Philippine economy

[ANALYSIS] Pag-amyenda sa Public Service Act, dapat bang katakutan?

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Pag-amyenda sa Public Service Act, dapat bang katakutan?

DR Castuciano

Panahon lang ang makapagsasabi kung gaano kaganda o kasama sa ating ekonomiya at pambansang seguridad ang pag-amyenda sa Public Service Act. Kahit na maraming safeguards na nakapaloob dito, kailangan pa rin nating maging mapagmatyag at mapagbantay.

Noong Marso 21, pinirmahan na sa wakas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nag-aamyenda sa 1936 Public Service Act.

Magbibigay-daan ito sa 100% na pagmamay-ari ng mga dayuhan sa ilang mga industriya tulad ng telecom, shipping, airlines, railways, toll roads, at transport network vehicles.

Maganda ba ang batas na ito o hindi? Tingnan muna natin ang konteksto at pinagmulan ng batas na ito.

Ipinagbabawal kasi ng ating Konstitusyon ang pagmamay-ari ng mga dayuhan ng “public utilities.” Ang problema, hindi dinefine ng framers ng Konstitusyon kung ano ang maituturing na public utility.  

Ang pinakamalapit na ay ang 1936 Public Service Act (85 years old na), na sinabing ang “public service” ay tumutukoy sa railways, ferries, ice plants, irrigation systems, electricity, communications systems, gas at petroleum, atbp. Napakalawak ng saklaw na mga industriya.

Dahil sa kawalan ng malinaw na definition sa Konstitusyon, itinuring na lang na magkatumbas o interchangeable ang “public utility” at “public service.”

Bakit nga ba ipinagbabawal ng Konstitusyon ang pamumuhunan ng mga dayuhan sa public utilities? Isang malaking dahilan ay ang seguridad ng bansa. Halimbawa, maaaring makompromiso ang ating pambansang seguridad kung kontrolado ng ibang bansa (sa pamamagitan ng kanilang mga kompanya) ang ating kuryente, supply ng langis at tubig, seaports, at transportasyon.

Ngunit marami rin namang public utility (o service) na maliit lang o wala talagang kinalaman sa seguridad ng ating bansa. Halimbawa, yung “ice plants” sa 1936 Public Service Act. Magugunaw ba ang lipunan natin kung makapag-invest doon ang mga dayuhan?

Kaya naman, upang maisabatas na (once and for all) ang definition ng public utility, at upang lalong mapaunlad ang ating ekonomiya at maging diverse ang mga negosyo rito, matagal nang itinutulak ng mga ekonomista ang pag-amyenda sa Public Service Act.

Sa batas na pinirmahan ni Pangulong Duterte, nakasaad doon na ang public utility ay tumutukoy lamang sa mga sumusunod:

  1. Distribution of electricity
  2. Transmission of electricity
  3. Petroleum and petroleum products pipeline transmission systems
  4. Water pipeline distribution systems and wastewater pipeline systems, including sewerage pipeline systems
  5. Seaports
  6. Public utility vehicles

Ang anim na ito lang ang public utilities simula ngayon. Lahat ng iba pang industriya ay maituturing na public service, kung saan puwede nang mamuhunan ang mga dayuhan.

Of course, nariyan pa rin ang posibilidad na kapag pumasok na ang mga dayuhan sa ilang industriya, baka maabuso ang kanilang pribilehiyo at makasama sa interes ng bayan.

Paano kung sa hinaharap ay may public services na gustong ituring na public utility? Sa bagong batas, nagbigay ng criteria kung ano-ano ang puwedeng maituring na public utility:

  1. Kung ito’y nagsu-supply sa publiko ng commodity of service sa pamamagitan ng networks
  2. Kung ang commodity o service ay “natural monopoly” kung saan mas may sense na isa lang ang magbigay-serbisyo imbes na dalawa o higit pa
  3. Kung ang commodity o service ay “necessary for the maintenance of life and occupation of the public”
  4. Kung obligado ang industriya na magbigay ng sapat na serbisyo sa publiko on demand

Ang maganda ngayon, malinaw na sa wakas ang batayan kung ano ang public utility versus public service.

Paano naman ’yung mga dayuhang kompanya na pagmamay-ari o kontrolado ng mga dayuhang bansa?

Halimbawa, may concerns na ang pagpasok ng state-owned companies mula sa China sa iba’t ibang industriya sa Pilipinas (tulad ng telecom, electricity distribution, at maging water at natural gas supply) ay nagbibigay ng leverage at strategic advantage sa gobyerno ng China – habang patuloy nilang sinasakop ang mga katubigan natin sa West Philippine Sea. (BASAHIN: China’s creeping influence in PH telco, electricity, water)

(Kung iisipin, kahit walang pag-amyendsa sa Public Service Act, nakapapasok din naman ang China sa ating public utilities na industriya dahil sa pakikipagtulungan sa counterparts nila dito sa Pilipinas, at dahil sa pagiging malapit ni Pangulong Duterte sa mismong China.)

Kaya naman, naglagay din ng ilang “safeguards” sa bagong batas.

Halimbawa, puwedeng suspendehin o ipagbawal ng pangulo ang anumang investment sa public service kung makikitang makasasama ito sa seguridad ng ating bansa. May espesyal na probisyon ding nagsasabi na anumang “entity” na kontrolado ng anumang dayuhang gobyerno (o state-owned enterprise) ay ipinagbabawalang mamuhunan sa anumang public service na maituturing na public utility o “critical infrastructure.” Bawal din silang mag-share ng datos o anumang impormasyon hinggil sa kanilang negosyo sa anumang dayuhang gobyerno o ahente noon.

Hindi rin puwedeng humigit sa kalahati o 50% ang hati sa kapital ng mga dayuhan sa public services unless puwede ring mamuhunan ang mga Pilipino sa bansang kanilang pinanggalingan. Ito ang tinatawag na “reciprocity” condition. ’Di rin basta-basta puwedeng magdala ng foreign workers ang mga negosyong iyon: dapat masiguro munang walang Pilipinong puwedeng ma-hire para gawin ang trabaho, at sinumang foreign worker ay dapat magkaroon ng employment permit.  

Of course, tulad ng anumang batas, magkakatalo na lang sa implementasyon.

Halimbawa, desisyon pa rin ng pangulo kung isususpinde ang foreign investments na maaaring makasama sa ating seguridad. Pero paano kung traydor siya at kontrolado ng mga dayuhang gobyerno? Nakasaad din sa batas na puwedeng magpatuloy ang mga investments ng foreign state-owned corporations bago maipatupad ang batas. Paano na lang, halimbawa, ’yung investments sa mga nakalipas na taon ng Chinese state-owned companies sa telecom at electricity distribution?

Panahon lang ang makapagsasabi kung gaano kaganda o kasama sa ating ekonomiya at pambansang seguridad ang pag-amyenda sa Public Service Act. Kahit na maraming safeguards na nakapaloob dito, kailangan pa rin nating maging mapagmatyag at mapagbantay. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.