importation

[ANALYSIS] Ang mapait na politika ng importasyon ng asukal

JC Punongbayan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[ANALYSIS] Ang mapait na politika ng importasyon ng asukal
Sino ba talaga ang makikinabang sa limitadong importasyon ng asukal? Ang mga ordinaryong sakada o ang mga haciendero at malalaking millers at refiners?

May sugar crisis ang bansa ngayon.

Noong Agosto 16, naglabas ng pahayag ang Coca-Cola, RC Cola, at Pepsi Cola: Ang kanilang industriya raw ay humaharap sa isang shortage o kakulangan ng premium refined sugar na mahalagang sangkap sa kanilang mga produkto.

Ilang buwan bago nito, kapansin-pansin na ang kakulangan ng soft drinks sa ilang fastfood restaurants.

Kulang din ang produksiyon kumpara sa demand. Ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA), ang 1.8 milyong toneladang asukal na produksiyon ngayon ay kulang sa mahigit 2 milyong toneladang demand ng mga Pilipino. Kapag mas mataas ang demand sa supply, shortage ang kalalabasan.

Ayon sa Econ 101, tuwing may shortage ng isang bagay, may pressure para tumaas ang presyo nito. Ito na mismo ang nakikita natin.

Ayon sa mismong SRA, noong Hulyo, umabot na sa halos P90/kilo ang refined sugar sa mga palengke – tumataginting na 57.7% na mas mataas sa presyo noong Enero na P57/kilo lang.

Sa katunayan, mas mataas na ngayon ang average na presyo ng asukal sa mga palengke kumpara sa groceries at supermarkets (Figure 1).

Figure 1.
Ugat ng problema

Paano tayo humantong dito?

Una, grabe ang epekto ng Typhoon Odette sa sugar industry noong 2021.

Ikalawa, dahil sa pananakop ng Russia sa Ukraine, nagsitaasan ang presyo ng mga produktong petrolyo at fertilizer na importante sa sugar production.

Ngunit ayon sa isang discussion note na kinomisyon ng National Economic and Development Authority, maraming mas malalim na dahilan.

Kabilang sa mga ito ang mababang productivity, pagkawatak-watak at masyadong maliliit na lupain sa pagsasaka ng tubó, pangit na soil quality, limitadong irigasyon, kulang na mga makina at kagamitan, atbp. (Ito rin ang ilan sa mga problema ng ibang agricultural sectors.)

Problema rin daw ang “sharing system” sa pagitan ng mga nagsasaka ng tubó at millers, na nagdudulot ng kawalan ng incentive na maglagak ng investments para gawing mas mainam ang kanilang produksiyon.

Pero ang isa sa pinakamalalang problema ay ang masyadong matinding proteksiyon ng industriya mula sa international competition.

Sa mahabang panahon kasi, hinaharangan ang masyadong malaking importasyon ng asukal upang manatiling mataas ang presyo nito at makinabang ang mga nagtatrabaho sa sugar industry – sugarcane farmers, millers, traders, atbp.

Ngunit imbes na gamitin ng industriya ang mas mataas na presyo para sa pagpapataas ng kanilang productivity, naging kampante sila at hindi na na-pressure na maging mas competitive at gawing mas mababa ang costs ng kanilang produksiyon.

Kaya naman makikita sa Figure 2 na masyadong mataas ang presyo ng asukal sa Pilipinas: humigit-kumulang doble sa world price ng asukal at sa presyo ng sugar exports ng Thailand.

Figure 2. Source: NEDA.

To be fair, noong 1996 pa lang ay nagkaroon na ng batas para gawing mas malaya ang importasyon ng agricultural commodities tulad ng asukal. (Kahawig nito ang Rice Tariffication Act noong administrasyong Duterte, kung saan ginawang mas malaya ang importasyon ng bigas.)

Ngunit sa totoo lang, masyadong malakas pa rin ang kontrol ng SRA sa importasyon ng asukal. At malakas din ang lobby at political capital ng malalaking sugar producers, na siyang humaharang sa importasyon dahil masasaktan ang kanilang kita.

Paano ang kalusugan ng mga Pilipino?

Sino ang talo sa masyadong mahal na asukal? Ang ordinaryong consumers. Lumalabas kasi sa datos na kumpara sa mayayaman, mas malaki ang gastos ng mahihirap at middle class pagdating sa asukal at sugary foods and drinks (bilang porsiyento ng kanilang total na gastos).

