECQ ng pagkakataon ang mga ospital upang maka-recover sa dami ng kanilang mga pasyente ngayon. Tandaang hindi lamang mga pasyenteng may COVID-19 ang nasa mga ospital, kundi pati na rin ang mga pasyenteng may samut-saring sakit tulad ng diabetes, cancer, atbp.

Sa pamamagitan ng ECQ, bahagyang makahihinga ring bahagya ang ating mga health worker na sagad-sagaran na ang pagod at stress sa mga nakalipas na linggo. 

Bagamat magiging malaking dagok ang panibagong lockdown sa ating ekonomiya, mukhang wala na tayong mapagpipilian pa. Maaari sanang naiwasan ang ganitong sitwasyon kung naging mas maagap ang gobyerno sa pagtugon sa pandemya – halimbawa, kung umaksiyon sila noong Enero o Pebrero pa lamang. (BASAHIN: Had Duterte acted earlier, PH economy would be safe to open by now)

Gaano katagal na lockdown? Ayon sa ilan, sapat na ang dalawang linggo. Pero dahil hindi naman sabay-sabay nagkasakit (at gagaling) ang mga nag-positive, maaaring mas matagal na lockdown ang kailanganin.

Sa hatinggabi ng Linggo, Agosto 2 ay inanunsyo ni Pangulong Duterte na ilalagay ang Kamaynilaan at ilang karatig probinsya sa medyo mas mahigpit na modified enchanced community quarantine (MECQ) sa loob ng dalawang linggo, mula Agosto 4 hanggang Agosto 18.

Maaari itong makatulong na maiwasan ang pagkumpol-kumpol ng mga tao at pagkalat ng sakit, lalo na sa mga commuter. Mas kaunti kasi ang papayagan sa mga pampublikong sasakyan.

Pero mukhang ‘di pa rin sasapat ang MECQ. Marami-rami pa ring tao ang pahihintulutang lumabas ng kanilang mga bahay, taliwas sa total lockdown na hinihingi ng frontliners. 

Dahil inanunsyo ito nang hatinggabi, maaari rin itong magdulot ng kalituhan sa mga tao na hindi man lamang nakapaghanda (halimbawa, nakabili man lang ng groceries at gamot). Hindi rin klaro kung sasabayan ang MECQ ng mas malawak na testing at matinding contact tracing.

Dahil sa kawalan ng direksyon ng gobyerno, may mga pribadong grupo ring nagtutulak ng #VoluntaryECQ: magkusa na lang daw ang mga Pilipinong manatili sa kanilang mga bahay. 

Pero huwag nating kalimutang may obligasyon ang gobyernong ayudahan ang mga mamamayan habang sila ay naka-lockdown.

<h1>3) Huwag tipirin ang ayuda para sa mga Pilipino.</h1>

Upang maitawid natin ang panibagong lockdown, dapat gumastos ang gobyerno ng malaking halaga upang palitan ang mawawalang kita ng mga tao.

Mahalagang mabigyan ng sapat na ayuda ang lahat: hindi lamang ang mga mahihirap kundi pati na rin ang mga negosyong tumitiklop at nagsasara na: kung hahayaan silang mamatay, paano babangon ang ekonomiya ‘pag may bakuna na?

Ganito ang ginagawa sa ibang bansa. Sa US, halimbawa, nakatanggap ang bawat mamamayan mula sa gobyerno ng $1,200 (o P58,000 gamit ang P49/$1) para sa kanilang mga pangangailangan. Ang tawag dito ay “stimulus checks.” Ayon sa mga balita, makatatanggap muli sila nito sa mga susunod na araw. Nagpautang din ang gobyerno sa Amerika sa napakaraming mga negosyo.

Sa Pilipinas, namigay rin ang administrasyong Duterte ng emergency subsidies na nagkakahalagang P5,000 hanggang P8,000 kada pamilya para noong mga buwan ng Abril at Mayo. Nasa 18 milyong pamilya ang nabigyan ng ayuda sa unang round. 

Pero hanggang ngayon ‘di pa rin tapos ipamahagi ang pangalawang round. Hindi na rin ito nasundan, at mistulang tinitipid ng economic managers ni Pangulong Duterte ang karagdagang ayuda para sa mga Pilipino. (BASAHIN: Duterte’s coronavirus aid: Too little, too slow, too politicized)

Wala ring sapat na tulong sa mga negosyante. Ayon sa Department of Labor and Employment, mahigit 80,000 establisyimento na ang pansamantalang nagsara at higit 5,000 dito ang nagbawas ng empleyado.

Ani Pangulong Duterte noong Agosto 2, wala na raw pera ang gobyerno para sa ayuda. Isa itong malaking kasinungalingan. Sa mga nakalipas na buwan nakalikom ang gobyerno ng halos P400 bilyon na bagong utang. Saan na napunta ang perang ito?

Hindi pa rin ipinapasa ng gobyerno ang economic rescue packages na siya sanang popondo sa karagdagang ayuda tulad ng wage subsidies at zero-interest loans. Sa ngayon, ipinasa na ng Senado ang Bayanihan to Recover as One Act. Pero P140 bilyon lang ang ayudang kalakip nito. Sa ARISE Philippines bill ng Mababang Kapulungan, halos 10 beses na mas malaki ang ayuda.

Ayon sa mga balita, nag-aalala raw ang economic managers na baka masira ang pananalapi ng gobyerno kung gagastos ito ng limpak-limpak na salapi para sa ayuda. 

Sa ngayon kasi, lagpas na ang gastos ng gobyerno sa kita nito (tinatawag ring budget deficit). ‘Pag lumobo ang budget deficit ay lolobo rin ang utang ng bansa. 

Hindi naman masamang magtipid. Pero nasa gitna tayo ng lumalalang pandemya, at dapat isantabi muna ng ating gobyerno ang ilang targets nito kaugnay ng budget deficit at utang.  

Ito ang panahon para hindi mag-alinlangang umutang at gumastos ang gobyerno, lalo na’t kung ang gagastusan naman ay ang mga mamamayang dapat nilang protektahan at paglingkuran. 

Buhay at kabuhayan ng mga Pilipino ang nakataya. 

May kasabihan tayo, “Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?” Ganun din, aanhin pa ang ekonomiya kung nagkakasakit na ang mga Pilipino at nagsisimatay na ang mga negosyo? – Rappler.com

Ang mga sumulat ay miyembro ng Usapang Econ, isang grupo ng mga batang ekonomistang naglalayong palawakin ang pag-unawa ng mga Pilipino sa economics. Pakinggan ang kanilang podcast sa Spotify at panoorin ang kanilang explainer videos sa YouTube.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.