Oo, may mga nagsasabing okay lang ang mahal na asukal dahil sa health problems na idinudulot ng soft drinks at iba pang sugary foods. ‘Yung 2017 TRAIN law nga, nagpataw ng dagdag na excise tax o buwis sa sugary drinks.

Pero ang masyadong mahal na asukal ay maaari ring magdulot ng inflation ng basic commodities na binibili ng masang Pilipino, tulad ng pandesal at biskuwit. Sa informal sector, marami ring manininda ng sugar-dependent foods and drinks – tulad ng banana cue, taho, sorbetes – ang mawawalan ng kita at túbo.

Politika sa importasyon

Bilang tugon sa kakulangan ng refined sugar at grabeng pagtaas ng sugar prices, SRA na mismo ang nag-issue ng order (Sugar Order 3) noong Pebrero 15 para mag-import ng 200,000 toneladang refined sugar. Kalahati noon ay para sa soft drink companies.

Ngunit hinarang iyon ng Rural Sugar Planters Association, Inc. sa pamamagitan ng isang temporary restraining order (TRO) na nakuha nila sa isang korte sa Sagay City, Negros Occidental – ang top sugar-producing province ng bansa. Kasabay noon, ipinanawagan ng kanilang grupo ang pagpapatalsik sa pinuno ng SRA na si Hermenegildo Serafica.

Pagkatapos ng TRO sa Sugar Order 3, sunod-sunod na ang pagpalo ng presyo ng asukal.

Fast-forward sa Agosto 10, lumabas ang Sugar Order 4 mula sa SRA para payagan ang importasyon ng 300,000 toneladang asukal. Pirmado iyon ni SRA chief Serafica at Department of Agriculture (DA) Undersecretary Leocadio Sebastian.

Ngunit naging kontrobersiyal ito noong makitang pirma ni Undersecretary Sebastian ang nakalagay sa taas ng pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Itinanggi ng Palasyo na pinayagan o pinirmahan ni Marcos ang Sugar Order 4. Magkakaroon din daw ng imbestigasyon hinggil sa “illegal” na order na iyon.

Kinausap ni Marcos si Undersecretary Sebastian, at noong Agosto 12 ay nag-resign si Sebastian. Ayon kay dating NEDA chief Cielito Habito sa kanyang Inquirer column, si Sebastian ay “one of the most highly competent, professional, and internationally respected agricultural officials I have ever worked with.” Nag-resign din si SRA chief Serafica.

May karapatan din daw si Serafica na magdesisyon hinggil sa sugar imports bilang alter ego ng pangulo. Ang pagtanggi ng Pangulo sa import decision ay “clearly for political reasons,” ani Habito. 

Urong-sulong

Mismong si Secretary Arsenio Balisacan ng NEDA na ang nagsabi noong Agosto 17 na dapat payagan ang importasyon, kung hindi agad mapapataas ang lokal na produksiyon ng asukal.

Noong gabi ring iyon, matapos kausapin ang isang grupo ng sugar millers and refiners sa Palasyo, pinayagan na raw ni Marcos ang importasyon ng 150,000 tonelada ng asukal – kalahati ng nakasaad sa Sugar Order 4.

Kasama rin sa meeting na iyon, by the way, si Senator Juan Miguel Zubiri, na miyembro ng makapangyarihang pamilya ng sugar producers. Ani Zubiri, “We thanked the President for not allowing too much importation of sugar to the country that would have affected hundreds of thousands of local farmers and farm workers all over the country.”

Pero sino ba talaga ang makikinabang sa limitadong importasyon ng asukal? Ang mga ordinaryong sakada o ang mga haciendero at malalaking millers at refiners? Kaninong interes ang pinakinggan ni Pangulong Marcos?

At ano rin ang napala ng administrasyon sa pagbibitiw ng tatlong opisyal ng DA at SRA, kung mag-iimport din pala ng asukal ang bansa?

Kaabang-abang ang susunod na kabanata. – Rappler.com

JC Punongbayan, PhD is an assistant professor at the UP School of Economics. His views are independent of the views of his affiliations. Follow JC on Twitter (@jcpunongbayan) and Usapang Econ (usapangecon.com).

1 comment

Sort by
  1. ET

    Thank you Dr. JC Punongbayan for this very informative and enlightening analysis of our Sugar Industry!

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Boy, Person, Human

author

JC Punongbayan

Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD is an assistant professor at the University of the Philippines School of Economics (UPSE). His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler.com. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.